1 week delayed, buntis na ba? Alamin rito ang mga rason kung bakit nahuhuli ang period.
Mababasa sa artikulong ito:
- 1 week delayed, buntis na ba? Mga posibleng dahilan kung bakit delayed ang iyong period
- Mga maagang sintomas ng pagbubuntis
- Kailan dapat mabahala kapag delayed ang iyong period
1 week delayed, buntis na ba?
Kung aktibo ang iyong sex life at hindi dumating sa tamang oras ang iyong period, isa sa mga unang bagay na maaring sumagi sa iyong isipan ay, “Buntis ba ako?”
Bagama’t ang pagiging late o delayed ng period ay isang pangunahin at maagang senyales ng pagbubuntis, hindi naman ito ang tanging dahilan kung bakit hindi dumarating sa inaasahang petsa ang period ng babae.
Para sa mga gusto nang magbuntis, maaring hindi ito ang gusto niyong marinig, pero para sa mga hindi pa handang magka-baby, maaring makahinga ka nang maluwag.
Kaya bago pumunta ng botika para bumili ng pregnancy test, basahin muna ang ibang posibleng rason at kondisyon na maaring dahilan kung bakit delayed ang iyong buwanang dalaw at kung paano masosolusyunan ito.
Mga dahilan kung bakit delayed ang period ng isang babae
1. Stress
Ang sobrang stress ay maaring magdulot ng malaking pagbabago sa normal na takbo ng ating katawan. Maari itong magdulot ng hormonal imbalance at kaya nitong maapektuhan ang pituitary gland o ang parte ng utak na responsable sa pagreregulate ng regla.
Kung pakiramdam mo stress ang dahilan kung bakit huli ang iyong regla, subukan ang ilang relaxation techniques at magkaroon ng pagbabago sa iyong lifestyle. Ayon sa mga eksperto, isa sa pinakamagandang paraan ng pag-aalis ng stress sa katawan ay pag-eexercise.
2. Iyong timbang (low body weight o overweight)
Ang pagkakaroon ng 10% na mas mababang body weight sa normal range ng katawan ng tao sa iyong height ay maari ring makaapekto sa pagkakaroon ng delayed period, dahil binabago nito ang functions ng katawan at naaapektuhan ang ovulation.
Ang masyadong pagbaba ng timbang o anorexia ay maaring magdulot ng problema sa hypothalamus para gumawa ng follicle sitmulating hormone )FSH) at luteinizing hormone (LH) na nagbibigay ng senyales ng ovulation.
Kaya naman kung nakakaranas ng eating disorder ay dapat ng humingi ng tulong sa isang eksperto upang ito ay maitama.
Ganito rin ang epekto sa katawan ng isang babaeng labis ang katabaan o obese, lalo na sa mga mayroong polycystic ovary syndrome. Kaunting pagtaas lang ng timbang ay maaring magdulot na ng problema sa iyong ovulation.
Makakatulong kung aalamin mo ang tamang body mass index (BMI) para sa iyong edad at height, para masigurong tama ang iyong timbang. Gayundin, isang paraan upang masolusyonan ito ay ang pag-eexercise at pagkakaroon ng healthy diet plan.
3. Masyadong matindi ang iyong workout
Posible ring magdulot ng delayed period kapag nasobrahan o masyadong matindi ang iyong physical activity. Karaniwan itong nararanasan ng mga babaeng athletes na nag-eehersisyo ng ilang oras sa isang araw. Nangyayari ito dahil masyadong marami ang iyong nasusunog na calories kaysa sa iyong kinakain.
Kapag marami ang iyong nabe-burn na calories, nawawalan ng sapat na enerhiya ang iyong kakatawan na paganahin ng maayos ang mga parte nito. Maari itong magdulot ng hormonal imbalance at magdelay ng iyong period.
Masosolusyunan naman ito kung babawasan ang iyong physical activity o tataasan mo ang bilang ng calories na iyong kinakain.
4. Polycystic ovary syndrome (PCOS)
Isa naman sa maaring seryosong dahilan ng pagkakaroon ng delayed period ay ang polycystic ovarian syndrome o PCOS. Ito ang kondisyon kung saan nagproproduce ng mas maraming androgen ang isang babae. Bumubuo ito ng cyst sa ovaries na nagdudulot ng hormonal imbalance. Ito ang nagpapatigil o nagiging dahilan upang maging irregular ang buwanang regla ng isang babae.
Kung madalas ma-delay ang iyong period at nagpapakita ng iba pang sintomas ng PCOS, mas mabuting kumonsulta na sa iyong gynecologist para maagapan ang iba pang epekto nito sa iyong katawan.
5. Ang paggamit ng birth control
Ang paggamit ng birth control pills ay maari ring magdulot ng delayed period sa mga babae. Dahil ito ay may taglay na estrogen at progestin hormones na maaring magdulot ng pagbabago sa iyong ovulation cycle. Ganito rin ang epekto ng mga implants at injectable na uri ng birth control.
Kapag tumigil rin ng paggamit ng birth control, posibleng magkaroon ng pagbabago sa iyong cycle na dahilan ng pagkahuli ng period. Tinatawag itong post-pill amenorrhea.
Ugaliing kumonsulta muna sa iyong doktor bago gumamit ng anumang uri ng birth control, at gayundin bago mo itigil ito para malaman kung paano nito maaapektuhan ang iyong ovulation cycle.
6. Diabetes
Maaring dulot rin ng chronic disease ang pagkakaroon ng delayed period. Ito ay maaring dahil sa diabetes o celiac disease na naapektuhan ang menstrual cycle ng isang babae. Dahil ang pagbabago ng blood sugar ng katawan ay may kaugnayan sa hormonal changes na malaki ang papel sa pagreregulate ng menstrual cycle.
Habang ang celiac disease naman ay ang pagkasira ng iyong small intestine na nagiging dahilan para mahirapang kumuha ng kinakailangang nutrients ng katawan. Ito rin ay nagdudulot ng missed o delayed period.
7. Early peri-menopause
Para sa mga babaeng edad 45-55 gulang, ang delayed period ay maaring indikasyon rin na nakakaranas na sila ng early peri-menopause o maagang mga senyales ng menopause. Ang kondisyon na ito ay nagpapababa ng supply ng egg cells ng isang babae na nakakaapekto sa menstruation.
Kung ikaw ay nasa edad na 45 hanggang 55, makakabuting kumonsulta sa iyong doktor para malaman kung anong mga pagbabago ang maari mong asahan sa pagdating ng menopause.
8. Problema sa thyroid
Ang iyong thyroid ay tumutulong para makontrol ang iyong menstrual cycle. Kapag masyadong marami o masyadong kaunti ang napo-produce na thyroid hormones ng katawan, maari itong maging dahilan para matigil o maging delayed and iyong period.
BASAHIN:
Sintomas ng Buntis: 10 maagang palatandaan na pwede mong abangan
7 Commonly asked questions about mothers with Thyroid conditions
#AskDok: Irregular ang regla ko, may paraan ba para mabuntis ako agad?
Maagang sintomas ng pagbubuntis
Subalit kung 1 week ka nang delayed, maari ngang buntis ka kung nararanasan mo ang mga sumusunod na sintomas:
- Breast tenderness o pananakit ng suso
- Pagkaramdam ng matinding pagod at laging inaantok
- Pagduduwal kadalasan sa umaga (pero maaari ring maramdaman ito sa kahit anong oras)
- Matinding pagkatakam o pagkaumay sa pagkain.
- Madalas na pag-ihi.
- Spotting o pagkakaroon ng kaunting dugo ilang araw matapos magtalik.
Kung mapapansin ang mga sinasabing sintomas, mas mabuting magsagawa ng home pregnancy test para makasiguro, o kaya naman ay pumunta at magpakonsulta na sa doktor upang masagot na ang katanungan mong, “1 week delayed, buntis na ba ako?”
Kailan dapat mabahala?
Samantala, kung nakumpirma mong hindi ka buntis at nakakaranas ng mga sumusunod na sintomas (habang o pagkatapos ng delayed period), dapat ay kumonsulta ka na agad sa iyong doktor:
- matinding pagdurugo
- lagnat
- matinding pananakit ng puson
- pagkahilo at pagsusuka
- pagdurugo na tumatagal ng mahigit 7 araw
Tandaan, hindi sa lahat ng oras ay buntis ang isang babae kapag delayed and kaniyang period. Subalit maaring senyales ito ng isang problema sa iyong kalusugan na kailangan rin naman ng pansin. Para makasiguro, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong doktor kapag delayed ang iyong period o mayroon kang katanungan tungkol sa iyong reproductive health.
Source:
Healthline, The Asian Parent, Medical News Today
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!