13-anyos, pinakabatang nagkaroon ng HIV mula sa pakikipagtalik

Ang HIV testing ay libre at confidential, at mas maagang malaman, mas madaling maagapan.
Isang 13-anyos na bata sa Palawan ang naitalang pinakabatang kaso na nagkaroon ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) na nakuha sa pakikipagtalik — isang balitang hindi lang nakakagulat, kundi dapat ding pag-isipan ng mga magulang sa buong bansa. Ayon sa Department of Health, mahigit 4,500 bagong kaso ng HIV ang naitala mula Hulyo hanggang Setyembre 2024, kung saan karamihan ay nasa edad 15 hanggang 34. Sa kabuuan, tinatayang aabot na sa 215,400 ang mga Pilipinong may HIV pagdating ng katapusan ng taon.
Ayon sa ulat ni JB Juanich ng GMA Super Radyo Palawan DYSP, kinumpirma ng City Health Office (CHO) at ng Amos Tara Community Center na patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng mga nagkaroon ng HIV sa Palawan, lalo na sa hanay ng mga menor de edad.
Nakababahalang datos

Larawan mula sa Freepik
Ibinahagi ni Ms. Regina Villapa, STI, HIV, at AIDS Program Coordinator ng CHO, na may naitalang 17 kaso ng HIV sa mga batang edad 14 pababa sa Palawan. Ang pinakabata ay isang sanggol na nahawa mula sa kanyang ina sa pamamagitan ng mother-to-child transmission. Pero ang kasong tinutukoy sa artikulong ito ay ang 13-anyos na nakakuha ng HIV mula sa pakikipagtalik ang siya pinakabagong hamon sa mga magulang at tagapag-alaga.
Bukod sa mga bata, mataas din ang bilang ng kaso sa mga kabataan:
-
391 kaso sa mga edad 15–24
-
593 kaso sa edad 25–34
-
187 kaso sa edad 35–49
-
22 kaso sa edad 50 pataas
Sa kabuuan, mayroong 1,198 kaso ng HIV sa buong Palawan mula pa noong 1988. Sa bilang na ito, ang Puerto Princesa ang may pinakamaraming kaso — umaabot sa 709.
Libre ang testing, pero marami pa rin ang natatakot
Nakakalungkot isipin na kahit libre at confidential ang HIV testing, marami pa rin ang ayaw magpasuri. Ayon sa mga health officials, may mga tao na hindi alam na may HIV sila, habang ang iba naman ay aware na sa kanilang kondisyon pero pinipiling huwag magpagamot.
Kasalukuyang may isang treatment hub sa lalawigan — ang RedTop Center sa Ospital ng Palawan (ONP) — na siyang nagsisilbi sa mahigit 1,200 pasyente.
Hindi kabataan ang ugat ng problema
Sa isang pahayag ng Roots of Health, binigyang-diin na ang problema ay hindi ang mga kabataang may HIV kundi ang sistemikong kakulangan ng edukasyon, proteksyon, at access sa mga ligtas at youth-friendly na serbisyo.
Ayon sa kanila, ang pagtaas ng kaso ay hindi dapat ituring na moral na pagkukulang ng kabataan kundi pagkukulang ng mga matatanda sa pagbibigay ng sapat na suporta at impormasyon.
Panawagan nila ang pagtutulungan ng komunidad upang masugpo ang stigma, palaganapin ang tamang kaalaman, at gawing mas accessible ang mga serbisyong gaya ng condom distribution, HIV testing, at PrEP para sa kabataan.
Paalala para sa mga magulang

Larawan mula sa Freepik
Patuloy ang panawagan ng CHO at ng Amos Tara Community Center sa publiko, lalo na sa mga magulang — turuan ang mga anak tungkol sa tamang impormasyon ukol sa HIV, bigyan ng tamang edukasyon patungkol sa pakikipagtalik. Mahalaga rin na himukin silang magpasuri, lalo na kung sila ay may exposure o nagkaroon ng sexual activity.
Ang sex education ay hindi lamang responsibilidad ng paaralan, kundi nagsisimula sa tahanan. Bilang magulang, napakahalagang maging bukas sa usaping ito — hindi para humukin sila na gawin ito bagkus upang bigyan sila ng kaalaman na makakapagligtas ng kanilang buhay.
Paalala nila: ang HIV testing ay libre at confidential, at mas maagang malaman, mas madaling maagapan.