Pagkatapos ng “terrible twos”, susunod naman dito ang yugto ng 30 buwan development at paglaki ng bata na kung saan inihahanda siya sa kanyang pagiging threenager.
Sa puntong ito, dalawa’t kalahating taon na ang iyong anak, masyado pa siyang malapit sa iyo pero may ilang malaking pagbabago lalo na ang kanyang kakayahang makisalamuha at makapagsalita. Pero ang pinakakapana-panabik sa yugtong ito ay ang pagtuturo sa kanyang magbanyo, isang malaking pagbabago sa 30 buwan development kung saan iwas diapers at wet wipes na!
Narito ang ilang gabay sa 30 buwan development ng iyong anak at kung ano ang mga dapat asahan. Tandaan, ang development ng mga toddler ay magkakaiba. Maaaring mangyari ang ilan sa mga development na ito kapag handa na ang ilang batang late bloomers.
30 Buwan Development at Paglaki: Nakakasubaybay ba ang Iyong Anak?
Pang-araw-araw na Kasanayan
Ang pagiging independent o pagsasarili ng iyong anak sa edad na ito ay kapansin-pansin, matapos ang ilang buwang panggagaya sa inyo, Mommy at Daddy.
Ang pagbabagong ito ay ang nangangahulugang gusto na niyang gawin ang mga bagay-bagay nang mag-isa. Isa sa mga mapapansin ay ang pagkukusa niyang magbihis, o ang pagpipilit na magsipilyo nang mag-isa at maghugas ng mga kamay.
Sa usaping kalinisan sa katawan, ito ay magandang panimula upang maturuan siya kung paano magbanyo.
Mga Tips:
- Suportahan ang iyong anak sa kanyang bagong tuklas na independence sa pamamagitan ng simpleng pagtuturo sa kanya kung paano ang tamang pagsisipilyo at pagpapanatiling malinis ng kanyang mga kamay.
- Pakainin siya ng mga masustansiyang pagkain tulad ng prutas at gulay, at iwasang pakainin ng mga pagkaing matatamis.
- Hayaan siyang magbihis nang mag-isa at maging mapagpasensya sa pagtuturo sa kanya kung paano ito gagawin. Ang pagbibigay-laya sa kanyang pumili ng susuotin ay magpapakita ng kanyang self-expression.
- Isali siya sa mga simpleng gawain tulad ng pagtatangkap ng kanyang mga laruan, at turuan siyang maging responsable at matulungin. Sa ganitong paraan, puwede siyang maging “side-kick” ni Mommy.
- Narito ang mga dapat asahan sa 30 buwan development check-up ng iyong anak: tangkad, bigat, pisikal na pagsusuri (ng mga mata, tenga, puso, baga, atbp.), bakuna at developmental screening.
Pisikal na Paglaki
Sa 30 buwan development ng bata (dalawa’t kalahating taon), ang inyong anak ay may kakayahan nang tumalon na magkasabay ang dalawang paa at bumaba ng hagdan na salitan ang mga paa. Maaari na rin siyang sumakay at pumadyak ng bisikleta nang mag-isa.
Maayos na rin ang pagbalanse ng kanyang katawan at dahil dito, nagagawa na niyang tumakbo at umiwas sa mga balakid sa kanyang dadaanan. Kontrolado na rin niya ang kanyang mga paa at kamay kaya maging handa sa mga lobo at bola na bagong bagay na kagigiliwan ng iyong anak.
Kapag tumuntong na sa 30 buwan development ang iyong anak, may kaalaman na siya sa simpleng paggupit at pagtupi ng papel, pagguhit at pagkilala ng ilang kulay kagaya ng pula at dilaw. Ang paglalaro ng malalaking butones at zipper ay hindi magiging problema, maging ang pagbubukas ng takip ng mga botelya. Magtutuwa rin siya sa paglalaro ng mga puzzle at bloke!
Mga Tips:
- Tiyaking ligtas ang inyong anak sa loob ng bahay.
- Gumawa ng isang obstacle course kung saan maaari siyang gumapang at umakyat. Malilibang ang iyong anak sa ganitong aktibidad.
- Ang mga parke at palaruan ay magandang lugar para sa iyong anak upang malaya siyang makatakbo at makapaglaro. Siguraduhin lamang na ikaw ay nakabantay at paalalahanan din siyang mag-ingat.
- Bigyan ng pagkakaabalahan ang iyong anak gaya ng pagpipinta gamit ang pintura at crayons.
- Turuan siyang magligpit ng kanyang mga laruan pagkatapos maglaro.
- Samahan siyang maglaro ng city blocks. Sa larong ito mahahasa ang kanyang isip at hand-eye coordination habang ginagaya ka niya.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Komunsulta sa pediatrician kung sa 29 buwan development ng iyong anak ay nahihirapan siya sa pagkilos. Sa kanyang edad, dapat ay well-developed na ang kanyang pag-balanse. Kung palagi siyang nadadapa, nahihirapang tumakbo, tumalon o maglakad gaya ng ibang bata, oras na Mommy upang ipa-checkup ang iyong anak.
Pagsulong ng Kamalayan
Pagtuntong ng 30 buwan development ng bata ay nag-uumpisa na rin ma-develop ang kanyang pag-iisip.
Para sa mga batang nangangailangan ng ispesyal na atensyon, isa itong oportunidad para sa mga magulang ang hasain ang kanilang kakayahang matuto at maglaro. Ito ang panahon kung saan maari siyang turuan ng mga simpleng problem-solving o maturuan siya ng trial and error activities. Sa 30 buwan development ng bata, dapat tukoy na niya ang pagkilala sa mga hugis, sukat at kulay.
Mga Tips:
- Ang paglalaro ng building blocks at puzzles ay magandang umpisa para sa kanyang sorting skills.
- Maglaro ng scavenger hunts upang matuto siya kung ano ang pagkakaiba ng itaas, ibaba at loob.
- Ang paglalaro ng tubig sa pamamagitan ng pagsasalin nito sa iba’t ibang sukat na lalagyan ay makakatulong sa kanyang kakayahang tumukoy ng sukat.
- Ang pag-uulit ng mga pambatang kanta o nursery rhymes ay makakatulong naman sa kanyang memorya.
- Habaan mo pa ang iyong pasensya, Mommy. Ang 30 buwan development ng bata ay nakakapagod para sa ilang magulang, lalo na kung kumikilos na sila na parang threenager.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Komunsulta sa iyong doktor kung mapapansing hirap ang iyong anak na sumagot sa simpleng problem-solving. Gayundin kung naguguluhan siya sa pagkilala ng mga bagay ayon sa hugis, kulay, at laki nito. Sa paraang ito maaga mong malalaman kung may problema ang iyong anak
Kakayahang Sosyal at Emosyonal
Magsaya, mga Mommies! Dahil sa 30 buwan development nagsisimulang makipaglaro sa ibang bata ang inyong anak.
Huwag masyadong umasa na magkakaroon ka ng mahabang oras ng pakikipag-chikahan sa iba pang nanay ng mga bata habang sila ay nakikipaglaro. Habang abala ang inyong anak sa pakikipaglaro, may ilang bata pa ring hirap makisalamuha.
Madali rin silang mainis dahil nalilito pa rin sila kung gusto ba nilang magsarili o magpatulong pa rin sa kanilang Mommy.
Bahagi ng 30 buwan development ng bata ang hamon para maipahayag ang kanyang emosyon. Huwag mag-alala kung bigla siyang magtampo kapag hindi mo naiintindihan ang ibig niyang sabihin. Habaan mo pa ang iyong pasensya dahil sa estadong ito, mas bigo ang iyong anak kaysa sa’yo.
Maaari mong makita ang ilang improvement ng iyong anak sa separation anxiety. Gayunpaman, ang inyong anak ay magsisimula nang magkaroon ng mga bagong katatakutan gaya ng pagiging mag-isa sa dilim at pagkatakot sa mumu.
Ang pagbago sa kanyang mga nakasanayang gawin ay maglilikha ng panibagong tantrums sa inyong anak. Ang kagandahan lang sa trying phase na ito ay ang unti-unting pagkilala niya ng kung ano ang tama at mali.
Mga Tips:
- Ayos lang makipag-kwentuhan sa kapwa magulang kapag playdate ngunit manatili pa ring nakaalerto sakali mang magpatulong sa iyo ang iyong anak sa anumang sitwasyon.
- Mas komportable ang iyong anak kung siya ay nakikipaglaro sa mga pamilyar na tao sa kanyang paligid.
- Palakasin ang loob ng iyong anak. Makipaglaro sa kanya at ipakita mo kung paano magpalitan at magbigayan.
- Himukin ang iyong anak na ipakilala ang kanyang sarili sa kanyang mga kalaro.
- Hikayatin siyang maglaro ng kunwa-kunwarian dahil hindi lang ito nakakatuwa. Made-develop din nito ang kanyang sense of humor.
- Huwag silang kalimutang purihin kapag may mabuti silang nagawa. Maging mapanghikayat kaysa maging pala-utos.
- Pakinggan silang maigi lalo na kung may nais silang sabihin upang maramdaman nilang importante at pinapahalagahan mo sila.
- Maging malumanay kapag sila ay pinagsasabihan dahil nag-uumpisa pa lang nilang matutunan ang kaibahan ng tama at mali.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Kung mapapansin mong nahihirapang makisalamuha ang iyong anak sa ibang bata o kung ayaw niya mismong makipaglaro, makabubuting dalhin siya sa doktor.
Sa ganitong edad ay dapat nagsisimula nang makisalamuha sa iba ang iyong anak. Bagaman magkakaiba ang pagsulong ng mga bata, madali mong mapapansin kung hindi nakikibagay o hindi nakikipaglaro ng maayos ang iyong anak.
Development sa Pagsasalita
Sa panahong ito, ang inyong anak ay alam na ang kaibahan ng mga simpleng salita kagaya ng “mainit at malamig” o “taas at baba”.
Ang malaking pagbabago sa 30 buwan development ng bata ay ang pagsulong ng kanyang pananalita. Unti-unti nang nakakasagot ng mas mahaba ang iyong anak, mula sa isang salita na sagot hanggang sa maiiksing parirala at nakakasunod na rin sa mga simpleng tagubilin. Mas madali na rin silang maintindihan bagaman kadalasan pa rin silang nagtatanong ng “Ano?” at Saan?” (o “What?” at “Where?” sa Ingles).
Sa kabila ng pagiging maingay, natututo na rin siyang malaman ang pagkakaiba ng hina o lakas ng mga tunog at mga tono.
Mga Tips:
- Kapag nagbabasa, mas mabuting ipaulit ang iyong binasa sa iyong anak. Bigkasin nang malinaw ang bawat salita at iparinig kung paano ang wastong pagbigkas nito. Basahin ng may iba’t-ibang tono.
- Ang mga librong maraming panghalip o pronouns ay makatutulong para sa pagpapabuti ng kanyang pakikipagtalastasan.
- Ang pagtuturo sa kanya gamit ang mga pictorial flashcards ay nakatutulong sa pagpapaunlad ng kanyang bokabularyo.
- Ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa iyong anak sa mga sa panahong ito upang mapalawak pa ang kanyang bokabularyo.
- Maging matiyaga kapag siya ay nagtatanong. Asahan na ang kanyang pagiging matanong, Mommy!
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Habang ang ibang bata ay nahihirapang matuto ng mga salita, sa kabuuan, mapapansin mo ang pag-unlad ng bokabularyo ng iyong anak. Ngunit kung walang pagbabago sa kanyang bokabularyo sa loob ng ilang buwan, baka oras ng pumunta sa doktor.
Kung nahihirapang makasunod sa mga tagubilin ang iyong anak kahit paulit-ulit mo na itong ipinapaliwanag sa kanya, ipatingin na siya agad sa isang espesiyalista upang malaman ang dahilan kung bakit nahuhuli ang development ng iyong anak.
Laging tandaan na maging mapagpasensya at palakasin ang loob ng iyong anak. Iwasan din ang ikumpara ang iyong anak sa ibang bata. Maging isang “cool mom” at gawing magaan at masaya ang mga bagay-bagay para sa iyong anak. Tandaan, magkakaiba ang learning styles ng mga bata.
Ang iyong anak ay hindi mananatiling bata kaya i-enjoy ang kanyang pagiging mausisa at matanong habang inihahanda ang matibay na pundasyon para sa kanyang hinaharap.
Kalusugan at Nutrisyon
Sa 30 buwan development, ang taas ng iyong anak ay dapat nasa humigit-kumulang 84 cm hanggang 98.3 cm at may bigat na 10.7 kgs hanggang 16.2 kgs.
Kumakain na dapat siya ng mga solid food at minsan na lang umiinom ng gatas bilang karagdagan sa kanyang pagkain. Ang wastong pagkain at pisikal na aktibidad ay parehong mahalaga pagdating sa pagpapabuti ng kalusugan ng iyong anak.
Ilang nakukuhang sakit kapag tumuntong na sa ika-30 buwan ang bata ay ang chickenpox, beki, tigdas at lagnat, kaya siguraduhing kumpleto sa bakuna ang iyong anak. (Dapat meron siyang bakuna laban sa MMR, chickenpox, lagnat at hepatitis) At kung may isa sa mga nabanggit na hindi pa nagagawa sa iyong anak huwag mag-alinlangan kumonsulta sa doctor.
Karaniwang sakit ng mga batang nasa 30 buwan development ay ang bulutong, beke, tigdas at trangkaso, na karamihan ay dapat naibakuna na sa iyong anak laban sa mga sakit na ito. Kung kulang ng alinmang bakuna ang iyong anak, mabuting komunsulta sa doktor.
Ang lagnat ay karaniwan ding sakit kaya mas mabuting subaybayan ang kalusugan ng iyong anak.
Ang pagbibigay ng balanseng nutrisyon sa iyong anak ay napakahalaga. Siguraduhing nabibigyan siya ng mga pagkaing mayaman sa carbohydrates, protein, iron, at iba pang essential vitamins at minerals na kailangan ng kanyang katawan.
Pagdating naman sa meal plan ng iyong anak, kailangan niya ng 1/3 tasa ng kanin o tinapay, 1/3 tasa ng karne at gulay, at 1/3 tasa ng prutas. Ang dami ng pagkain ay nakadepende pa rin sa gana ng iyong anak sa pagkain.
Kailan Dapat Komunsulta sa Doktor
Kailangan mo nang komunsulta sa doktor kung ang iyong anak ay mas maliit kumpara sa ibang bata o kung hindi siya nagdedevelop gaya ng inaasahan mo.
Ang buwanang pagbisita sa inyong doktor ay isang magandang ideya kung nais mong masubaybayan ang development ng iyong anak.
At kung sakaling may iniindang matagal ng sakit ang iyong anak kagaya ng lagnat, ubo o sipon, huwag mag-atubiling dalhin siya sa doktor at baka may seryosong bagay na dahilan ito.
Isinalin mula sa Ingles ni Yddette Civ Alonzo-Cruz
Sources: Kidshealth, WebMD
Ang nakaraang buwan ng iyong anak: 29 buwan
Ang susunod na buwan ng iyong anak: 31 buwan