Althea pills, anu-ano nga ba ang benepisyong makukuha sa pag-inom nito?
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
Benipisyo ng pag-gamit ng Althea pills
Ang Althea pills ay isa sa kilalang contraceptive pills na ginagamit ng mga kababaihan. Ito ay may taglay na Cyproterone Acetate at Ethinyl Estradiol na hindi lamang para pigilan ang pagbubuntis ngunit para rin controlin ang pagdami ng acne at hirsutism o unwanted hair growth sa katawan.
Inirerekumenda rin ng mga doktor ang pag-gamit ng Althea pills para sa mga babaeng mayroon PCOS o polycystic ovary syndrome at hormonal imbalances. Nakakatulong rin ito para ma-regulate ang menstrual cycle ng isang babae.
Pero maliban sa mga ito, ang isang dahilan kung bakit maraming babae ang nahuhumaling na gamitin ito ay dahil sa blooming at glowing effect daw nito sa balat na nagbibigay daw ng mala-dyosang kagandahan.
Ang mga benepisyong ito ay makukuha ng isang babae sa halagang P490 kada pakete buwan-buwan. Ito ay ang cheaper counterpart ng ibang pills na sinasabing nagbibigay rin ng parehong benepisyo sa mga kababaihan.
Ngunit, ang pag-inom ng Althea pills ay may kaakibat na disiplina lalo na kung ginagamit ito para maiwasan ang pagdadalang-tao. Dahil ang pagkakalimot o maling pag-inom ng pills na ito sa tamang oras ay maaring magdulot ng pagbubuntis. Kaya naman ay dapat alam mo kung paano tamang gamitin ito.
Paano gamitin
Lingid sa kaalaman ng marami, ang pag-gamit ng Althea pills (at ng kahit na anong uri ng oral contraceptive) ay nangangailangan muna ng preskripsyon ng iyong doktor. Dahil may mga naitalang side effects kapag hindi ka hiyang sa pag-gamit nito. Ilan nga side effects na maaring maranasan sa paggamit ng Althea pills ay ang sumusunod:
Side effect ng pag-inom ng Althea pills
- Nausea
- Pagsusuka
- Cramps
- Breast tenderness o pananakit ng suso
- Kawalan ng gana sa pagtatalik
- Mid-cycle bleeding o spotting
May ilang babae naman ang gumamit ng Althea na nagsabing sila ay tumaba at nagkaroon ng allergy sa balat sa pag-gamit nito.
Tamang pag-inom ng Althea pills
Samantala ang pag-inom ng Althea pills ay tulad rin ng ibang contraceptive pills na kailangang inumin ang isang tableta araw-araw
Sinisimulan ang pag-gamit nito sa unang araw ng menstrual bleeding o regla. Puwede rin itong simulan ng kahit anong araw basta sigurado ang isang babae na hindi siya nagdadalang tao.
Ngunit para lubos na makasigurado, sa unang beses ng paggamit nito ay ipinapayong sabayan ng paggamit ng back-up method sa susunod na 7 araw tulad ng condom.
Ang Althea pills ay may taglay na 21 pills na kailangang inumin sa loob na tatlong linggo. At ang unang pill na kailangang inumin ay ang number 1 pill na ipapagpatuloy lang ng sunod-sunod sa parehong oras araw-araw hangga’t maari.
Kapag naubos na ang isang pack ng Althea pills ay may pitong araw na pahinga ang isang babae mula sa pag-inom nito.
Madalas ang regla ay dumadating sa ikatlong araw na pahinga ng isang babae sa paggamit ng Althea. Ngunit kailangang tandaan may regla man o wala ay kailangang simulan ulit ang panibagong pack ng Althea pills matapos ang 7 araw na pahinga sa paggamit nito.
Paano kapag nalimutan na uminom sa tamang oras
Kung sakali namang malimutan ng isang babae ang pag-inom ng pills sa tamang oras ay kailangan niya agad inumin ang missed pill sa loob ng 12 oras matapos makaligtaan. Habang ang susunod na pill ay kailangan niyang inumin sa parehong oras na regular niya itong iniinom araw-araw. Nangangahulugan ito na maaring uminom ng dalawang pills sa isang araw hanggat pasok ang pag-inom ng missed pill sa 12hour lapse period.
Para mas makasigurado sa mga ganitong sitwasyon ay kailangang gumagamit ng back up method ang isang babae sa mga araw na nakakaligtaan niyang inumin ang pill sa tamang oras.
Ang pagkakalimot ng pag-inom ng Althea pills ng dalawa o higit pang beses ay nagpapataas ng tiyansa ng isang babae na mabuntis. Sa ganitong sitwasyon ay inumin ang pinakahuling missed pill at hayaan na ang nakalimutang iba. Ipagpatuloy ang pag-inom ng mga susunod na pills sa tamang oras habang gumagamit ng condom o di kaya naman ay huwag munang makipagtalik sa susunod na 7 araw.
Ngunit kung patuloy na makakalimot sa pag-inom ng pills ay mabuting makipag-usap sa iyong doktor kung ano ang maaring gawin o kaya naman ay palitan ang contraception na ma-memaintain mo.
Ang pag-inom ng kahit anong medikasyon tulad ng pills ay nangangailangan ng gabay ng iyong doktor. Ito ay para masigurado na hindi makakasama ang medical contents nito at mabigyan ka ng prescription na magiging hiyang sayo.
Source: MedicineNet, Watsons, Mims Philippines
Photo: Pixabay
Basahin: Puwede pa rin bang mabuntis kahit umiinom ng pills?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!