Lumaki akong walang nanay at tatay. Hindi ko masabi kung masaya ba talaga ko o hindi.
Madalas okay naman pero parang may kulang. Kaya nung araw na nakita ko ang dalawang linya sa pregnancy test, magkahalong takot, lungkot, pangamba, saya ang nararamdaman ko.
Handa na ba ko? Paano ako magiging magulang? Lumipas ang 9 na buwan, lumabas ka na.
Kami ng daddy mo ang pinakamasaya. Pero may takot pa din ako. Kasama siguro talaga ‘yon ‘pag unang beses kang magiging nanay.
Umuwi kami sa bahay ni Daddy, malaking adjustment sa part ko. 1st time mom, makikisama pa ko eh sanay akong ako lang sa buhay kami lang ng lola ko.
Tapos may pagka-introvert pa ko. Hindi ko sure kung ganon talaga kase minsan ayoko ng madaming tao. Hirap ako makisama sa bagong kakilala. Hirap na hirap ako non. Hirap na hirap ako mag-adjust.
Hindi ko sila ganon ka-close tapos ‘di pa ko sanay sa lugar nila. Umiiyak ako ng umiiyak. Madalas pa kami mag away ng daddy ni baby na lalong nagpalala sa nararamdaman ko. Halos magkulong na lang ako. Ang dami kong naiisip. Hindi ako makapag-function araw-araw dahil hindi maganda yung mental health ko nung mga panahon na yun.
Laging mainit ulo ko. Gusto kitang iwan, lumayo, tumakbo… gulong-gulo ang isip at puso ko. Pero dahil na din siguro sayo baby, at sa pagmamahal ko sayo at pagmamahal ni daddy, nakaya kong labanan lahat ng dilim sa utak ko. Ikaw ang pinakanagsilbing liwanag.
May mga araw na gusto ko ng wakasan na lang pero naiisip kita. Ayokong lumaking walang nanay yung anak ko kagaya ko. Napakahirap. Mahirap makisama at humingi ng atensyon sa iba dahil hindi mo nakuha yung atensyon at pagmamahal na yun sa magulang mo.
Ang hirap nung may masakit sayo pero walang mag-alaga sayo. Ang hirap nung gusto mo ng yakap lalo sa mga panahong malungkot ka pero walang nanay o tatay na yayakap sayo bagkus kalungkutan at kakulangan ang yayakap sayo.
Sa mga araw na puro dilim yung nasa isip at puso ko, binabalikan ko yung mga araw na malungkot ako para hindi ko magawang iwan ka at iparamdam sayo yung ganong kalungkutan. Mahal na mahal kita anak. Ayokong maramdaman mo yun.
Kaya yung mga pangamba ko nung unang araw na nalaman kong buntis ako, ang takot, isa lang alam ko. Magiging mabuting nanay ako sayo. Hindi ako magpapatalo sa nararamdaman kong hindi maganda. Lalaban ako araw-araw. Lumalaban ako at lalaban pa.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!