Halos 13 years ang nakalipas mula noong unang akong nanganak. Madali lang ako nabuntis mula noong nagdesisyon kaming mag-asawa na handa na kaming magkaanak. Noong unang anibersayo namin bilang mag-asawa, sinabi namin na kaya na namin.
Nagbibiruan lang kami na baka mag-positive ang pregnancy test agad. Ayun na nga! Napa-iyak ako at dali-daling sinabi sa aking asawa. “Magiging tatay ka na!” Pati siya ay halos lumundag sa saya.
Smooth First Pregnancy
Madali ang aking pagbubuntis sa aming panganay. May konti pagsusuka at pagkahilo. Lagi rin akong inaantok. Alam kong normal yun sa mga buntis. Sa aking paglilihi naman, lagi akong naghahanap ng sinigang at hotdog sandwich na nabibili sa isang food mart.
Napakalakas ko ring kumain noon kaya naman sobra-sobrang timbang ang nadagdag sa kin. Ayos lang, nailabas ko nang malusog ang aking panganay na si Noah. May sarili na kaming bundle of joy! Noon ko lang naintindihan ang tunay na ibig sabihin nito.
Naging mabilis, madali, at masaya ang aming pagpapalaki sa aming panganay. Napakabait niya. Malikot man noong naging toddler na siya ngunit nasasaway naman. Pero nasabi ko na hindi ko pa kayang sundan ito at magkaroon ng isa pang anak. Nag-antay muna kami bago siya mag pitong taon.
Bago pa man ang kanyang 7th birthday, nagsimula na kami ng aking asawa na sumubok na magkaroon ng isa pang supling. Dalangin ko noon na magkaroon ng kapatid si Noah. Umabot ng isa, dalawang taon — wala pa rin. Bakit ganun? Akala ko madali lang ako mabuntis? May problem ba ako o ang asawa ko? Hindi ba ako healthy? Bakit kaya? Isa na lang ba ang aming anak?
Birthday Wish Come True
Sa aking 36th birthday, nag-wish ako: Lord, I want a baby. Noon ko lang uling naramdaman ang sobrang pagnanais na magkaanak. Pero sinabi ko rin, ayos lang kung wala. Buti nga meron na kaming isang anak.
Pagkaraan ng isang linggo, nagsimula akong magkaroon ng mga pimples. Kakaiba ang mga ito, sabi ko parang hormonal. Sa maniwala kayo o sa hindi, noon pa lamang, alam ko ng iba yun. Buntis na ata ako!
Parang may boses na nagsasabi sa kin, “You’re already pregnant. Check.” Si Lord ‘yon alam ko. Pero sinabi ko, “You’re telling me I’m pregnant but I will wait one more week to be sure.”
Parang hindi pa ako naniniwala pero inantay ko ang Sabado. Nagpabili na ako ng pregnancy kit sa asawa ko. Lagi ko namang ginagawa yun eh. Nagpapabili pero negative pa rin. Noong araw na yun, hindi ko rin naman alam na bakit tatlong pregnancy kits rin ang kaniyang binili. Sinabi lang niya, “Para hindi na ko bibili ulit.”
Nag-check ako agad-agad. Nanlaki ang mata ko noong makita ko ang 2 lines! That means positive! Isa pang pregnancy kit. Positive talaga! Binuksan kong muli ang isa at sinubukan. Positive pa rin! Thank you Lord! Ito na yun! After 10 years!
Dali-dali akong sumulat sa aking asawa. Sa aking liham nakalagay doon, “See you soon, Daddy!” Hindi siya makapaniwala! Sinabi na rin namin sa aming anak na si Noah. “Magiging Kuya ka na!” Laking tuwa ng aming panganay at napa-iyak pa nga ito.
Sinabi namin agad ang magandang balita sa aming mga pamilya at kaibigan. Nagpa-check up rin ako agad. Healthy ang aking pregnancy. Healthy ang aking baby! Kumpara sa una kong pagbubuntis, hindi ako masyadong nagsuka. Antukin pa rin naman ako at malakas kumain pero kontrolado na.
Getting Sick While Pregnant
Naging mas madali ang aking pangalawang pagbubuntis hanggang sa umabot ang pang-limang buwan, ako ay nagkasakit. UTI ang sinabi ng doctor. Madalas daw itong nagiging sakit ng mga buntis. Hindi ko maintindihan bakit nangyari yun.
Hindi rin naging maganda ang experience ko. Sobrang taas ng aking lagnat. Wala rin akong ganang kumain. Nagchi-chills ako ng mga ilang araw lalo na sa gabi. Nilalamig ako kahit makapal na ang aking suot at wala namang aircon. Hindi bumababa ang aking lagnat kahit naka-antibiotic na ako.
Gusto ko na sana ngang pa-admit sa hospital. Sinabi lang ng aking OB na antayin natin kinabukasan at kung may lagnat pa rin ng maghapon, diretso na sa hospital. Salamat sa Diyos at hindi na ako nilagnat o nag-chills. Magaling na pala ako!
Kampante ang aking OB na matatapos rin ang aking UTI. Ako lang naman ang natatakot. Natural lang naman ito siguro bilang isang buntis. Ang tagal naming inantay tong baby sa tiyan ko tapos magkakasakit lang ako. Sana walang mangyaring masama.
Pagkatapos kong magkasakit, naging maayos muli ang aking pagbubuntis. Masaya ang lahat dahil may bagong baby. Sa side ng aking asawa, mas masaya naman dahil sabay kami ng aking sister-in-law na buntis rin. May two babies na paparating sa aming pamilya!
God’s Timing is Perfect
March 2020 nang lumabas si Baby Ezra—ang aming second baby! Another bundle of joy! Masaya ito ngunit kakaiba rin naman ang kwento ng aking panganganak sa kanya. Bakit? I gave birth to him on the first week of lockdown dahil sa pandemic. Maayos naman lahat sa ospital pero hindi rin namin mawari ang takot noong una.
Bagama’t may takot, nagpapasalamat kami sa Diyos dahil naniniwala kami sa kanyang “Perfect Timing”. Napakaganda rin ng ibig sabihin ng pangalan ng aming baby. Ezra means “God helps” or “God protects”. Tamang-tama ito dahil sa panahong nag-uumpisa palang ang pandemic.
Puro nakakatakot na kwento kasi ang maririnig mo sa social media o sa TV dahil sa coronavirus pero dahil may bago kaming baby, alam kong binigay sya ng Diyos bilang isang magandang paalala na “God is our Help and our Protector”.
Dahil siya ang pinagka-abalahan namin noong lockdown, hindi kami na-bore sa bahay. Kung wala si baby, hindi namin siguro alam ang gagawin. Ezra’s arrival was just perfect! God sent him as “HELP” to our family during those trying times! Napakagandang regalo!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!