Sa bakery: “Ale, gusto ko ‘yong monay na nasa pinakailalim, please.” Sumimangot ang ale. E, anong taas ba naman ng pagkakapatas ng mga monay tapos ang gusto ko ay nasa kailaliman pa.
Nilagang itlog sinawsaw sa bagoong? Ay, ang sarap niyan.
Extra hot pansit canton? Parang walang kaanghang-anghang sa akin niyan. Ngayon, ayaw ko na.
Siopao na loaded sa palaman—akala mo ang easy lang ng request ko, ano? Paano kung sabihin kong siopao na mabibili pa sa Mindanao ang ginusto ko tapos kasalukuyang nasa Luzon ako?
Minsan lumuwas si hipag at tangi kong request kay asawa ibili ako ng pan de sal, ‘yong nasa supot kako! Aba, uminit talaga ang ulo ko nang pagdating ay nakalagay ito sa plastik. Labo. 😅
Napa-ibig akong mag ulam ng hito, pero gusto ko ako ang maglilinis. Tuwang-tuwa ako do’n sa hito na sa sobrang dulas. Ang tagal kong matapos linisan.
Natakam ako sa native chicken tinola. Pero hindi lang basta manok, kundi gusto ko si asawa pa ang magkakatay.
Alam mo ‘yong halaan? Kay Ate pinaglihi ko ‘yan. Pero bago ko lutuin, inaabangan ko muna na bumuka sila at mag-spit ng tubig 😅
Ginusto kong humigop ng sabaw ng buko—pero ang gusto ko si asawa ang aakyat sa puno 😁 Pero sikreto lang natin ito, huh? Ito talaga ‘yong lihi na gawa-gawa ko na lang 😅 at hindi din ako napagbigyan. Akala ko lang makalusot 🙊
Baka sabihin niyo ang takaw-takaw kong buntis. May inayawan din ako. Ayaw ko sa amoy ng sinaing, sa bawang, sa pabango, sa mga ulam na may gata.
Kung meron akong mga inayawan, meron ding mga dating ayaw pero ginusto ko na, gaya ng shawarma.
Dati akala ko ang paglilihi ay kaartehan lang pero noong naranasan ko—nako po!
Ang hirap pala lalo na pag hindi naibigay sa iyo? Nakakaiyak ‘yon, ano? Minsan may pagtampo ka pa sa asawa.
Ikaw anong kuwentong paglilihi mo?