Ang mga kailangan malaman tungkol sa impeksyon sa tenga

Ang mga kailangan malaman tungkol sa impeksyon sa tenga

Ang impeksiyon sa tenga ang isa sa mga pinaka-karaniwang dahilan kung bakit maraming mga bata ang dinadala sa duktor. Kadalasan ay bacterial o viral infection sa gitnang bahagi ng tenga ang sanhi nito. Kadalasan itong nagdudulot ng malubhang pagsakit para sa pasyente.

Mga sintomas ng impeksiyon sa tenga

Kadalasan ay madaling nararamdaman ang pagkakaroon ng impeksiyon sa tenga.

Sa mga bata
  • Sakit sa tenga lalo na pag-nakahiga
  • Paghila sa tenga
  • Hirap sa pagtulog
  • Pag-iyak nang higit sa karaniwan
  • Pagiging iritable
  • Hirap sa pandinig
  • Hirap sa pagbalanse
  • Lagnat
  • Paglabas ng likido mula sa tenga
  • Sakit sa ulo
  • Pagkawala ng gana sa pagkain

Maaaring ang paghila ng mga bata sa kanilang tenga ay dahil sa ibang kadahilanan tulad ng pagngingipin. Hindi rin lahat ng may impeksiyon sa tenga ay nagkakaroon ng lagnat. Dahil dito, marami ang mga magulang na nagaakala na ang kanilang mga anak ay may impeksiyon sa tenga kahit hindi pa nasusuri ng duktor.

Sa matatanda
  • Sakit sa tenga
  • Paglabas ng likido mula sa tenga
  • Hirap sa pandinig
Kailan dapat magpakonsulta?

Ang mga sintomas ng impeksiyon sa tenga ay maaaring dala ng iba pang sakit. Dahil dito, importante na makakuha ng tamang pagsusuri. Magpa-konsulta sa ispesyalista kung:

  • Ang mga sintomas ay tumagal na nang lagpas isang araw
  • Ang bata ay may edad 6 na buwan pababa
  • Matindi ang nararamdamang sakit
  • Hindi na nakakatulog ang bata
  • May lumalabas na na likido, nana, o dugo mula sa tenga

Natural sa mga bata ang magkaroon ng impeksiyon sa tenga. Pinapayo ng mga duktor na magpa-konsulta kapag 3 beses na nagka-impeksiyon sa tenga ang bata sa loob ng 6 na buwan.

Mga sanhi

Ang impeksiyon ay dahil sa pagkakaroon ng bacteria o virus sa gitnang bahagi ng tenga. Kadalasan itong nakukuha dahil sa ibang sakit tulad ng lagnat, trangkaso o alerhiya.

Eustachian tubes

Ang eustachian tubes ay pares ng maninipis na daanan mula sa gitna ng tenga hanggang sa likod ng lalamunan. Ang pamamaga at sipon sa eustachian tubes mula sa impeksiyon sa baga o alerhiya ay maaaring makabara sa mga ito. Dahil dito, maaaring pasukan ng likido ang gitnang bahagi ng tenga. Ang bacteria o virus na dala ng likido na ito ang nagiging sanhi ng impeksiyon sa tenga.

Adenoids

Ang adenoids ay dalawang maliliit na pads ng tissue sa may itaas na likod na bahagi ng ilong. Ito ay madaling ma-impeksiyon at mamaga. Dahil malapit ito sa eustachian tubes, ang pamamaga ng adenoids ay nakakabara at nagiging sanhi ng impeksiyon.

Iba pang kondisyon na maaaring maging sanhi
  • Otitis media with effusion - Pamamaga at pagkakaroon ng likido sa gitna ng tenga na walang bacteria o virus.
  • Chronic otitis media with effusion - Kapag ang likido sa gitna ng tenga ay hindi naaalis at patuloy na bumabalik kahit walang bacteria o virus.
  • Chronic suppurative otitis media - Ang paulit-ulit na impeksiyon sa tenga na nagiging rason ng pagpunit o pagkakaroon ng butas ng eardrum.
Mga konsiderasyon

Ang mga kailangang i-konsidera ay ang:

  • Edad - Ang mga bata na nasa 6 na buwan hanggang 2 taong gulang ay mas madaling magkaroon ng impeksiyon sa tenga dahil sa pagkakabuo ng kanilang mga tenga at mahinang immune system.
  • Group child care - Ang pagkikihalubilo ng bata ay maaaring maging paraan upang sila ay makakuha ng sipon at impeksiyon sa tenga dahil sa pagkahawa.
  • Pagpapakain sa bata - Ang mga sanggol na umiinom ng gatas nang naka-higa ay mas madalas na nagkaka-impeksiyon sa tenga kumpara sa mga batang breastfed.
  • Dala ng panahon - Ang pagkakaroon ng impeksiyon sa tenga ay kadalasan nakukuha sa mga panahon na uso ang trangkaso. Ang pagkakaroon din ng alerhiya dahil sa panahon ay nagiging daan ng pagkakaroon ng impeksiyon sa tenga.
  • Hindi magandang hangin - Ang pagkaka-lantad ng bata sa usok at polusyon ay nagpapa-laki ng tsansa nila magkaroon ng impeksiyon sa tenga.
Mga komplikasyon

Kadalasan, ang pagkakaroon ng impeksiyon sa tenga ay hindi nagiging dahilan ng pangmatagalan na komplikasyon. Ganon pa man, ang pabalik-balik na impeksiyon ay maaaring maging ugat ng malulubhang komplikasyon.

  • Problema sa pandinig - Ang pagkakaroon ng pinsala sa eardrum o gitnang bahagi ng tenga ay maaaring maging dahilan ng tuluyang pagkawala ng pandinig
  • Pagkaantala ng pagsasalita - Kung ang pandinig ng bata ay maapektuhan kahit panandalian lamang, maaari nitong maantala ang pagsasalita ng bata.
  • Pagkalat ng impeksiyon - Ang hindi paggamot sa isang impeksiyon ay maaaring maging dahilan ng pagkalat nito sa iba pang bahagi ng katawan.
  • Pagkapunit ng eardrum - Ang karaniwan ng prublema sa eardrum ay gumagaling sa loob ng 72 na oras. Sa ibang pagkakataon, maaaring kailanganin ng siruhiya.
Pag-iwas

Maaaring mapababa ang tsansa ng pagkakaroon ng impeksiyon sa tenga sa pamamagitan ng:

  • Pag-iwas sa sipon at iba pang sakit
  • Paglayo sa mga naninigarilyo
  • Pag-breastfeed ng bata
  • Tamang posisyon ng bata sa pagkain nito
  • Vaccinations

Source: Mayo Clinic, U.S. News

Basahin: Plastic beads, natagpuan sa loob ng tenga ng mga bata

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner