Angeline Quinto sa ama ng ipinagbubuntis: “Ayaw niya po talaga ng showbiz"

Singer mahilig daw sa mapuputing pagkain noong unang buwan ng kaniyang pagbubuntis.

Angeline Quinto nagbahagi ng kaniyang naging pregnancy journey sa mga unang buwan ng kaniyang pagbubuntis.

Mababasa sa artikulong ito:

  • Angeline Quinto pregnancy update.
  • Bakit hindi pa handa si Angeline na ipakilala sa publiko ang ama ng ipinagbubuntis niya.

Angeline Quinto pregnancy update: “Ito ang pinakamagandang blessing na natanggap ko ngayong 2021, ang maging soon-to-be mom.”

“Ayokong itago sa lahat ‘yong pagbubuntis ko. Kung puwede ko lang itong ipagmalaki sa lahat gagawin ko.”

Ito ang nasabi ng singer na si Angeline Quinto sa pinakabago niyang vlog entry na kung saan ibinahagi niya ang kaniyang naging pregnancy journey.

Matatandaang naging usap-usapan lang noong una na buntis ang singer. At nito ngang unang linggo ng Disyembre ay kinumpirma niya ang kaniyang pagdadalang-tao.

Ito ay ginawa ng singer sa pamamagitan ng isang exclusive interview sa batikang talk show host na si Boy Abunda na malapit na kaibigan din ni Angeline.

Ayon pa kay Angeline, ang pagiging soon-to-be mom ang pinakamagandang blessing na natanggap niya ngayong taon. Noong kompirmahin nga raw ng doktor na talaga ngang nagbubuntis siya ay ito ang kaniyang naramdaman.

“Parang ang bilis-bilis ng tibok ng puso ko. Naghahalo ‘yong emosyon na masaya ako, excited ako.”

Naiyak nga raw siya sa tuwa noong unang beses na marinig ang heartbeat ng kaniyang baby.

angeline quinto pregnancy

Angeline Quinto pregnancy journey – Ang unang online consultation at ultrasound ni Angeline

Pagbubuntis ni Angeline naging maselan noong una

Kuwento pa ni Angeline, isa sa mga dahilan kung bakit hindi niya agad na-ianunsyo ang pagdadalang-tao dahil sa naging maselan ang mga unang buwan nito. Sa katunayan, marami umano ang ipinagbawal sa kaniya ng doktor para masigurong ligtas ang kaniyang pagbubuntis.

“Pinagbilinan ako ng doktor ko na iwasan kong mag-isip, iwasan kong mag-social media kasi hindi makakatulong sa pagbubuntis ko.

Sa totoo lang naging maselan yung pagbubuntis ko simula noong first month hanggang mga 3rd month. Doon ako natakot kasi medyo dinudugo ako. Nagkaroon ng spotting ilang araw so may mga gamot na binigay agad sakin ‘yong doktor.”

Ito ang kuwento pa ni Angeline.

Dagdag pa niya, sa linya ng trabaho na mayroon siya, may isang ipinagbawal ang doktor na talaga namang nataranta siya. Dahil isa raw ito sa bentahe ng outfit niya sa tuwing siya ay nagpe-perform at kumakanta.

“Sinabihan pa ako ng doktor ko na iwasan ko ang magtakong. ‘Yong mga sapatos ko na pang-show.”

Angeline Quinto sa ama ng ipinagbubuntis: Ayaw niya po talaga ng showbiz

Image from Angeline Quinto’s Official Facebook account

BASAHIN:

Angeline Quinto: “Ngayon na magiging nanay na rin ako sana maging masaya kayo para sa akin.”

May ibig sabihin ba ang paglilihi sa iba’t ibang pagkain?

LOOK: Roxanne Barcelo, ipinakilala na ang kaniyang asawa sa publiko

Mga pinaglihian ni Angeline

Pagdating sa paglilihi, naranasan rin ni Angeline ang mga weird feelings ng isang buntis. Tulad na lang sa ayaw niya ng amoy ng ginisang bawang sa umaga na nakakapagpasuka sa kaniya.

Kahit nga umano ang paborito niyang karne ng baka o beef ay inayawan ng aktres sa mga unang buwan ng pagbubuntis niya.

“Sobra kong paborito ang beef kahit anong ulam basta beef. Pero noong time na ‘yon ayaw-ayaw ko rin ng beef. Nagtataka narin ako sa sarili ko.

Ang hinahanap ko lagi isda ‘yong maasim. Paksiw na isda, pinangat na isda ‘yong mga ganyan, sinaing na tulingan.”

Maliban sa mga maasim na ulam, gustong-gusto raw ni Angeline ng mapuputing pagkain.

“Ang mga pinaglihian ko po bale puting-puting kanin, buko, at saka singkamas at saka ice cream vanilla.”

Habang, masyado raw siyang sensitive sa mga pabango. Kahit nga raw ang amoy ng sabon at shampoo sa tuwing naliligo ay inaayawan niya.

“Hindi ako nagpapabango ng mga time na ‘yon kasi ayoko ng sobrang bango gusto ko lang alcohol. Tapos kapag maliligo ako lagi ako naduduwal. Pati mga sabon shampoo ayoko ng amoy.”

Ito ang pagbabahagi pa ng singer sa kaniyang naging paglilihi.

Angeline Quinto sa ama ng ipinagbubuntis: Ayaw niya po talaga ng showbiz

Image from Angeline Quinto’s Official Facebook account

Bakit hindi pa ipinapakilala ni Angeline sa publiko ang ama ng ipinagbubuntis niya

Pagdating naman sa hindi niya pagpapakilala pa sa ngayon ng ama ng kaniyang ipinagbubuntis, paglilinaw ni Angeline hindi niya ito itinatago o ikinakahiya.

Ang desisyong ito ay request din mismo umano ng ama ng magiging anak niya. Dahil sa gusto raw nila sana muna sa ngayon na i-treasure ang blessing na ito sa kanilang buhay at relasyon.

“‘Yong tatay naman din talaga ng magiging baby ko, siya din talaga mismo, kumbaga ayaw niya po talaga ng showbiz.

Mas gusto lang talaga namin sana na mai-treasure itong moment na ito nang sa amin lang. Kasi iba rin yung pakiramdam at mayroon talagang parte ng buhay natin na nagiging pribado na kasama lang yung mga taong mahal na mahal natin at importante sa atin.”

Ito ang sabi pa ng singer.

Sa ngayon, si Angeline ay nasa ika-limang buwan na ng kaniyang pagbubuntis. Siya ay nakatakdang manganak buwan ng Abril ng susunod na taon na very excited na ang singer.

“Lahat ng nangyayari sa amin ngayon ini-enjoy namin and what more kapag nakita na namin yung baby next year”, sabi pa ni Angeline.

 

Source:

YouTube

Photo

Angeline Quinto’s Official Facebook account

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!