ADHD sa mga bata: Sanhi, sintomas, at treatment

lead image

Alamin mula kay Dr. Lim Boon Leng kung ano ang ADHD (Attention Deficit Hyperactive Disorder), ang mga sintomas nito at mga paraan para magamot ito.

Alam natin na normal sa mga bata ang pagiging malikot, pati na din ang pagliligalig paminsan-minsan. Subalit kung ang isang bata ay madalas na hindi mapakali at sobrang aktibo, hindi maiwasan ng isang magulang na mag-alala at isipin kung ang kaniya bang anak ay may Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD). Ating alamin mula kay Dr. Lim Boon Leng, isang psychiatrist sa Dr. BL Lim Centre for Psychological Wellness, Gleneagles Medical Centre Singapore, kung ano ang ADHD.

Ano ang ADHD sa mga bata?

Ang ADHD ang isa sa mga pinaka-common na behavioral disorder sa mga bata. Ang mga bata na may ganitong kondisyon ay madalas na sobrang likot at hindi maka-focus o makontrol kapag may gusto.

Ayon kay Dr. Lim, hindi pa maipaliwanag ng science pero mas madaming batang lalaki na may ADHD kaysa sa batang babae.

Ang ADHD ay nakakaapekto sa mga bata at kabataan at maaaring magpatuloy sa pagkakatanda.

Ano ang ADHD: Sanhi

Hindi pa din masabi ang eksaktong dahilan ng ADHD sa mga bata ngunit sinasabi ng mga mananaliksik na ang mga bagay na ito ay maaaring magdulot ng ADHD:

  • Chemical imbalance sa utak
  • Paninigarilyo, pag-inom ng alak, paggamit ng droga at hindi tamang nutrisyon sa panahon ng pagbubuntis
  • Namamana

Salungat sa paniniwala ng iba, ang sobrang panonood ng telebisyon o pagkonsumo ng asukal ay hindi nagiging sanhi ng ADHD sa mga bata.

Ano ang ADHD: Senyales na mayro'n nito ang bata

Ayon kay Dr. Lim, isa sa mga sintomas ng ADHD sa bata ay hirap sa pagtuon ng atensyon. Hindi din niya kayang maglaro ng tahimik lamang, kundi lagi pa itong dumadaldal.

May dalawang klase ng domain sa ADHD - attention deficit at hyperactivity.

Narito ang mga sintomas sa ilalim ng attention deficit:

  • Hirap makinig, sumunod sa mga utos at matapos ang mga nakatakdang gawain
  • Makakalimutin
  • Madalas makawala ng kaniyang mga gamit
  • Madali magambala
  • Madalas mag-daydream
  • Nakakagawa ng mga careless mistakes
  • Umiiwas sa mga gawain na nangangailangan ng konsentrasyon
  • Umiiwas sa mga gawain na mukhang boring

Ang term na Attention Deficit Disorder (ADD) ay isang tawag na nagpapakita ng mga sintomas sa domain na ito, subalit hindi pa ito maituturing na diagnosis. Ang formal diagnosis pa din ay ADHD.

Narito naman ang mga sintomas sa hyperactivity domain:

  • Palaging tumatakbo at umaakyat sa iba’t ibang bagay
  • Hindi mapakali kapag nakaupo

Ang mga batang may ADHD ay nagiging pabigla-bigla o mainipin din. Kadalasan ay hirap silang maghintay ng kanilang pagkakataon at sumingit habang nagsasalita ang ibang tao.

Ano ang ADHD: Kailan puwedeng ma-diagnose

Ayon kay Dr. Lim, habang ang mga sintomas ng ADHD ay maaaring maging prominente habang bata pa, ang mga magulang ay maaaring magsimulang maghanap ng mga palatandaan kapag ang bata ay mga 5 hanggang 6 taong gulang.

Ano ang ADHD: Paano malalaman na simpleng kulit lang at hindi ADHD

Marami sa mga sintomas na ito ay katulad ng sa isang regular na bata. Dahil dito, hindi ganoon kadali malaman kung ang isang bata ay may ADHD nga. Nagagalit pa ang ilang magulang kapag nagmungkahi ang mga guro na patingnan ang kanilang anak.

Ayon kay Dr. Lim, ang pagiging makalat, hindi pagpansin sa mga tagubilin at hindi mapakali ay dahil sa poor attention at hyperactivity.

Hindi ito intensyon ng bata at hindi nila ito makontrol.

Mahalagang kumonsulta para sa professional diagnosis dahil minsan, ang akala mo na ADHD ay hindi pala. Kailangan din isaalang-alang kung ang iyong anak ay nakakaranas ng depresyon, may medical condition o kaya ay nakaranas ng traumatic o life-changing experience.

Ang mga ito ay maaaring maging dahilan kaya ang isang bata ay nagpapakita ng sintomas na katulad ng sa ADHD.

Ano ang ADHD: Ano ang treatment para dito?

Ayon kay Dr. Lim, ang mga batang na-diagnose ng ADHD ay may edad na 5 pataas. Ito ay dahil ang inattention at hyperactivity ay normal sa mga bata sa edad na 3 hanggang 5 taon. Nababawasan ito habang sila ay tumatanda.

Ang ADHD sa mga bata ay maaring gamutin. Sa ngayon, may 2 uri ng gamot na puwedeng gamitin - stimulants at norepinephrine uptake inhibitors. Nakakatulong sila na tumaas ang level ng neurotransmitters (chemical messengers) sa utak na tinatawag na dopamine at norepinephrine.

Makakatulong din ang behavioral modifications at therapy kasabay ng mga gamot.

Ano ang ADHD: Mga lifestyle change para mas mapabuti ang kondisyon

Ayon kay Dr. Lim, hindi pa napapatunayan kung nakakatulong nga ang dietary changes para mas mapabuti ang kalagayan ng mga batang may ADHD.

Pero ang fish oil ay nagpakita ng pagbabago sa mga attention deficit symptoms at nakakabawas sa hyperactivity sa ibang pagkakataon.

Hinihikayat din ang mga magulang na gumamit ng positive parenting styles. Kabilang dito ang pagkakaroon ng mga boundaries at routines, paghikayat sa mga positive behaviour at pagkakaroon ng mga consequences para sa mga bad behavior.

Mahalaga din ang communication style. Kinakailangan na kunin muna ng mga magulang ang atensyon ng kanilang anak bago ito kausapin, at hindi ito sigawan. Gumamit ng kakaunting salita dahil sa poor attention span ng mga batang may ADHD at mahihirapan sila na sumunod sa mga instructions.

Ano ang ADHD: Ayon sa expert

Ayon kay Dr. Lim, ang mga batang may ADHD ay walang pinagkaiba sa ibang mga medical problems. Ang mga batang may ADHD ay hindi tamad o matigas ang ulo. Kinakailangan ng mga magulang na maging pasensyoso sa pagtulong sa kanilang anak na ma-manage ang mga sintomas ng ADHD.

Ano ang ADHD: Perspective mula sa isang guro

Napansin ko na ang ADHD sa mga bata ay nagiging common sa mga panahong ito. Halos sa kada klase, mayroon isa o dalawang bata na may ganitong kondisyon. Nakakalungkot na minsan, naniniwala sila na hindi sila magiging mabuting kaibigan at sila ay kakaiba.

Minsan pa, ang mga bata na high-performing bago ang formal diagnosis ay nag-give up na pagkatapos na sila ay na-diagnose ng ADHD.

Ang mas nakakalungkot pa ay kapag nagkukwento sila, sinasabi nila ang kanilang nararamdaman kapag hindi sila maintindihan ng ibang tao. Ang akala ng iba ay ginagamit nila ang kanilang kondisyon para sa kanilang bad behaviour. Madalas pa ay naikukumpara sila ng kanilang mga magulang sa ibang kapatid na wala namang ganitong kondisyon.

Nadudurog ang puso ko kapag naririnig ko na ang mga magulang ay pinagkukumpara ang kanilang mga anak. May ibang mga magulang na in denial din, samantalang may iba na hindi talaga kayang ipagamot ang anak na may ADHD. Nakakalungkot.

Pero sa totoo lang, hindi naman talaga naiiba ang batang may ADHD. May mga bata pa nga na wala naman ADHD pero mas malala pa ang ipinapakita. Nakakatulong na malaman kung ano ang mga triggers nila at konting pagbabago sa kanilang daily lesson.

Huwag natin kalimutan na maaari pa din silang maging successful. Ang iba pa naman sa kanila ay napakasweet.

Ano ang ADHD: Ang nararamdaman ng isang ina

Ang aking anak ay may ADHD at mahal na mahal ko siya. Magsisinungaling ako kung sasabihin ko na hindi ako nafu-frustrate. Sumisigaw din ako at may mga nasasabi ako na pinagsisihan ko.

Alam ko na hindi niya ito kasalanan pero tao lang din ako. Hindi madali magkaroon ng anak na may ADHD. Madalas akong makaramdam ng guilt.

Palagi din akong nag-aalala kung paano siya nakaka-aadjust sa school, kung nabu-bully ba siya. Inaalala ko din kung paano ang kaniyang future.

Sana hindi na lang ang anak ko ang nagkaroon ng ADHD, pero natanggap ko na din at ginagawa ko ang lahat para mapabuti ang kaniyang kondisyon.

Sana ay nakatulong ang article na ito upang maintindihan kung ano ang ADHD sa bata. Kung may kilala ka na may ganitong kondisyon, ating unawain at maging mas pasensyoso sa kanila.

 

Isinalin mula sa wikang Ingles ni Fei Ocampo

Basahin: ADHD and your toddler: A guide for Filipino parents

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!