Alamin: Ano ang Gestational Diabetes?

Share this article with other moms

Paano ito maaagapan ng mga nagbubuntis? Wala itong sintomas, ngunit maraming paraan para mapanitiling malusog at ligtas si baby at si Nanay kung may ganitong kondisyon?

Sa ika-24 na linggo ng pagbubuntis karaniwang nakikita ang gestational diabetes o mataas na lebel ng sugar sa dugo ng isang nagdadalantao. Ito ang uri ng diabetes na tanging mga nagbubuntis lamang ang maaaring magkaroon.

Walang mapapansing sintomas ang kondisyong ito, kaya’t mahalagang ma-monitor ng OB GYN ang lebel o bilang ng blood glucose (blood sugar) sa oras na magdalantao upang malaman agad kung may gestational diabetes. Higit sa lahat, matutulungan ang ina na panatilihing malusog pa din ang sanggol sa sinapupunan.

Karaniwang nawawala ang ganitong uri ng diabetes pagkapanganak, ngunit kung hindi naagapan, maaari ring maging type 2 diabetes.

Ano ang sanhi nito?

Ayon kay Dr. Edward Santos, MD, ang gestational diabetes ay dala ng mga pisikal na pagbabago ng isang nagbubuntis, na minsan ay hormonal, kaya’t nagiging resistant ang katawan sa insulin. Ang insulin ay isang uri ng hormone na galing sa pancreas, at nagbibigay lakas sa katawan na mag-metabolize ng glucose para magamit na fuel o enerhiya. Kapag mababa ang lebel ng insulin, hindi nagagamit ng katawan ang insulin kaya’t tumataas ang lebel ng blood glucose.

May mga tinatawag na risk factors na nagiging nakakadagdag sa pagkakaroon ng Gestational Diabetes

  • Obesity o mabigat na timbang
  • Pagkakaroon ng gestational diabetes sa mga naunang pagbubuntis
  • Panganganak sa naunang sanggol na may timbang na 9 lbs pataas
  • Kapatid o magulang na may type 2 diabetes
  • Pagkakaroon ng polycystic ovary syndrome (PCOS)
  • Pagkakaroon ng pre-diabetes

Diagnosis

Ilan sa alam na risk factors nito ay obesity o sobra sa timbang, kung nagkaroon na ng gestational diabetes sa mga naunang pagbubuntis, kung may type 2 diabetes sa pamilya ng nagbubuntis, at pagkakaroon ng pre-diabetes. Inaalam kaagad ng OB-Gyne kung may risk factor ang nagbubuntis, upang mapasailalim kaagad sa mga tests, lalo na kung ang pagbubuntis ay nasa 24 hanggang 28 na linggo.

Para makita kung ang pasyente ay may gestational diabetes, pinaiinom ito ng matamis o inuming may asukal. Tataas ang blood sugar level at isang oras pagkalipas, kukuha ng blood test upang makita kung paano tatanggapin ng sistema at katawan ang asukal. Kung tumaas ang lebel ng blood sugar, at mas mataas sa nararapat (mula 130 milligrams per deciliter [mg/dL] o mas mataas), kakailanganin ng dagdag na testing.

Maaaring normal ang maging resulta, ngunit kailangan nang i-monitor ng doktor ang blood sugar level mula dito, dahil may mataas na panganib na ng pagkakaroon ng gestational diabetes.

Lahat ng nagbubuntis ay dapat dumaan sa testing para sa GD, mula sa ika-24 hanggang ika-28 na linggo ng pagbubuntis.

Epekto sa sanggol

Madalas naman na malusog at ligtas ang mga batang pinanganak ng inang may GD. Ngunit minsan ay may mga epekto din ito sa bata. Dahil sa gestational diabetes, maaaring maging mas malaki ang sanggol kaysa normal, na nagiging dahilan ng komplikasyon sa panganganak. Maaari ding maging sanhi ito ng panganib ng mababang blood glucose (hypoglycemia) pagkapanganak ng bata, o mataas na blood glucose ng bata.

Nariyan din ang jaundice at respiratory distress syndrome. Maaari ding maging mataas ang timbang ng bata, na may panganib na magkaron ng type 2 diabetes sa kaniyang pagtanda.

Mahalagang humingi ng payo mula sa OB-Gyne para sa isang nutrition plan para magamot o maiwaksi ang gestational diabetes.

Epekto sa ina

Ang panganganak ng Cesarean (C-section) ay dahil sa malaking sanggol o mabigat na timbang nito. Kapag may gestational diabetes, may panganib na magkaroon ng preeclampsia, kung saan may mataas na presyon ang ina at mataas ang bilang ng protina sa ihi nito, na parehong health risks.

Paano maiiwasan?

Ang pananatili ng sapat na timbang at pagkain ng masustansiyang pagkain ay makakatulong sa pagwaksi ng gestational diabetes. Isang panganib para sa mga ina ay ang pagkakaroon ng type 2 diabetes pagkapanganak, kaya’t ito ang isang binibigyang pansin.

Ang pananatili ng tamang bilang o lebel ng glucose ay mahalaga para maiwasan ang komplikaston ng GD. Ang pagkakaroon ng nutritional modification o nutritional plan para sa isang nagbubuntis ay susi sa pagwaksi ng GD.

Patuloy na i-monitor ang blood glucose levels sa bahay pagkatapos ng bawat kain, o hanggang 4 na beses sa isang araw. Tamang pagkain at ehersisyo ay kailangan din ng katawan. Minsan, ipinapayo ng OB-Gyne ang insulin therapy, ang tanging opisyal na medikasyon para sa GD.

Sa tulong din ng isang nutritionist, maaaring magplano ng masustansiya at ligtas na meal plan para sa pasyente. Maliliit na portion at mas madalas na pagkain, sa halip na 2 o 3 mabibigat na pagkain sa isang araw. Bawasan ang carbohydrates, iwaksi ang asukal, at kumain ng complex carbohydrates na may fiber. Sariwang prutas at gulay at whole-grain products ang mahalaga.

Huwag na huwag magpapalipas ng gutom dahil ito ang pangunahing sanhi ng pagtaas blood sugar levels.

sources: Gestational Diabetes: What to Expect mula sa American Diabetes Association; Diabetes Pregnancy: What to Expect 4th Edition mula sa American Diabetes Association; Gestational Diabetes Explained. Gestational Diabetes Symptoms, Diet, Meal Plan, Causes, Diagnosis, Treatments, Managing GD, Medication, Emotional Heal ni Robert Rymore

BASAHIN: C-Section 101: Mga importanteng kaalaman

Health & Wellness