Ano ang lupus? Importanteng kaalaman para sa mga magulang

lead image

Ating alamin kung ano ang lupus, kung ano ang mga sintomas ng sakit na ito, at kung dapat ba itong ikabahala ng mga magulang

Mahalaga para sa mga magulang ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa iba't-ibang mga sakit. Ito ay upang maging aware sila sa mga sanhi ng sakit na ito, at para na rin mailayo nila ang kanilang anak sa mg bagay na posibleng magdulot ng sakit.

At isa sa mga sakit na kailangang alamin ng mga magulang ay tinatawag na lupus. Siguro ay narinig niyo na ang sakit na ito sa balita, dahil ang aktres na si Kris Aquino ay na-diagnose ng lupus. Pati ang singer at aktres na si Selena Gomez ay na-diagnose rin ng ganitong sakit, at kinailangan pa ng kidney transplant.

Ating alamin kung ano ang lupus, ang sanhi nito, at kung paano ito magagamot.

Ano ang lupus?

Ang lupus ay isang uri ng autoimmune disease kung saan inaatake ng katawan ang sarili nitong mga organs. Posibleng maapektuhan ng sakit na ito ang joints, balat, kidneys, blood cells, utak, puso, at ang baga.

Mahirap ma-diagnose ang sakit na ito dahil ang mga sintomas ay minsan inaakalang dahil sa ibang sakit. Ang pinaka-karaniwang sintomas ng lupus ay mapulang rashes sa mukha, ngunit hindi lahat ng kaso ng lupus ay may ganitong sintomas.

Hindi pa rin matukoy ang eksaktong sanhi ng lupus, ngunit mayroong mga tao na mas mataas ang posibilidad na magkaroon nito. Posible rin daw na ito ay dulot ng impeksyon, ilang mga gamot, o kaya ang pagiging exposed sa araw.

Ang lupus ay pinakakaraniwang nakukuha ng mga babae, at sa edad na 15-45. Bukod dito, mas prone din sa pagkakaroon ng lupus ang mga Asian, kaya importanteng alamin kung anu-ano ang mga sintomas nito.

Heto ang mga sintomas ng sakit na ito:

  • Matinding pagod
  • Pagkakaroon ng lagnat
  • Paninigas at pamamaga ng mga buto at kasu-kasuan
  • Hugis butterfly na rashes o pamumula sa mukha, na tinatakpan ang pisngi at ilong
  • Sugat sa balat na sumasakit kapag naaarawan
  • Namumutla ang daliri sa kamay at paa kapag malamig
  • Nahihirapang huminga
  • Panunuyo ng mata
  • Sakit ng ulo, pagkalito, at memory loss

Ang lupus ay maaari ring magdulot ng komplikasyon sa mga organs, lalong-lalo na sa kidneys. Sa katotohanan, kidney failure ang pangunahing sanhi ng pagkamatay dahil sa sakit na ito.

Para sa mga inang mayroong lupus, mas mataas rin ang posibilidad na sila ay magkaroon ng miscarriage.

Paano ito nagagamot?

Sa kasalukuyan, wala pang gamot sa sakit na lupus. Ngunit mayroon namang magagawa upang i-manage ang mga sintomas ng karamdaman na ito.

Mahalagang magpakonsulta sa iyong doktor upang malaman ang pinakamainam na treatment sa iyo. Ito ay dahil iba-iba ang manifestations ng sintomas ng lupus, at dahil dito kailangan baguhin ang treatment sa bawat taong may lupus.

Ang mahalaga ay sundin ang payo ng doktor, at huwag mag atubiling magpatingin kung mayroong nararamdamang kakaiba sa iyong katawan. 

Paano makakaiwas sa sakit na ito?

Mahalaga ang pagkakaroon ng malakas na pangangatawan upang makaiwas sa sakit na ito. Bukod dito, ang pagpapatingin sa doktor ay makakatulong upang malaman kung mayroon ka bang lupus. Kung mas maaga ito ma-detect, ay mas madali rin itong magagamot at makokontrol ang mga sintomas nito.

Source: Mayo Clinic

Basahin: Lupus and Pregnancy

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!