Autism sa bata: Ang mga senyales, lunas at sanhi
Alamin dito kung ano ang mabisang gamot sa autism pati na rin kung anu-ano ang mga sintomas nito na dapat malaman ng mga magulang.
Ang autism ay isa sa mga pinaka-misunderstood na mga kondisyon. Kadalasan tanong ng mga magulang kung ano ang sanhi nito, kung dapat ba silang mag-alala, at kung ano ang mabisang gamot sa autism.
Sa article na ito ay malalaman mo ang lahat ng mahahalagang impormasyon pagdating sa autism, at kung ano ang iyong maaaring gawin kung sakaling ma-diagnose nito ang iyong anak.
Ano ba ang senyales, lunas, at sanhi ng autism sa bata?
Simulan muna natin sa sanhi ng autism. Matagal nang sinusubukang alamin ng mga doktor at scientist kung ano ba talaga ang sanhi ng pagkakaroon ng autism. Ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring matukoy na isang cause ng pagkakaroon ng autism. Posibleng genetic, dahil sa pagkakaroon ng sakit, o kaya ay problema sa development ang mga sanhi ng autism.
Ito rin ang dahilan kung bakit mahirap “iwasan” ang mga sanhi ng autism dahil wala rin tayo gaanong kontrol sa mga bagay na ito. Ngunit mahalaga ang pagiging malusog, at pagpapa-checkup sa doktor habang nagbubuntis.
Ngunit sigurado ang mga scientists na ang autism ay nadedevelop habang nagbubuntis pa lamang ang ina. Kaya hindi rin totoo ang paniniwala ng iba na nagkakaroon ng autism dahil sa mga vaccines.
Nagkataon lang na ang autism ay mahirap ma-diagnose kapag wala pang 2 taon ang bata, kaya’t minsan ay sinisisi ng mga magulang ang vaccines na sanhi ng autism. Ngunit wala talaga itong katotohanan.
Anu-ano ang mga senyales nito sa bata?
Upang malaman kung ano ang senyales ng autism, mahalagang malaman muna natin kung ano ba talaga ang kondisyong ito. Ang autism ay isang uri ng disorder na naaapektuhan ang development ng isang tao.
Nahahati sa 3 aspeto ang naaapektuhan ng autism. Una ay ang social development, o pakikihalubilo sa tao. Ito ang dahilan kung bakit mayroong mga taong may autism na tila ay hindi namamansin, o kaya ay hirap pagdating sa pakikipag-usap sa ibang mga tao, at madalas ay nasa loob ng kanilang sariling “mundo.”
Pangalawa naman ang pagiging hirap sa communication. May mga pagkakataon na ang isang taong may autism ay interesado namang makihalubilo sa ibang mga tao. Ngunit dahil sa pagkakaroon ng autism, nahihirapan silang makipag-usap o communicate sa iba. Posible rin na hindi nila nauunawaan ang gustong ipahiwatig ng ibang tao, kaya ito rin ang dahilan kung bakit minsan nahihirapan tayong unawain sila.
Huli ay ang pagkakaroon ng repetitious behaviors. Ito ay ang mga gawain na tila ginagawa paulit-ulit ng isang taong may autism. Kabilang dito ang paulit-ulit na pagsasabi ng isang salita, paulit-ulit na paggalaw, atbp. Ang paliwanag sa ganitong pag-uugali ay dahil naghahanap ng regularity o routine ang mga taong mayroong autism.
Pagdating naman sa mga senyales nito sa mga bata, heto ang kadalasang mga “red flags:”
- Hindi nagba-baby talk kahit 12 buwan na
- Nahihirapang magsalita sa edad na 16 buwan
- Hindi pa rin nakakapagsalita sa edad na 2
- Hindi tumuturo, nakikipag eye contact, kumakaway, o nakikipaglaro ng peek-a-boo
- At hindi rumeresponde sa sariling pangalan
- Tila hindi interesado sa pretend play sa edad na 18 buwan
Kung mayroong mga ganitong sintomas ang iyong anak, magandang dalhin siya sa doktor upang mapatingnan kung mayroong developmental problem.
Ano ang mabisang gamot sa autism?
Sa katotohanan ay walang gamot na nakakawala ng autism, at wala ring therapy na makakatulong upang mawala ito. Ang isang taong mayroong autism ay dadalhin ito habambuhay, ngunit hindi naman nito ibig sabihin na ito ay magiging hadlang sa kanila upang magkaroon ng magandang kinabukasan.
Sa katunayan, maraming uri ng therapy ang nakakatulong sa mga batang may autism upang mabuhay sila ng normal.
Ang layunin ng mga therapy para sa mga batang may autism ay upang matuto silang mag-adjust sa kanilang kondisyon. Dito, tinutulungan silang maging independent, umiwas sa mga maling ugali, at masanay kung paano makipag-usap at makipag-ugnayan sa ibang mga tao.
Kaya mahalaga rin sa mga magulang ang maging supportive sa kanilang mga anak na may autism, at hindi ito tratuhin na tila isang sakit o problema. Sa tulong ng tuloy-tuloy na therapy ay siguradong magiging mabuti ang quality of life ng isang taong may autism, at hindi magiging hadlang ang kaniyang kondisyon upang matupad ang kaniyang mga pangarap.
Source:
Basahin:
5-anyos na may autism, tinawag na “sex offender” dahil masyadong malambing sa mga kaklase
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
- 5 early signs ng autism sa bata na kailangan mong bantayan
- 8 signs na maaaring may autism ang baby
- Mom shocked to discover second pregnancy just three months after delivery
- Ogie Diaz on his daughter Erin: "Pagdating ng araw na iwan kayo ng asawa niyo, 'di kayo pwede pagmalakihan dahil may natapos kayo."