Mga Tradisyon Ng Mga Pilipino Kaugnay Ng Mahal Na Araw

Share this article with other moms

Kapag Holy Week, may kanya-kanyang mga tradition ang mga Pilipino. Kaya mahalaga na ituro natin sa ating mga anak kung ano ito, at bakit ito mahalaga.

Para sa napakaraming pamilyang Pilipino, napaka-importante ng Holy Week. Nasa 81% ng mga Pilipino ay Kristiyano, kaya gayun na lamang ang kahalagahan ng Holy Week sa milyong-milyong mga Pilipino.

Palaspas

Ang "Palaspas" o tinatawag na "Palm Sunday" ay nanggaling sa pagsalubong kay Hesukristo nang siya ay pumunta sa Jerusalem. Ito ay ginagawa tuwing Linggo para simulan ang Holy Week, at dito ay iwinawagayway ng mga Kristiyano ang kanilang mga palaspas na gawa sa dahon ng saging, o kaya niyog.

Bukod dito, paniniwala din ng mga Pilipino na ang pagtatago ng palaspas ay magdadala ng swerte at pampawala ng malas sa kanilang mga bahay.

Pabasa

Ang pabasa ay kadalasang ginagawa sa mga probinsya. Pero ngayon, ginagawa na din ito sa mga simbahan sa siyudad. Ang pabasa ay nagsisimula pagkatapos ng misa ng palaspas.

Sa pabasa ay mayroong isang grupo ng mga taong magbabasa ng mga dasal, at may isa pang grupo na sasagot. Ang pabasa ay ginagawa para sa buong komunidad, pero minsan may mga pabasa din na ginagawa ng mga pamilya para sa kanilang mga kamag-anak.

Moriones Festival

Sa Marinduque pinakasumikat ang Moriones Festival. Umaabot ito ng isang linggo, at inaalala sa Moriones ang mirakulo ni Longinus, isang sundalong bulang ang isang mata, na sinugatan ng sibat ang tagiliran ni Kristo. Ayon sa kwento, noong tinamaan ng dugo ni Kristo ang kaniyang mata, ito ay gumaling at siya ay muling nakakita.

Matapos nito, nagsimula na siyang maniwala kay Kristo at tumulong siyang ikalat ang mabuting balita ng Panginoon.

Ang ibig sabihin ng salitang "Morion" ay maskara, at sa Moriones Festival, nagsusuot ng iba't ibang mga maskara ang mga tao para magmukha silang sundalo noong panahon ni Kristo.

Sinakulo

Ang Sinakulo ay isang dula na isinasagawa upang alalahanin ang mga paghihirap ni Kristo bago siya ipako sa krus. Sa ibang lugar sa Pilipinas, nagiging bahagi ng Sinakulo ang pagpepenitensiya, at minsan ang ibang mga tayo ay nagpapapako sa krus, tulad ng nangyari kay Kristo.

Penitensiya

Sa katotohanan, ang pagpepenitensiya ay ipinagbabawal ng Simbahang Katoliko, dahil sa pagpepenitensiya ay sinasaktan ng mga penitente ang kanilang mga sarili gamit ang mga latigo na may kadena, mga sanga na may tinik, at kung anu-ano pa. Minsan may buhat-buhat pa silang malaking krus, habang sila ay nilalatigo ng ibang mga tao.

May mga deboto rin na pinapako ang kanilang mga sarili sa krus, upang maramdaman ang paghihirap na nangyari kay Kristo.

Ipinagbabawal ito ng simbahan dahil bukod sa hindi ito magandang ehemplo sa mga bata, ay hindi sinusuportahan ng simbahan ang pananakit sa sarili upang ipakita ang debosyon sa Panginoon.

Visita Iglesia

Ang Visita Iglesia, o "Way of the Cross", ay kadalasang ginagawa sa Huwebes, o Maundy Thursday. Dito, nagpupunta ang mga pamilya sa iba't ibang simbahan upang magdasal, at alalahanin lahat ng mga paghihirap na pinagdaanan ni Hesukristo.

Siete Palabras

Ang Siete Palabras, o "Seven Last Words", ay ginagawa tuwing Biyernes ng Mahal na Araw, o Good Friday. Dito, ay isinasadula ang pagkamatay ni Kristo, at mayroon ding mahabang misa na nagaganap.

Kadalasan, nagkakaroon din ng prusisyon matapos ang misa.

Salubong

Kung may "Easter Sunday" sa ibang bansa, sa Pilipinas naman ay ito ay tinatawag na Salubong, o "Pasko ng Pagkabuhay". Dito inaalala ang muling pagkabuhay ni Kristo matapos ang tatlong araw, at ang lahat ay natutuwa at nagagalak sa muling pagbangon ni Kristo.

Tinatawag itong Salubong dahil sinasalubong ng mga tao ang pagbabalik ni Kristo.

Source: asianjournal.comrappler.com

READ: What can we teach our kids about the Holy Week?

Be sure to check out ParentTown for more insightful stories, questions, and answers from parents and experts alike. If you have any insights, questions or comments regarding the topic, please share them in our Comment box below. Like us on Facebook and follow us on Google+ to stay up-to-date on the latest from theAsianparent.com Philippines!

Celebrations Family Fun Holy Week