Naguguluhan kung ano ang spotting at kung ano ang kinaibahan nito sa iyong buwanang dalaw? Narito ang mga sagot at ang mga possibleng dahilan kung bakit ito nararanasan.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang spotting at ano ang pinagkaiba nito sa regla?
- Kailan nangyayari ang spotting at anong dapat gawin kapag naranasan mo ito?
- Spotting pag buntis - mga dapat malaman
Ano ang spotting?
Ayon sa website na Healthline, ang spotting ay ang bahagyang pagdurugo na nararanasan ng mga babae sa kanilang ari na hindi dahil sa kaniyang buwanang regla. Maaari rin itong maranasan sa simula ng pagbubuntis.
Base nga sa American Pregnancy Association o APA, ito ay nararanasan ng 20% ng mga babae sa unang 12 linggo ng kanilang pagbubuntis. Habang may 5% ng mga kababaihan naman na nararanasan ito sa gitna ng kanilang menstrual cycle. Ito ay base sa isang pag-aaral na nailathala sa American Journal of Epidemiology.
Pagdating sa pagbubuntis, ang spotting ay madaling tukuyin. Pero ito ay dapat hindi isawalang bahala dahil sa maaaring sintomas na ito ng isang kondisyon na maaaring makasama sa buntis at higit sa lahat sa dinadala niyang sanggol.
Para naman sa ibang babae lalo na sa may irregular na regla, minsan ay naguguluhan sila kung spotting lang ba ang nararanasan nila o menstruation na. Kaya naman narito ang paliwanag ng mga pag-aaral at eksperto sa pagkakaiba ng spotting at regla. Pati na kung bakit nakakaranas nito ang isang babae.
Spotting vs regla
Base sa isang artikulong isinulat ni Dr. Melissa Conrad Stöppler, isang U.S. board-certified anatomic pathologist, ang menstruation o regla ay ang vaginal bleeding na nararanasan ng maraming mga babae buwan-buwan.
Ito ay nararanasan ng 3-5 araw sa loob ng 28 araw na menstrual cycle. Ito ay malakas na kinakailangan ng sanitary pad o napkin upang maiwasang magmantsa ito sa suot na damit ng isang babae.
Sintomas ng regla o menstruation
Bago at habang nireregla ang isang babae, maliban sa pagdurugo siya ay makakaranas rin ng mga iba pang sintomas. Ito ang sumusunod:
- Cramps o pananakit ng tiyan, balakang o ibabang bahagi ng likod.
- Pagiging bloating ng tiyan.
- Masakit o namamagang suso.
- Mood swings.
- Pananakit ng ulo.
- Pakiramdam na labis na pagkapagod o fatigue.

Photo by Cliff Booth from Pexels
Spotting bilang sintomas na dulot ng isang health condition
Habang ang spotting naman ayon kay Dr. Stöppler, ay mas kaunti o light bleeding lang. Hindi ito katulad ng regla na kailangan pang mag-suot ng sanitary napkin. Sapagkat kahit ang pantyliner na suot ay hindi mapupuno nito.
Ito ay maaring kulay pula o brown. Mapapansin mo ito matapos umihi pagtapos magpunas ng tissue sa iyong ari. O kaya naman makikita mong may bahid ng dugo ang iyong underwear.
Sa mga babaeng may malusog na pangangatawan, ang spotting ay maaaring maranasan sa kalagitnaan ng menstrual cycle. Ito rin ay maaaring maranasan habang siya ay nag-o-ovulate.
Kailan nangyayari ang spotting? Ilang araw ang spotting?
Ayon sa Healthline, ang ovulation spotting ay maaring mangyari mula sa ika-11 hanggang ika-21 araw matapos ang first day ng iyong period. Maari naman itong magtagal ng isa hanggang dalawang araw.
Pero ang spotting ay maaaring dahil rin sa isang kondisyon o health problem na nararanasan ng isang babae. Lalo na kung ito ay nararanasan kabasay ng mga sumusunod na kondisyon.
- Missed o irregular periods.
- Mas malakas at mahabang monthly periods.
- Pananakit ng tiyan.
- Hapdi o pananakit ng ari sa tuwing umiihi.
- Unusual vaginal discharge, pamumula o pangangati ng ari.
- Nausea o pagduduwal.
- Pagdagdag ng timbang.
Bakit nakakaranas ng spotting?
Maraming posibleng dahilan kung bakit nakakaranas ng spotting ang isang babae. Ang mga ito ay ang sumusunod.
Implantation bleeding
Ang implantation bleeding ang isa sa mga dahilan kung bakit nakakaranas ng spotting ang isang babae. Subalit ito ay applicable lang sa mga babaeng nagbubuntis.
Sapagkat ang implantation bleeding tulad ng nauna ng nabanggit ay ang normal na reaksyon ng katawan ng babae kapag nag-aattach na sa uterus ang na-fertilized niyang egg.
Pero kung buntis at ang spotting ay malakas, mabuting magpatingin agad sa doktor. Sapagkat maaaring maging sintomas rin ito ng pagkakalaglag ng sanggol o miscarriage.
Paggamit ng birth control
May mga birth control methods rin ang maaaring magdulot ng spotting sa mga babae. Lalo na kung nagsisimula palang gumamit nito. Tulad ng birth control pills at IUD o intrauterine device.
Polycystic ovary syndrome
Ang polycystic ovary syndrome o PCOS ay isang kondisyon rin na maaaring magdulot ng irregular periods at spotting sa mga babae. Ito ay isang kondisyon na kung saan nagkakaroon ng mga cysts sa kaniyang ovaries ang isang babae.
Uterine fibroids
Ang vaginal bleeding o spotting na nararanasan ng isang babae ay maaaring dahil rin sa uterine fibroids. Ito ay ang mga maliliit at non-cancerous na bukol na tumutubo sa labas o loob ng uterus. Ang mga spotting na dulot nito ay maaaring maranasan sa gitna ng mga menstrual periods.
Infections
Ang pagkakaroon ng impeksyon tulad ng mga sexually transmitted disease o STD ay posibleng dahilan din para makaranas ng spotting ang isang babae. Ilan sa mga halimbawa nito ay yeast infection, chlamydia o gonorrhea.
Trauma
Maaari ring makaranas ng spotting ang isang babae kung siya ay may trauma sa kaniyang genital area. Ito ay maaaring epekto ng assault o kaya naman labis na pakikipagtalik o rough sex.
Cervical polyps
Tulad ng uterine fibroids, ang pagkakaroon ng cervical polyp ay maaari ring magdulot ng spotting. Ito ay dahil sa pabago-bagong hormone levels ng katawan.
Hindi naman ito seryosong kondisyon. Bagama't mas makakabuting magpatingin sa doktor para mas malinawagan tungkol sa kondisyong ito.
Pagme-menopause
Para sa mga babaeng nasa late 40s o early 50s, ang spotting ay maaaring sintomas rin ng pagme-menopause. Ito ay normal na bahagi ng buhay ng mga babae na kung saan tapos na ang kanilang reproductive years. Ito ang stage na kung saan wala ng kakayahang magdalang-tao ang isang babae.

Photo by Andrea Piacquadio from Pexels
Spotting kapag buntis
May mga buntis din na nakakaranas ng spotting sa unang tatlong buwan ng kanilang pagbubuntis. Ito ay madalas na nagsisimula sa mga unang araw ng pagdadalang-tao. Kaya naman may ilang babae ang napagkakamalang nireregla sila kahit sila ay buntis na.
Paliwanag ng siyensya, ito ang normal na reaksyon ng katawan ng babae kapag nag-aattach na sa uterine lining niya ang nag-fertilized niyang egg na pagsisimula ng pagbubuntis.
Early pregnancy - ano ang kulay ng spotting 'pag buntis?
Ang pagdurugo ay hindi inaasahan ng mga babaeng nagdadalang-tao, kaya naman labis silang nag-aalala kapag nangyayari ito. Subalit gaya ng nabanggit, normal ito lalo na sa mga unang linggo ng iyong pagbubuntis.
Pero dapat ay bantayan mo pa rin kung ano ang kulay ng spotting ng buntis. Dahil matutukoy nito kung ang pagdurugo ay normal o hindi.
Ang implantation bleeding ay magdudulot ng light spotting lamang, kaya kulay pink o may pagka-brown ang kulay nito.
Ilang araw ang spotting ng buntis? Ayon sa Healthline, ang implantation bleeding ay maaring magtagal ng ilang oras hanggang 3 araw, at kusa naman itong titigil.
Subalit kung nakakaranas ng ibang sintomas kasama ng spotting habang nagbubuntis, mas mabuti kung tatawagan na ang iyong doktor upang makasiguro, dahil ang spotting ay isa ring sintomas ng ectopic pregnancy, pero ang kulay ng dugo ay mas matingkad na pula.
BASAHIN:
Bleeding o spotting: Ano nga ba ang panganib nito sa nagbubuntis?
May kinalaman ba ang vaginal discharge sa pagkakaroon ng cervical cancer?
#AskDok: Totoo po ba na nagbabawas ng dugo kapag buntis kaya may spotting?
Paano matutukoy ang dahilan ng spotting at paano ito malulunasan?
Technology photo created by tirachardz - www.freepik.com
Para matukoy ang dahilan ng spotting ay kailangang magpunta ang babae sa doktor at magpakonsulta. Doon ay tatanungin ang mga sintomas na naranasan niya.
Pati na ang mga activities na ginagawa niya kaugnay sa kaniyang reproductive health. Tulad na lamang sa kung gumagamit ba siya ng birth control methods. Saka siya sasailalim sa mga test at examinations.
Ang unang exam na maaring isagawa sa kaniya ay ang pelvic examination. Siya rin ay dapat mag-pregnancy test para matukoy kung siya ba ay buntis o hindi. Maaari rin siyang sumailalim sa special test tulad ng Pap-smear.
Para sa dagdag na pag-aaral sa kondisyon niya, siya ay maaaring kunan rin ng vaginal cultures. Hihingan rin siya ng blood at urine samples. Iasailalim sa vaginal o abdominal ultrasound para matukoy ang tunay na dahilan ng nararanasan niyang spotting.
Sa oras na matukoy ang dahilan kung bakit nakakaranas ng spotting ang babae, saka pa lamang siya mabibigyan ng karapatang lunas sa kaniyang kondisyon.
Ilan sa maaaring maging treatment na ipayo sa kaniya ng doktor ay ang pag-inom ng antibiotics o paggamit ng antifungal drug. Ito ay kung matukoy na ang dahilan ng spotting ay dahil sa impeksyon.
Maaari rin siyang resetahang uminom ng birth control pills para ma-regulate ang kaniyang menstrul cycle. O kaya namay ay sumailalim sa surgery para alisin ang mga polyps o bukol sa tumutubo sa kaniyang uterus o cervix na nagdudulot ng vaginal bleeding.
Source:
Healthline, Cleveland Clinic, NCBI, APA, Medicine Net
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!