Ano nga ba ang tinatawag na 'selfie syndrome'?

undefined

Ano nga ba ang selfie syndrome na laganap na sa mga tweens at teens ngayon? At ano ang pwedeng gawin ng mga magulang tungkol dito?

Ang “selfie” epidemic ay para bang naging “out of control” na. Kada bukas mo ng social media e  selfie ang bubulaga sa yo, kahit anumang oras. Hindi na nga daw mapipigilan ang paglaganap nito, mapa-bata man o matanda. Lalo na’t mas naging hi-tech ang mga smartphones, tablets, at mga DSLR camera.  May naimbento pang selfie stick para mas malawak at mas maganda ang anggulo. Ang selfi na nga ang naging biggest fad ng milenyong ito—at marahil ay worst nightmare ng mga magulang.

Ang mga mobile phones ngayon ay may mga hi-resolution cameras, dagdag pa ang mga libu-libo nang filters at special effects tulad ng Boomerang at Snapchat at photo editing apps tulad ng Snapseed, Fotor, Camera 360, PicMonkey, PixLr at kung anu ano pa. Kaya naman ang mga kabataan ngayon ay “click-crazy” na talaga. Umaabot ng lagpas 100 ang snapshots ng sarili sa loob lamang ng ilang oras, at nakapost pa ang lahat ng ito kaagad—para makita ng lahat.

Ang profile ng isang “selfie addict”  

Sa mga urban dictionaries, ang deskripsiyon ng selfie addict ay isang taong obsessed na sa pagkuha ng “selfie” o litrato ng sarili, gamit ang sariling camera phone, kada 5 minuto (humigit kumulang) sa kahit anumang sitwasyon—at pagkatapos ay ipopost ito sa social media, para hintayin ang mga likes at comments. Nakakita na ba kayo ng isang post ng selfie na halos pare-pareho lang ang kuha, at segundo lang ang pagitan ng pagkuha nito, na umaabot sa 40-50 litrato? Bagong gising, bagong gupit, bagong make-up, minsan nga ay nasa ospital o ER pa at naka-IV o bandage.

Bakit nga ba ito nauso? Bakit animoy na-adik na ang mga kabataan (at mga may edad na rin) sa selfie? Sa librong Good Girls Don’t Get Fat, ipinaliwanag ng may akda at teen development specialist na si Robyn Silverman, PhD, na ang mga pre-adolescents at teens ay patuloy na naghahanap ng pagkakakilanlan o paraan para kilalanin ang sarili at makilala ng iba. At ang pagkakakilala nila sa sarili ay base sa kung anumang positibong feedback galing sa mga kaibigan at ibang tao. At para sa mga millennial tweens at teens, ang mas malaking bahagi ng social interaction nila sa isang buong araw ay sa pamamagitan ng smartphones at social networking sites. “Social media offers an opportunity to garner [such] immediate information,” paliwanag ni Dr. Silverman. Nakatuon ang pansin nila sa paghahanap ng pinakamagandang litrato para ito ang makita at mahusgahan ng mga kakilala. Gusto nila ay perpektong litrato na may perpektong detalye; at mas maraming “likes”, mas masaya ang pakiramdam ng nag-selfie.

Paniwala ni Anna Mestidio, nanay ng 2 teens at Pilipinong guro sa mga adolescents sa Sacramento City Unified School District, USA, ang uring ito ng self-gratification ay isang  validation para sa mga kabataan. “Hindi lahat, pero karamihan sa mga kabataan ng henerasyon na ito ay self-centered o nakatuon ang pansin sa sarili lamang. Natural ito para sa mga teeenager. Lahat ay tungkol sa kanila — It is all about themselves, ika nga: Ano ang makukuha ko dito? Ano ang itsura ko? Magugustuhan kaya ng mga kaibigan ko? Maiinggit kaya ang mga kaaway ko? Kapag nag-post sila ng selfie, nakaantabay sila sa ‘likes’ at comments, at pinakahihintay ang “Ang ganda naman!” o kaya ay “Perfect ka talaga!” at mga katulad na komento.

“Sa nakita ko sa mga anak ko at mga kaibigan nila, pati na rin mga estudyante ko, ito ang paraan nila para sabihing, ‘This is what I’ve got! What do you think?’  ‘Ano ang masasabi mo?’ Hindi naman ito palaging masama, sa opinyon ko,” paliwanag ni Mestidio. Kung hindi naman sobra sobra o maya’t maya, o moderate ika nga, walang masama. Isa lamang itong form of expression ng kabataan, di ba? Kapag nagsimula nang ma-obsess, at wala nang ginawa o pinagkaabalahan kundi selfie, dun na magiging problema, wika ni Mestidio.

Ang danger zone

  • “Digital narcissism” ang bansag ng mga eksperto dito. Ang mga psychiatrists at health worker ay may mga nilalabas nang teorya at pag-aaral tungkol dito, na nag-uugnay sa “favorite tween pastime” na ito sa mental health conditions. Sa librong Overcoming Obsessive Compulsive Disorders, ipinaliwanag ng may akdang si David Veale, FRCPsych, MD, na ang pagkuha ng at pag-post ng selfies ay characteristics ng Body Dysmorphic Disorder. Ang BDD ay isang chronic mental illness na naipapakita sa “excessive concern and preoccupation” ng isang tao sa kaniyang body image at appearance.  
  • Ang pagkuha ng selfie nang paulit-ulit at daan-daang beses ay para makuha lamang ang perpektong anggulo at “perfect shot” ay maaaring “harmless” lang naman sa tingin natin, pero kapag paulit-ulit, at sa mahabang panahon na, nabubuo ang pagiging sobrang self-conscious, self-indulgent, at nagkakaron ng  “false sense of confidence”, at mas malala pa dito, nagkakaron ng “narcissistic delusions”.
  • Ang posibilidad ng public rejection at cyber-bullying ay nagbabanta din. Ang mga “likes” ay hindi naman masama o delikado, pero kapag nakatanggap na ng mapanirang komento o offensive comments, maaaring masira ang tiwala sa sarili ng isang tao, kahit pa kilala siya bilang confident na tao, lalo na sa isang tween na naghahanap ng approval at acceptance ng kaniyang mga kaibigan, paliwanag ni Mestidio.

Paano makakatulong ang mga magulang:

  • Pangunahin pa rin ang pakikipag-usap sa ating mga anak, at pangangaral sa kanila tunkol sa tamang paggamit ng social media. Mahalagang maupo at kausapin nang masinsinan ang mga anak tungkol sa cyberbullying at mga online predators, pati na ang mental dangers ng social media addiction. Pag-usapan din ang tama at nararapat na online behavior.
  • Maging alerto at aware sa social media activity at interaksiyon ng inyong mga anak. Maging sensitibo sa ugali, moods, at kilos niya, para mapansin agad kung may pagbabago ba o may nakakabahala sa kanila. Siguraduhing may limit at hindi nakababad sa social network ang bata. 
  • Hikayatin silang magkaron ng ibang hobbies o iba pang uri ng social interactions—mga aktuwal at pisikal na social interactions at hindi gamit ang laptop o smartphone, tuald ng sports at community work.
  • Tulungan ang mga anak na magkaron ng makahulugan na source ng validation, tulad ng galing sa pamilya at mga malapit na kaibigan, dahil ang opinyon nila ang mas mahalaga. Turuan siyang makinig sa sariling boses at isip, hindi lang ang sabi ng iba tungkol sa kaniya. Tandaan na ang social media feedback ay hindi “conclusive” at hindi ang tanging makakapag-larawan sa pagkatao niya. Ang pinakamahalagang aral ay ang maintindihan na: “You are much more than your looks.”

Sa ibang bansa

Si Danny Bowman, isang British teenager, ay muntik kinitil ang sariling buhay dahil lang hindi niya makuha ang “perfect selfie”. Umaabot sa 200 selfies sa isang araw na walang ginawa kundi mag-selfi lang, para makakuha ng magandang litrato. Bumagsak ang timbang niya ng halos 30 pounds, at tumigil siyang pumasok sa eskwela dahil dito. Nanatili siya sa bahay ng 6 na buwan, na walang ginawa kundi mag-selfie lang. Hindi siya tumigil hanggang di niya nakukuha ang perfect shot.—

TRIVIA:  

Ang salitang ‘selfie’ ay nahirang na Word of the Year nuong 2013 ng Oxford English Dictionary.” —www.bbc.com/news/uk-24992393

 

READ: Girl falls from apartment building after taking extreme selfie

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!