Bakit Ako May Bukol Sa Kamay?

lead image

May napansin kang bukol sa iyong kamay. Bilugan ang hugis nito. May laki na mula tuldok hanggang isang pulgada. Maaaring ang iyong bukol sa kamay ay ang tinatawag na Ganglion cyst.

Ang Ganglion cyst ay  hindi cancer na bukol na karaniwang nangyayari sa mga litid o kasukasuhan ng pulso o kamay. Maaari din itong mangyari sa mga may bandang paa. Tila tubig ang laman ng bukol na ito kapag hinahawakan, Masakit ito kung sa may ugat at nakaka-abala sa paggalaw. Kung ito ang lumabas sa pagsusuri, madalas ay tinatanggalan ito ng tubig gamit ang karayom.

Ano ang sanhi nito?

Wala pang siguradong kadahilanan kung bakit nagkakaroon ng bukol sa kamay o Ganglion cyst. Kusa itong tumutubo sa mga litid at kasukasuan na mukhang maliit na lobo at may laman na malapot na likido.

Anu-ano ang sintomas ng bukol sa kamay

Kung ang bukol sa kamay ay Ganglion cyst, ito ay nailalarawan gamit ang mga sumusunod:

Lokasyon - Ang bukol ay nabubuo sa kailaliman ng mga litid o kasukasuhan ng pulso o kamay. Maaari rin sa may bandang paa.

Hugis at laki - Ang bukol ay bilog o hugis itlog ang hugis at mas maliit sa isang pulgada. Marami ay hindi mararamdaman sa sobrang liit nito. Maaaring maging masmalaki ang bukol kung nasa lugar ito na laging nagagalaw o naiipit.

Pakiramdam - Kadalasan ay walang nadudulot na pagsakit ang bukol na ito. Ngunit kung may naiiipit itong ugat, kahit gaano pa ito kaliit, makakaramdam ng sakit, pagka-manhid o panghihina sa bahaging ito.

Kailan dapat magpakonsulta?

Ipakonsulta sa duktor ang bukol kung kapansin-pansin na ito o kaya naman ay may naidudulot nang sakit. Sa pagsusuri ng duktor malalaman kung kakailanganin ng operasyon.

Mga panganib ng bukol sa kamay

Ang mga panganib maaaring idulot ng bukol sa kamay ay naaayon sa mga sumusunod:

Kasarian at edad - Kahit sino ay maaaring magkaroon ng ganglion cyst, ngunit ito ay karaniwang nakukuha ng mga babae na may edad 20 hanggang 40 na taong gulang.

Osteoarthritis - Ang mga may arthritis sa mga litid ng mga daliri sa kamay ang kadalasang nagkaka-bukol sa mga bahaging ito.

Pinsala sa litid o kasukasuhan - Ang mga may litid o kasukasuhan na nagkaprublema na sa nakaraan ay kadalasang nagkakaroon ng bukol.

Pagsusuri sa bukol sa kamay

Sa pagsusuri ng mga duktor sa bukol na ito, hahawak-hawakan ang  bukol na maaaring magdulot ng sakit kung ito ay may naiiipit na ugat. May mga pagkakataon din na titignan kung tatagos ang ilaw sa nasabing bukol.

Maaaring magsagawa ng X-ray, ultrasound o MRI upang masigurado na hindi ito arthritis o tumor. Maaari rin malaman sa MRI at ultrasound kung mayroon pang ibang bukol na hindi napapansin.

Ang pinaka-siguradong paraan upang malaman kung ang bukol ay Ganglion cyst ay sa pamamagitan ng aspiration. Dito ay kukuha ng muwestra gamit ang karayom mula sa bukol upang suriin ang laman nito.

Paano ito magagamot?

Ang bukol sa kamay na dahil sa ganglion cyst ay kadalasan walang naidudulot na sakit at hindi kailangan gamutin. Maaaring ang ipapagawa lamang ay obserbahan ang nasabing bukol. Kung may naidudulot na sakit, maaaring ipagawa ng duktor ang mga sumusunod:

Hindi pag-galaw - Ang paggalaw ng mga litid o kasukasuhan na may bukol ay nagiging sanhi ng paglaki ng bukol na ito. Sa pagliit ng bukol, mababawasan narin ang pag-ipit nito sa mga ugat na magbabawas ng sakit na nararamdaman dahil dito.

Aspiration - Tatanggalin ang laman ng bukol sa pamamagitan ng karayom para mapaliit agad ito. Ngunit, may mga pagkakataon na bumabalik ang bukol kung ito ang gagawin.

Siruhiya - Kadalasang nagiging opsyon kung ang hindi paggalaw at aspiration ay hindi naging mabisang solusyon. Madalang na may mga naaapektuhan na ugat o litid sa ganitong paraan. May pagkakataon parin na bumalik ang bukol sa kamay kahit sa ganitong paraan.

Madaliang panlunas

Upang mabawasan ang sakit na dala ng pagkakaroon ng bukol sa kamay, maaaring uminom ng mga pain reliever tulad ng ibuprofen o naproxen sodium. Kung sa may paa ang tinubuan ng bukol, may mga pagkakataon na mawawala ang sakit sa pagbago ng paraan ng pagsuot ng sapatos.

Iwasan ang pagputok o pagbutas sa bukol sa kamay upang tanggalin ang laman nito. Sa ganitong paraan, maaaring may maapektuhan na ugat o litid sa paligid ng bukol. Maaari rin magka-impeksiyon kung bubutasin ang bukol gamit ang karayom.

Ang bukol sa kamay na dahil sa Ganglion cyst ay walang nadudulot na panganib sa kalusugan. Kung makita na mayroon nito, mainam na iwasan ang paggalaw dito at obserbahan muna. Kung may naidudulot na sakit, magpa-konsulta sa duktor.

 

Source: Mayo Clinic

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!