Sabi nga nila masarap sa pakiramdam ang maging isang magulang. Totoo nga ito dahil sobra ang kasiyahan namin noong nalaman ko na buntis ako noong 2020.
Dali-dali akong nagpa-schedule ng check-up sa OBGYN at pinayuhan akong magpa-transvaginal ultrasound. Kinabukasan, nagpa-utrasound na ako at nakitang buntis ako ng 6 weeks. Pinarinig din sa akin ang heartbeat niya at tuwang-tuwa ako dahil iyon ang unang pagkakataon na narinig ko ito.
Naging madali ang pagbubuntis ko noong unang trimester. Hindi ako mapili sa pagkain at halos lahat ay kaya kong kainin. Mahilig din ako sa matatamis na pagkain at masyado din along malakas kumain ng kanin.
Mahilig din akong kumain ng prutas at tinapay. Masasabi kong noong panahon na iyon ay hindi ako maingat sa mga kinakain ko at kung anong makita ko sa lamesa ay kinakain ko.
Gayunman, nagbago ang ihip ng hangin noong nasa kalagitnaan na ako ng aking pagbubuntis. Pinayuhan ako ng aking doktor na magpagawa ng OGTT o glucose tolerance test na naglalayong alamin ang reaksyon ng aking katawan sa sugar.
Noong natapos na ang resulta, kaagad akong pumunta sa OBGYN at binasa niya ang resulta. Nakasaad dito na mataas ang reaksyon ng sugar sa katawan ko at ako raw ay may gestational diabetes. Naguluhan ako dahil hindi ko alam ang sakit na iyon at kung bakit may ganoon ako.
Pinaliwag nang mabuti ng Doktor na Gestational Diabetes ang tawag sa diabetes kapag ang isang babae ay nagkaroon nito habang siya ay buntis. Posibleng nakukuha ito sa lahi or sa mga kinakain lalo kapag masyadong matatamis.
Kapag naman ito’y lumala, kakailanganing maturukan ng insulin dahil kapag hindi ito naagapan, manganganib ang nanay at ang sanggol.
Kung kaya naman, nagsimula akong nahirapan sa pagbubuntis ko dahil kailangan kong baguhin ang lahat ng kinakain ko. Nagsimula akong magbawas ng kanin at uminom ng maraming tubig. Pinayuhan din ako ng Doktor na huwag din ako kumain ng pasta, tsokolate at pati na rin prutas ay nilimit niya.
Pinagawa niya rin ako ng meal diary upang sa ganun ay monitor ang lahat ng kinakain ko sa isang araw at sa tuwing may check-up ako ay tinitignan niya iyon. Sinabi niya rin sa akin na dapat mayroon akong glucose test sa bahay para ng sa ganun maobserbahan ko din ang lebel ng sugar ko at syempre kailangan ko din isulat iyon.
Lumipas ang ilang buwan, nalagpasan ko ang pagsubok ng pagkakaroon ng Gestational Diabetes. Hindi ako umabot sa pag-iinsulin at naagapan ko kahit na medyo may katabaan ako.
Naipanganak ko ng ligtas at malusog ang anak ko nong October 2022 at sobrang nagpapasalamat ako sa Panginoon at sa mga taong sumuporta sa akin lalo na sa pamilya ko syempre sa aking OBGYN.