Ibinahagi ng isang ina ang karanasan ng kaniyang anak na dulot ng isang aksidente kaya nagkaroon ng problema sa kanyang utak. Saan nakuha ang brain injury ng bata? Dahil sa isang motorbike race.
Dahil sa motorbike, 7 year old na bata ang nagkaroon ng brain injury
Anong bangungot nga naman na masaksihang maaksidente ang anak para sa isang magulang. Ang simpleng galos nga mula sa pagkakadapa ay labis nang pinag-aalala, ano ba kaya ang isang traumatic na brain injury. Katulad na lang ng nangyari sa isang ina kung saan lakas loob niyang ibinahagi ang nangyari sa kanyang pitong taong gulang na anak.
“Akala ko magigising pa siya noong nawalan siya ng malay pero hindi na siya dumilat pa.”
Sa pagsasalaysay ni Jill mula Brisbane, Australia, pitong taong gulang pa lang ang kanyang anak na si Rowan nang magkaroon ito ng lisensya sa motocycling. Kinuha raw nila ito dahil gusto ng bata na makasama sa mga motorbike race. Kaya naman nang makuha ito, excited siyang makasali kaagad sa kanyang first official race.
Sa loob ng dalawang taon, nagpa-practice raw ang kaniyang anak twice a week bago sumalang sa karera. Hanggang sa hindi inaasahang pangyayari ay bigla na lang siyang lumipad nang 20 meters mula sa ground at lumanding sa putikan.
Bigla raw siyang nag-panic nang masaksihan ang nangyari sa anak at dali-daling pinuntahan ang anak. Pinuntahan din daw ito ng kanyang asawa at sinabing nawalan lang ito ng malay pero babalik din sa kanyang ulirat. Binalot na raw siya ng takot nang hindi ito magising.
Nahirapan pa raw ang ambulance na kunin ang kanyang anak dahil nga sa putik at mangroves na nakapalibot dito. Kinailangan na raw i-intubate ang bata dahil hindi na raw maganda ang kalagayan nito.
“Takot na takot kaming mag-asawa na mawala siya sa piling namin. Hindi kami makapaniwala.”
Punong-puno na raw siya ng kaba nang salubungin sila nang humigit kumulang 30 doktor at nurse sa ospital. Dito raw nila labis na naramdaman ang takot na baka mawala na ang kanilang anak. Noong mga panahon daw na iyon ay hindi sila parehong makapaniwala ng asawa.
Mayroon daw tinanggal sa part ng skull ng bata dahil nga namamaga nang sobra ang kanyang brain. Nagkaroon na rin ng pagdurugo dito kaya naman nagsanhi na ito para magkaroon na rin siya ng stroke. Dito na sila sinabihan na severe traumatic brain injury ang natamo ng bata.
“Hindi ako makapagsalita nang sabihin ng doktor na baka hindi na siya kahit kailanman gumising pa.”
Nanlamig daw siya ng kausapin na sila ng doktor. Sinabi raw nito na malaki ang posibilidad na hindi na siya gumising pa dahil buong brain ng bata ang naapektuhan. Kung sakali man daw na gumising pa ay baka hindi na ito makagalaw, makakain at makalakad pa.
Matapos daw ang 10 araw mula sa pagka-comatose ay nagising ang bata. Hindi raw makapagsalita ang bata kaya sinasabihan niya ito na i-squeeze ang kamay sa tuwing magpapatugtog siya ng kanta at mamimili kung ano ang gusto niya. Masakit daw makita na hindi man lang makapagsabi ang bata na hindi maganda ang kanyang nararamdaman dahil sa kanyang kalagayan.
Dumaan daw ang dalawa’t kalahating linggo nang maging fully conscious na ang bata. Dito na rin siya nagsimulang mag-rehab at sumailalim sa kaliwa’t kanang test.
“Parang back to zero lahat at kinailangan niyang matutunan ulit ang mga bagay.”
Nagmistulang sanggol daw ulit ang kanyang anak dahil kinailangan niyang matutunan mula kung paano maglakad at magsalita. Nalaman din nilang nawalan din pala siya ng paningin at tanging anino at outline lamang ng liwanag ang kaya niyang makita.
Labis din daw ang tuwa niya nang makita niya ang suportang ibinigay ng kanyang mga pinsan at kaibigan sa pagpapagaling ng bata. Sinabihan din daw sila ng rehab team na mas maganda kung makakabalik sa school ito kung saan makakasama niya muli ang dating mga kaklase at teachers.
Dalawang taon daw matapos ang aksidente ay unti-unti nang bumabalik ang masayahin niyang anak at nagagawa na nito muli ang dati niyang ginagawa. Nakakapaglaro at nagagamit na niya nang regular ang kanyang crane. Naniniwala raw sila na isa ito sa miracle na nangyari sa buhay ng bata.
Sinabi na rin daw ng doktor na malabong nang bumalik pa ang paningin ng bata pero nais daw nilang umasa pa na balang araw babalik ito. Sa ngayon, sobrang proud daw nila dito at nagkaroon pa siya ng second life.