Mga breast milk bank sa Metro Manila

lead image

Alam niyo bang mayroon nang lehitimong mapagkukuhanan ng human breastmilk sa Pilipinas?

Pakiramdam mo ba’y di sapat ang iyong gatas para sa iyong sanggol? Kailangan mo ba ng dagdag na supply ng gatas ng ina? O sa isang banda naman, labis ba ang inilalabas mong gatas kaya’t nais mong mag-donate sa ibang batang nangangailangan nito?

Sa ilalim ng Republic Act 7600 (The Rooming-In and Breastfeeding Act of 1992), itinalaga ang pagtataguyod ng pagpapasuso ng ina sa kanyang sanggol, at lahat ng paraan ng makakatulong dito. Itinataguyod din ng batas na ito ang pagpapahalaga sa ina at kanyang sanggol sa buong bansa. Sa ilalim ng Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009, lahat ng government at pribadong health institutions ay kailangang magtayo ng human milk banks sa kani-kanilang lungsod. Kasama dito ang paglakap ng ligtas at sa malinis na paraan (na aprubado ng Department of Health) ng gatas ng ina at ng mga human breastmilk banks. Sinimulan na ang kampanyang ito lalo na sa kalakhang Maynila. Pinangunahan ito ng mga lungsod ng Quezon City, Makati, Taguig, at Manila.

Layon ng mga lehitimo at government-accredited Human BreastMilk Bank (HMB) ang mahikayat ang mga ina na ibahagi ang labis o excess nilang gatas sa ibang inang hirap o walang supply ng gatas, lalo na para sa mga may sanggol na premature or malnourished.

Hinihikayat din kasi ng R.A. 7600 at Philippine Women’s Council ang eksklusibong pagpapasuso ng ina sa kanyang sanggol lalo na sa unang 6 na buwan ng bata. Ito rin ang itinalaga ng World Health Organization (WHO), dahil napakarami ng benepisyong pangkalusugan ang maidudulot ng gatas ng ina sa isang sanggol. Hindi dapat pagkaitan ng gatas ng ina ang bawat bata, bagkus ay dapat pang hanapan ng lahat ng posibleng paraan upang ang isang bata ay mabigyan ng nararapat na nutrient para sa kanyang immune system.

Saan nga ba ang mga pangunahing HMB sa kalakhang Maynila?

May apat na milk banks na unang binuksan ng mga ospital ng pamahalaan: Philippine Children’s Medical Center sa Lungsod ng Quezon, Dr Jose Fabella Memorial Hospital at Philippine General Hospital sa Maynila, at Zamboanga City Medical Center, sa tulong ng World Health Organization at Department of Health.

Bawat HMB ay may doktor, nurse, midwife, at medical technologists na pawang nag-training sa ilalim ng PCMC. Ang PCMC at ang Dr Jose Fabella Memorial Hospital ay ang tanging dalawang institusyon na DOH-accredited sa pagpapalakad at operasyon ng human milk bank.

src=https://ph admin.theasianparent.com/wp content/uploads/sites/11/2017/08/milk bank canarian weekly FB.jpg Mga breast milk bank sa Metro Manila

photo: Canarian Weekly facebook page

1. MAKATI CITY. Ang kauna-unahang HMB sa National Capital Region ay binuksan sa lungsod ng Makati noon pang 2013. Ang una ay nasa Bangkal Health Center sa E. Rodriguez Avenue, Barangay Bangkal. Ito ay may mga imported equipment, tulad ng human milk pasteurizer, bio-refrigerator, mga malalaking freezers, at electric dishwasher at sterilizer.

2. QUEZON CITY. Sa Quezon City, binuksan ang mga milk banks (QCHMB) noon pang 2015, sa ordinansang itinalaga ni Mayor Herbert Bautista. Mayroong HMB sa Quezon City General Hospital and Medical Center (QCGH). Ito ang ikalawang LGU sa National Capital Region na nagbukas ng HMB. Mayroon din sa Philippine Children’s Medical Center.

3. MANILA. Kilala ang Dr. Jose Fabella Memorial Hospital bilang isang maternity hospital sa Maynila. Sa tulong ng Philippine College of Health Sciences (PCHS) at Mont Blanc, isang non-governmental organization (NGO), ang fully-operational milk bank ang itinalaga dito simula 2008. Dahil na rin ito sa dami ng ina at sanggol na inaaruga ng pampublikong ospital na ito.

4. TAGUIG. May naiulat na 200 na ina ang nag-boluntaryong magbigay ng kanilang gatas sa local nutrition council ng Taguig. Ito ang naging simula ng kampanya ng lungsod para sa pagbubukas ng HMB sa kanilang lugar. Kilala ang Taguig sa kanilang epektibong programang pang-nutrisyon. Ang Mandaluyong City Medical Center ang itinalagang pangunahing HMB ng lungsod.

Alam niyo bang…

  • 34% lamang ng mga sanggol na bagong panganak ang eksklusibong pinapasuso ng ina, mula pagkapanganak ahanggang 2 taong gulang? (source: United Nations Children’s Fund (Unicef)’s 2014 State of the World’s Children Report)
  • Lahat ng inang nais magbigay ng donasyong gatas ay kailangang sumailalim sa laboratory tests pagkatapos ng unang screening and physical examination.
  • May mga pribadong organisasyon din ang tumutulong sa adbokasiyang ito. Ang Human Milk 4 Human Babies ay isang network ng online regional chapters na naglalayong tumulong sa distribusyon ng gatas ng ina sa mga nangangailangan sa isang ligtas at ethical na paraan.
  • Siniguro ng pamahalaan na sakaling walang pambili o pambayad ang nangangailangan, tutulungan ito ng mga LGU upang makakuha pa rin ng gatas ng ina sa maraming posibleng paraan. Sinuguro din ng DOH na ang lahat ng donasyong gatas ng ina ay dadaan sa “strict pasteurization” at health check bago ilagay sa milk bank.
  • Ang PEDALA naman ay isang messenger service na tumutulong na madala ang kailangang gatas sa mga sanggol sa iba’t ibang lugar. Ito ay para lamang sa mga may alam nang milk donors, at kailangan lamang ng magdadala o delivery service. (PEDALA – 0917-8073325). Katuwang nila ang Babymama, isang organisasyon na nagbibigay akses din sa ligtas at affordable na mga produkto para sa breastfeeding.

sources: Inquirer.net, Philstar.com, DOH.ph

BASAHIN: 6 Importanteng tanong para sa magiging doktor ng iyong anak