Dear TAP: Premature at masakitin na baby noon, healthy baby na ngayon dahil sa breast milk

undefined

Kuwento ng breastfeeding journey ng isang nanay at ng kaniyang premature baby. Isang testamento sa healing powers ng breast milk.

Tandang-tanda ko nang samahan ko ang kabarkada ko sa maternity floor ng isang ospital sa Taguig. Pareho kaming nagdadalang-tao. Naka-check-in na siya sa kuwarto niya para sa elective caesarean section.

Mababasa sa artikulong ito:

  • Kwento ng isang ina sa pagkakaroon ng premature baby
  • Breastfeeding premature baby

Habang ako naman ay naroon dahil naka-confine ang asawa ko dahil sa Dengue. Kahit may dalawang buwan pa ako bago manganak, minabuti namin ng kaibigan ko na mag-tour ng iba’t ibang kuwarto para tignan kung ano ang kukunin ko pag-turn ko na manganak.

Ang pagsubok sa aming pamilya

Pagkabalik ko sa kuwarto ng asawa ko, biniro ko pa siya na gusto ko ‘yong malaking private room na may recliner chair. Naisip ko na maraming kamag-anak ang dadalaw para tignan ang baby girl namin kaya kailangan malaki ang kuwarto para kasya ang lahat. At para kumportable ako habang nagpapasuso, very handy ang recliner chair!

Kinabukasan, madi-discharge na ang asawa ko sa ospital. Habang inaayos ko ang discharge papers niya, nagsimula ang contractions ko.

Nagpa-check ako agad sa OB ko at pinag-non-stress test ako. Normal naman ang resulta ngunit hindi pa rin bumuti ang pakiramdam ko. Balak kong magpahinga na lang sana sa bahay dahil baka napagod lang ako sa pag-aalaga sa asawa ko.

Pagdating namin sa parking lot, nahilo ako. Muntik na akong bumagsak, buti nasalo ako ng mister kong medyo nanghihina pa dahil galing sa sakit.

Isinakay ako sa wheelchair at diretso sa High Risk Pregnancy Unit (HRPU) ng ospital. Ika-32 weeks ko pa lamang ngunit mayroon nakakaranas na ako ng pre-term labor.

Binigyan ako ng gamot para mag-mature ang lungs ng baby. Dahil may gestational diabetes ako, binigyan din ako ng Insulin at tinanggal na ang diet ko.

Kailangan ko raw kumain ng marami para lumaki si baby, in case ipanganak ko siya ng maaga. Regular akong binibigyan ng pampakapit at pinagbawalan ako tumayo.

Bawal pati pagpunta ng banyo kaya pinagamit ako ng bed pan. Nag-ultrasound din ako. Bukod sa contractions, normal naman ang lahat kaya itinigil na ang mga gamot.

Excited na akong makauwi dahil nami-miss ko na ang panganay kong anak. Tatlong araw ko rin siyang hindi nakita dahil sa pamamalagi ko sa ospital. Binigyan na ako ng discharge orders.

Emergency c-section

Sa araw na lalabas na sana ako, nagsimula na naman ang pre-term labor. Mag-isa lang ako sa ospital dahil walang tulugan ang bantay doon sa HRPU. Bukod pa do’n, sinabi ko sa asawa ko na puwede na siyang pumasok ulit sa opisina dahil madi-discharge na naman ako.

Sinaksakan ulit ako ng mga gamot na pangpakapit. Ngunit patuloy pa rin ang sakit. Mula madaling araw hanggang bago mag-tanghalian, hindi humihinto ang paghilab. Nang bigyan ako ng internal examination ng isa sa mga duktor, napag-alaman nila na bukas na ang cervix ko.

Tinawagan nila agad ang OB ko na paalis na sana ng ospital at papunta na sana sa isang kasal sa Tagaytay! Madalian akong pinuntahan ng duktor ko na naka-full hair and makeup na—kulang na lang ang gown niyang pang ninang.

Lutang na ako dahil sa sakit at sa mga gamot na ibinigay sa akin. Narinig ko na lang na sinabi niya na bumaba na raw ang heart rate ng baby ko at kailangan na akong i-emergency caesarean section.

Tinawagan ko agad ang asawa ko, nanay ko, at tatay ko. Lahat sila nasa trabaho. Alam kong hindi sila aabot at mag-isa lang ako sa delivery room.

May ilang nurse at duktor na itinulak ang kama ko papuntang operating room. Agaran akong sinaksakan ng anesthesia at hiniwa ang tiyan ko. Pagkabukas sa ‘kin, bumulwak ang dugo. Naramdaman ko na lang na may parang mainit sa likod ko. Hindi ko namalayan na naliligo na pala ako sa sarili kong dugo. Sumisigaw ang mga duktor dahil sinusubukan nilang i-stop ang bleeding.

Maya-maya, nailabas na nila ang baby ko pero hindi ito umiyak. Nakita ko na dinala siya sa kalapit na table at may limang taong mga naka-scrubs ang nakapalibot sa kaniya. Bakit hindi siya umiiyak? Patuloy ang mga duktor sa pag-kumpuni sa kung ano mang nangyari sa tiyan ko.

Lumipas ang ilang minuto at finally, umiyak siya. Karga ng neonatal pediatrician ang baby ko nang sabihin niyang kailangan nang dalihin si baby sa neonatal intensive care unit (NICU). Anong nangyayari? Hindi ko pa nasusulyapan ang baby ko. Wala man lang kaming unang yakap!

Matapos akong tahiin ng OB ko. Sinabi niyang nasa labas na ng delivery room ang asawa ko pero sinabi niya na mas mainam na hindi na lang ito pumasok dahil sa dami ng dugo. Pumayag ako dahil hinang-hina na ako. Palabas ng OR, doon ko nakita kung anong ibig sabihin ng duktor ko. May pool ng dugo sa sahig na tila may kinatay.

Recovery room

Every five minutes, tinatanong ko ang mga nurse kung ano na nangyari sa anak ko. Hintayin ko na lang daw ang duktor na mag-explain.

Kung may lakas lang ako, siguradong giyera na ang nangyari. Walang makapagsabi kung ano nangyari sa akin at sa anak ko. Dahil bawal rin ang ibang tao sa recovery room, hindi ko rin makausap ang asawa ko.

Matapos ang ilang oras, dumating na ang OB ko kasama ang neonatal pediatrician. Nanganak daw ako ng di oras dahil nagkaroon daw ako ng placental abruption o ang paghihiwalay ng placenta sa uterus.

Nagkaroon din daw ako ng preeclampsia o ang pagtaas ng alta presyon. Ipinalagay niya na dahil sa paghiwalay ng placenta, nawalan ng oxygen ang baby ko kaya siya na distress at napulupot ang umbilical cord sa leeg niya.

Dagdag ng OB ko na sobrang masuwerte ako dahil naka-confine ako nang mangyari iyon. Kung hindi raw naagapan ang placental abruption, mataas ang posibilidad na patay na ako o ang baby ko—o kaming dalawa. Nawalan daw ako ng humigit kumulang dalawang litro ng dugo kaya kinailangan akong salinan ng dugo.

Kinausap ako ng pedia. Sinabi niya na dahil sa nangyari, nalunod sa dugo ko ang baby ko. Imbis na gatas ko, dugo ko ang unang niyang pagkain. Mayroon din dugo ko na napunta sa lungs niya. Krikital daw ang naging lagay niya pero stable na raw.

“Ilang araw po siya sa NICU?” tanong ko. Sa point na ‘yon, hindi pa gaanong nag-sink-in sa akin kung gaano kagrabe ang pinagdaanan naming dalawa. Akala ko makakalabas na siya after isang linggo or two weeks at the most.

Mahinahong pinaliwanag sa akin ng pedia na mananatili sa NICU ang baby ko hanggang sa dapat na due date niya. Iyon ay kung malampasan niya lahat ng kumplikasyon at trauma na naranasan niya.

Mas lalo akong nanghina. Imbis na magpahinga, dasal ako ng dasal.

breastfeeding premature baby

Paghihintay

Hindi ko namalayan na gabi na pala nang dalihin ako sa kuwarto ko. Sadyang mapagbiro ang tadhana dahil puno lahat ng ibang kuwarto kaya napunta ako sa deluxe private na may recliner chair. Ang kuwarto na biniro ko sa asawa ko na gusto kong kunin.

Malaki nga ang kuwarto ko pero wala namang mga bisita dahil hindi ko kasama ang baby ko. May recliner chair nga pero wala naman gagamit dahil wala naman doon ang papasusuhin ko.

Tinanong ko ang mga duktor kung kailan ko puwedeng makita ang anak ko. Kailangan ko raw magpahinga. Hindi ko kailangan ng pahinga. Gusto kong makita ang baby ko. Kailangan daw tanggalin muna ang catheter at kailangan daw nakakapaglakad na ako.

Isang araw matapos kong muntik nang mamatay dahil sa panganganak, pinilit kong tumayo at maglakad. Dahan-dahan kong ginamit ang mga binti kong tila isang tonelada ang bigat. Hawak-hawak ko ang tahi ko dahil baka bumuka.

Habang naghihintay sa go signal ng duktor na makapunta na ng NICU. Nag-research ako ng mga paraan kung paano mapapabuti ang kalusugan ng anak ko. Isa lang ang karaniwang sagot: breast milk.

Ayon sa mga pag-aaral, iba ang gatas ng nanay na nanganak ng premature. Mas puno ito ng sustansya na makakatulong sa pagpapalaki ng baby.

Somehow, alam ng katawan na kulang sa buwan ang baby kaya bumabawi ito para mabigyan ng sapat na nutrisyon ang bata sa labas ng sinapupunan.

Madalian akong nagpatawag ng lactation consultant. Tinuruan akong mag-hand express. Suwerte naman dahil may gatas na ako agad. Inipon namin ang colostrum sa syringe.

Nice to finally meet you

breastfeeding premature baby

Finally, pinayagan na akong makita ang anak ko. Dala-dala ang mga newborn na damit, dinala ako ng asawa ko sa NICU. Hindi ko in-expect ang nakita ko.

Ang baby girl ko sinaksakan ng sangkaterbang mga tubo. May tubo para makahinga siya, may tubo para sa gamot, may tubo mula lalamunan hanggang tiyan para mailabas ang lahat ng dugo ko na nainom niya.

Ang ulo niya, halos kasing laki lang ng kamao ko. 3.6 pounds lamang siya. Hindi siya puwedeng damitan dahil marami pa raw ginagawa sa kaniya.

Susuotan na lamang siya ng damit pag-graduate niya ng NICU. Pero kahit na payagan siyang suotin ang damit, lubos na maluwag ito sa katawan niya.

Halatang-halata na kulang siya sa timbang dahil pati ‘yong pinakamaliit na size ng diaper ay maliit sa kaniya. Ang rason lang daw kung bakit hindi siya buto’t balat ay dahil manas siya.

Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Masaya ako na nakita ko siya pero awang-awa ako sa kalagayan niya.

Breastfeeding premature baby – Hindi pa raw pala pwede si baby

Mahirap ang breastfeeding sa isang premature na baby, kahit gusto mo ay hindi pwede.

Ibinigay ko sa mga nurse ang colostrum ngunit hindi pa raw puwedeng padedehin si baby dahil kailangan matanggal lahat ng dugo ko na nainom niya pati na rin ang dugo ko na nasa baga niya. Ganunpaman, desidido ako na kapag pinayagan na siyang kumain ay marami akong gatas na maibibigay sa kaniya.

Hindi ko man lang siya nakarga nang una ko siyang nakita. Masyadong maraming nakakabit sa kanyang tubo at swero.

Tinatagan ko ang sarili ko. Ayokong makita niya akong umiiyak kahit na alam kong wala pa siyang malay. Feeling ko kasi mararamdaman niya ‘yon.

Matapos ang isa pang araw, na-discharge na ako. Pasakay na ako ng kotse nang bigla kong naramdaman ang bigat ng nangyari sa aming mag-ina. Pauwi na ako pero hindi ko kasama ang baby ko. Nag-break down na ako. Bumuhos lahat ng luha na naipon ng ilang araw. Walang magawa ang mister ko kundi yakapin lang ako.

BASAHIN:

Premature baby problems: 14 Short-term and long-term health issues faced by premature babies

Mommy: “Mukha raw alien ang premature baby ko kaya nagpursige ako para maging malusog siya.

3 tested tips to wean a premature baby

NICU

breastfeeding premature baby

Nang bumuti ng kaunti ang lagay ng baby ko, nailipat na siya sa isolate, isang klase ng incubator. Pinayagan na rin akong kargahin siya. Kangaroo mother care (KMC) ang tawag kapag karga ang bata na magkadikit ang balat ninyo.

Dahil hindi pa rin puwedeng ang breasfeeding ang aking baby dahil premature pa siya at marami pa ring dugo sa baga at tiyan. Nagpursige ako mag-pump ng breast milk para hindi humina ang supply ko.

Halos mapuno ko na ang freezer namin. Dumating sa punto na namahagi na rin ako ng milk sa isang mommy ng twins na classmate ng anak ko sa NICU.

Mula 6 am hanggang 6 pm nasa NICU ako, binabantayan ang baby ko. 12-hour shift, kasabay ng mga nurse. Umuuwi ako para maghapunan at para makasama ko ang asawa at panganay ko.

Kahit hindi kami magkasama ng baby ko, every 3 hours ako nag-pump. Kapag madaling araw, tumatawag ako sa NICU para kamustahin si baby.

Matapos ang dalawang linggo, puwede na raw mag-feed si baby. Sa unang subok namin, alam na niya agad kung paano mag-latch. Dapat 10 minutes lang muna habang hindi pa sanay ang tiyan niya pero nagagalit siya kapag tinatanggalan siya ng dede. Matakaw na agad! Kahit na premature si baby ay malakas siya sa breastfeeding.

Ngunit pagdating ko isang umaga, sinabi sa akin ng nurse na tila matamlay si baby. Napansin ko rin na ayaw niya magdede at gusto lang magpakarga.

May naging infection siya

Napag-alaman namin na may sepsis with meningitis daw siya. Dahil kakabigay lang sa kaniya ng antibiotics nang lumabas siya sa akin, kailangan daw niya ng pinakamalakas na uri ng antibiotics. Kailangan daw na mag-work ang gamot kundi wala na silang puwedeng ibigay sa kaniya na makakapuksa ng sakit niya.

Sa awa ng Diyos, gumaling siya. Ngunit hindi pa natapos ang kalbaryo namin. Nagkaroon din siya ng jaundice at kinailangan na mag phototherapy. Bukod pa do’n, nakalista sa baby book niya ang respiratory distress syndrome, anemia, at apnea. Na-ultrasound din ang kaniyang puro at utak.

Makalipas ang ilang linggo, pagpasok ko sa NICU, wala na ang baby ko doon. Akala ko kung ano na ang nangyari! Iyon pala nailipat na siya sa kabilang kuwarto, ang intermediate care unit (IMCU). Ibig sabihin mabuti na ang lagay niya enough para hindi siya bantayan ng NICU doctors 24/7.

Kaunti na lang lalabas na siya!

Dear TAP: Premature at masakitin na baby noon, healthy baby na ngayon dahil sa breast milk

Breastfeeding premature baby

Ngunit sa kasamaang palad, may isa pa siyang pagsubok na kailangan malampasan. Napag-alaman ng kaniyang mga duktor na mayroon siyang Hirschprung’s disease—hindi completely nabuo ang huling bahagi ng colon niya kaya hindi siya nakakadumi nang mag-isa. Kinailangan niya ng surgery para dito.

Isang buwan pa lang siya pero sasailalim na siya sa operasyon. Sa tagal namin sa NICU, akyat-baba ang timbang niya. 4.3 pounds pa lang siya. Kakayanin ba niya ang surgery?

Wala kaming magawa kundi magdasal. Kailangan niyang operahan kundi magkakaroon siya ng mas malalang kumplikasyon. Awa ng Diyos, pati ito nalampasan niya.

Matapos ang ilang araw, tinanggal na ang mga monitor na nakakabit sa kaniya. Maya’t maya pinapakinggan ko kung humihinga pa siya. Hindi ako sanay na walang nakakabit sa kanyang mga machine na nagsasabing, “Oo, buhay pa siya.”

Isa na lang ang hinihintay namin: ang ma-regulate niya ang kaniyang sariling body temperature. Isang bagay na hindi likas kapag premature na baby.

April Fool’s Day

Dear TAP: Premature at masakitin na baby noon, healthy baby na ngayon dahil sa breast milk

Breastfeeding premature baby.

Pagpasok ko ng IMCU ng Abril 1, wala na naman ang anak ko sa incubator! Bago ako mag-panic, itinuro ng mga nurse na nasa bassinet na siya. Sumbong nila sa akin na kanina pa iyak nang iyak dahil hinahanap ako at gusto nang magdede. Ayaw tumahan. Binansagan tuloy siyang “Madam” ng mga nurse. Ito ang karanasan ko sa breastfeeding sa aking premature baby.

Matapos ang 41 days sa NICU, naiuwi na rin namin si Madam. Sa dami ng pinagdaanan niya, pinabaunan kami ng ospital ng 99-pages worth na kopya ng medical records niya.

Nang mailabas namin siya, pinangako ko sa kaniya na hinding-hindi na siya maiiwang mag-isa… at puwede siyang magdede hangga’t gusto niya.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!