Buo-buong dugo sa menstruation: Bakit nga ba nangyayari ito?

undefined

Mayroong buo buong dugo sa menstruation? Bakit nangyayari ito at masama ba ito sa kalusugan? Basahin ang sagot sa katanungan dito.

Maraming babae ang nakakaranas ng buo buong dugo sa menstruation, minsan man o madalas. Nakakapag-alala, lalo na kung unang beses itong mararanasan. Ang menstrual clots sa terminong medikal ay ang parang gel at buo buong dugo sa menstruation na lumalabas mula sa uterus ng isang babae, na sumasabay sa menstruation. Ito ay coagulated blood, tissue, at ordinaryong dugo, na mistulang jelly, o parang dugong ginagamit sa ulam na Dinuguan.

Ang heavy menstrual periods ay nakakaapekto ng negatibo sa araw-araw na pamumuhay ng isang babae. Dahilan ito kung bakit palaging pagod ang pakiramdam, labis ang pananakit ng puson, at hirap sa pagkilos at paggalaw.

Buo buong dugo sa menstruation: Delikado ba ito?

Sabi ng mga eksperto, walang dapat ikabahala kung ang buo buong dugo sa menstruation ay maliliit lang naman at minsan lang mangyari. Karaniwan lang ang paglabas ng buong dugo sa mga unang araw ng menstrual cycle, at dark o bright red ang kulay nito.

Pero kapag ito ay lumalabas sa tuwing nireregla, at kung ang buo buong dugo sa menstruation ay malaki  at madami, maaaring senyales ito ng mas malalang kondisyon na dapat ipatingin kaagad sa iyong OB GYN.

buo-buong-dugo-sa-menstruation

Buo-buong dugo sa menstruation | Image from Freepik

Bakit nga ba nagkakaro’n nito?

Tuwing ika-28 hanggang ika-35 araw, ang endometrium o uterine lining ay naglalabas ng dugo. Ayon sa web article ni Robert B. Albee, Jr., MD FACOG ACGE FOUNDER, ng Center for Endometriosis Care, kumakapal ang endometrium kada buwan dahil sa estrogen, isang female hormone na pino-prodyus ng katawan ng isang babae. Ito ang tumutulong sa fertilized egg.

Kapag hindi nabuntis, nakakatanggap ng hudyat ang endometrium na dapat nang maglabas ng dugo. Ito ang menstruation.

Kapag ang lining ay dumudugo, nahahalo ito sa ibang blood byproducts, mucus at tissue at ito ang lumalabas bilang menstruation. Minsan ay may nahahalong maliliit na dugo sa endometrium. Ito ang nakikitang buong dugo, na buo-buong endometrial cells, na maaaring may kahalo ding iba pang buong dugo.

Para mailabas ang dugo, nagpoprodyus ang katawan ng anticoagulants para maging maayos ang pagdaloy ng dugo, dahil ito ay makapal. Kapag mas mabilis ang pagdaloy ng dugo kaysa sa pag-prodyus ng anticoagulants, nagkakaron ng menstrual clots o buo-buong dugo.

buo-buong-dugo-sa-menstruation

Buo-buong dugo sa menstruation | Image from Freepik

Buo-buong dugo sa menstruation

May mga babaing nagkakaron ng malakas na pagdurugo, na tumatagal ng lagpas isang linggo, at hindi sapat ang ordinaryong sanitary napkin o tampon. Mas madalas ang pagpapalit, at madalas ay natatagusan pa din. Ang pagkakaron ng heavy flow ng menstruation at hormonal factors ang sanhi ng pagkakaron ng buo-buong dugo.

Mas madalas nagkakaron ng blood clot formation sa mga araw na malakas ang menstruation, karaniwang nasa ikalawa at ikatlong araw. Ang normal na dalaw ay tumatagal lang ng 4 hanggang 5 araw, minsan ay umaabot ng 6 na araw, pero mahinang mahina na.

May mga tinatawag ding uterine obstructions tulad ng fibroids at endometriosis, na nakakahadlang sa maayos na uterine function, tulad ng regular na contraction. Kapag kasi hindi maaayos ang contraction ng uterus, naiipon ang dugo sa loob ng uterine cavity, at ito ang nagbubuo-buo, at inilalabas kasama ng menstruation.

Paliwanag ni Dr. Albee, nasa 30 hanggang 40% lamang ng mga pasyenteng may endometriosis ang may sintomas na abnormal bleeding, na may kasamang buo-buong dugo. Sa madaling salita, hindi palaging endometriosis ang sanhi ng clotting, bagamat posible ito.

Mga posibleng komplikasyon

May mga problema sa reproductive system ng isang babae ang siyang nagiging dahilan ng heavy flow at menstrual clot. Ang buo buong dugo sa menstruation ay posibleng sintomas din ng mas malalang kondisyon o problema sa reproductive system ng babae.

  • Miscarriage. Ang unang takot ng mga nagbubuntis ay ang posibleng pagkalaglag ng dinadalang bata na fetus pa lang. Karamihan sa mga miscarriages ay nangyayari nang hindi pa man alam ng babae na buntis na siya. Ang labis na pagdurugo, na may kasamang buong dugo, kasama ng abdominal cramps, ay sintomas ng miscarriage.
  • Anemia. Isang dapat ipag-alala ay ang pagkakaron ng anemia, o kakulangan sa dugo. Kung napapansin na na palaging madami ang pagdurugo kada menstrual cycle, at may nakikitang buo-buong dugo palagi, kumunsulta kaagad sa OB GYN o doktor para mapasailalim sa mga eksaminasyon at matukoy ang sanhi. Kailangan din ito para mabigyan ng vitamins o gamot at maagapan ang iron-deficiency anemia. Ilang sintomas ng anemia ay pamumutla, palaging pagod ang pakiramdam, hirap sa paghinga, pananakit ng dibdib at panghihina.
buo-buong-dugo-sa-menstruation

Buo-buong dugo sa menstruation | Image from Freepik

Ano ang mga posibleng paggamot sa buo buong dugo sa menstruation?

Bawal bang uminom ng gamot kapag may regla? Magpatingin kaagad sa doktor para sumailalim sa pelvic exam, blood tests, pap smear, ultrasound, MRI o biopsy.

1. Medikasyon

May mga nabibiling “over-the-counter” na gamot na nonsteroidal at anti-inflammatories (NSAIDs) tulad ng ibuprofen (Advil) sa mga unang araw ng menstrual cycle. Nakakatulong ito na maibsan ang sobrang sakit na menstrual cramps at nakakatulong na ma-regulate ang labis na pagdurugo ng hanggang 50%. Magtanong sa iyong OB GYN kung ano ang nararapat para sa iyo, bago uminom ng kahit anong gamot.

Pangunahing paggamot sa malakas at buo-buong dugo kapag may menstruation ay ang pag-inom ng hormonal contraceptives. Ang birth control pills ay may taglay ng mga hormones na makakatulong na ma-regulate ang pagdaloy ng labis na dugo. May mga intrauterine device (IUD) din na may progestine, na makakatulong din na mapigil ang labis na pagdurugo at pagbuo-buo nito.

2. Operasyon o surgery

May mga nangangailangan ng surgery tulad ng dilation and curettage (D and C) procedure, o raspa, na karaniwang ginagawa pagkatapos ng miscarriage. Kumukuhga ng maliit na laman o sample mula sa matres para pag-aralan at matukoy at magamot ang anumang kondisyon tulad ng labis na pagdurugo kapag may menstruation. Kung natukoy na fibroids o tumor ang sanhi ng buo-buong dugo, kailangang tanggalin ito sa pamamagitan ng myomectomy o laparoscopy.

May ilang pagkakataon na kakailanganin ding tanggalin ang uterus, o ang tinatawag na hysterectomy, lalo kapag malala na ang kondisyon.

Ang heavy bleeding at buo-buong dugo kapag may menstruation ay karaniwan at normal lang sa kabuuan. Ang mahalaga ay malaman ang mga senyales ng mas malalang sintomas. At pakiramdaman din ang sarili kung may dapat nga bang ikunsulta sa doktor.

Kumain ng masustansiyang pagkain, at palaging uminom at manatiling hydrated lalo kapag may buwanang dalaw. Ugaliing kumain ng mga pagkaing mayaman sa iron tulad ng ampalaya, malunggay, quinoa, tofu, berdeng gulay. At kung hindi ka vegetarian, makakatulong ang karne.

 

Sources: Centerforendo.com , Medical News Today, Healthline.com

Basahin: 6 dahilan kung bakit nade-delay ang menstruation

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!