Butas sa tenga naging sanhi ng malalang impeksyon ng isang bata
Huwag balewalain ang maliit na butas sa tenga, dahil posible pala itong maging sanhi ng isang malalang impeksyon. Paano ito nangyari?
Hindi na bago ang makakita ng mga batang mayroong maliit na butas sa tenga. Ito ay tinatawag na “preauricular sinus” at isa itong uri ng congenital defect. Kadalasan, ito ay ipinagwawalang-bahala ng mga magulang. At kung tutuusin, halos wala rin naman itong masamang epekto sa katawan.
Ngunit alam niyo ba na posible pala itong magkaroon ng impeksyon at magdulot ng matinding sakit? Ganito ang naranasan ng isang bata na nagkaroon ng impekson sa butas ng kanyang tenga.
Maliit na butas sa tenga, dapat bantayan
Sa kaso ng isang bata sa Thailand, ang butas na ito sa kanyang tenga ay naging sanhi ng matinding sakit at impeksyon. Paano ito nangyari?
Ayon sa magulang ng bata, na tawagin natin sa pangalang “K,” noong 6 na buwang gulang pa lamang ito, ay tinuruan nila siyang lumangoy. Nang siya ay maging 1 taong gulang, napansin nilang parang namamaga at lumalaki ang butas sa kanyang tenga.
Kaya’t dinala nila si K sa doktor upang matingnan kung bakit namamaga ang kanyang tenga.
Sabi ng doktor na tumingin sa bata, ito raw ay dahil sa paglangoy niya. Naiipon daw ang tubig sa loob ng tenga, at naging sanhi ito ng impeksyon. Dahil dito, niresetahan ng doktor ng painkiller at iba pang gamot ang bata, at akala ng kanyang mga magulang ay tapos na ang kanilang problema.
Lalong lumala ang impeksyon
Ngunit matapos ang tatlong araw, lalong lumala ang impeksyon ni K. Ito ay magang-maga, at mayroon ding nana. Kinailangan niyang operahan ang kaniyang sugat upang alisin ang nana sa loob.
Di nagtagal, at bumuti rin ang pakiramdam ni K, ngunit kinailangang tanggalin ang kanyang eardrum upang makaiwas sa komplikasyon.
Sa buong mundo, 15% lang ng populasyon ang mayroong preauricular sinus. At kung mayroong ganito ang inyong anak, kailangan ng dagdag na pag-iingat at alaga.
Magandang umiwas sa masyadong paglangoy, dahil baka matulad ito sa nangyaring impeksyon kay K. Panatilihin ring malinis ang tenga ng anak, at huwag kalimutang tuyuin ito ng mabuti matapos maligo.
Kapag may nakita kayong impeksyon, huwag mag atubiling dalhin ang inyong anak sa doktor.
Source: Facebook
Basahin: Infected na ngipin, halos ikinamatay ng isang bata!