Cradle Cap o infantile seborrheic dermatitis: Mga importanteng kaalaman

Share this article with other moms

Ano nga ba itong tinatawag na cradle cap? Paano ba ito matatanggal?

Cradle cap ang tawag sa seborrheic dermatitis, o seborrhea, na makikita sa bumbunan ng isang sanggol. Ito rin ang kauri ng balakubak na makikita sa mga bata at matatanda.

Isa itong karaniwang kondisyon sa mga bagong panganak na sanggol, at minsa’y pati sa mga batang hanggang tatlong taong gulang. Mapapansin ang makapal na puti o madilaw na parang kaliskis o balakubak sa bumbunan at iba pang bahagi ng ulo ni baby, lalo sa mga unang linggo pagkapanganak. Minsan mayroon din sa kilay, pilikmata, tenga, sa tabi ng ilong, batok, kili-kili o sa diaper area, na tinatawag nang seborrheic dermatitis dahil lumalabas ito sa mga bahagi ng katawan na may pinakamaraming oil- producing sebaceous glands.

Cradle cap

Madalas napapagkamalan itong ezcema, ngunit ang dalawang kondisyong ito ay magkaiba, bagamat maaaring magkaron ng sabay. Sa mga batang may eczema o dry skin, mas makati ang cradle cap.

Narito ang 5 impormasyon na dapat malaman para maintindihan ang kondisyong ito.

1. Ito ay hindi nakakahawa at hindi indikasyon ng poor hygiene

Walang alam na dahilan sa pagkakaroon nito. Ayon sa aklat na The Baby Care Book: A Complete Guide from Birth to 12 Months Old na isinulat nina Dr. Jeremy Friedman,MD, at Dr. Norman Saunders, MD, ito ay maaaring sanhi ng overproduction ng skin oil o sebum sa oil glands at hair follicles. Ang ibang factors tulad ng biglang pagbabago ng panahon (mainit biglang lumalamig), pagkakaron ng oily skin, problema sa immune system, pati na stress, at iba pang sakit sa balat tulad nga ng ezcema, ay maaaring maging sanhi din ng cradle cap.

Ang seborrhea naman ay makikita sa mga bata at minsan sa teenagers dahil sa mataas ang lebel ng hormone sa mga edad na ito. Mayroon ding yeast (fungus) na tinatawag na malassezia (mal-uh-SEE-zhuh) ang tumutubo sa sebum na may kasamang bacteria. Kaya minsan ay ginagamot ito ng anti-fungal cream tulad ng ketoconazole. Ang doktor ang tanging makakapagsabi nito.

cradle cap ni baby

photo: shutterstock

2. Nawawala ito kahit hindi bigyan ng pansin

Madalas ay hindi ito nangangailangan ng atensiyong medikal o paggamot. Pagkalipas ng ilang linggo o ilang buwan, nawawala ito nang kusa na lamang. Bagamat nakakatulong ang paghuhugas ng anit o buong ulo ni baby gamit ang sabon o shampoo at maligamgam na tubig at paglalagay ng baby oil o mineral oil sa bahaging may cradle cap pagkaligo. Pagkababad sa oil, maaari itong suklayin gamit ang suklay o brush na pang-baby (HINDI karaniwang suklay). HUWAG gagamit ng dandruff shampoo, dahil ito ay may salicylic acid na hindi ligtas para sa mga sanggol.

3. HUWAG itong kakamutin o kakaskasin

Ang pagkaskas gamit ang kuko ay makakapagpalala nito. Tandaan na ang kuko natin ay may mga mikrobyong hindi natin nakikita. Kapag nagsugat din si baby, maaring maimpeksiyon pa ito. Hindi naman masakit ang cradle cap para kay baby, kaya’t huwag mabahala o mag-focus sa pagtatanggal nito.

4. Tumawag ng doktor kung napapansing kakaiba ang itsura nito

Kung may dugo, at hindi na rin komportable si baby dahil dito (maaaring umiiyak o nagkakamot), kumunsulta agad sa doktor. Kung ang scaly patches ay kumakalat sa iba pang bahagi ng katawan at mukha ni baby, dalhin na rin siya sa doktor. Kung ito ay malala, may mga medicated shampoo o lotion na maaaring i-rekumenda ang doktor. Hydrocortisone cream naman ang binibigay kung may pamumula at pamamaga.

HUWAG gagamit ng kahit anong gamot kung walang payo ng doktor.

5. Tandaan na ito ay hindi isang malalang sakit o impeksiyon

Hindi rin ito allergy. Kung hindi kakamutin o kakaskasin, hindi ito nagpepeklat.

source: The Baby Care Book: A Complete Guide from Birth to 12 Months Old NINA Dr. Jeremy Friedman,MD at Dr. Norman Saunders, MD.

READ: 10 na bagay na dapat malaman tungkol sa Eczema

Baby Health Baby Ages + Stages Baby Care