Marami ang nalungkot sa pagkasawi ng David Salon owner na si David Charlton. Si Charlton malaki ang iniwang legasiya sa bansa pagdating sa hairdressing.
Mababasa dito ang sumusunod:
- Pagpanaw ng David Salon owner na si David Charlton.
- Naiwang legasiya ni Charlton.
Pagpanaw ng David Salon owner na si David Charlton
Ikinalungkot ng mundo ng cosmetics and hairdressing ang pagkasawi ni David Charlton. Siya ay ang kilalang founder at owner ng David’s Salon chain dito sa bansa.
Ang balita ng pagkasawi ni David ibinahagi sa official Facebook page ng kaniyang salon nitong October 29. Doon rin nakalagay kung saan ibinurol ang kilalang salon owner. Bagamat hindi nakadetalye dito ang sanhi ng kaniyang pagkasawi.
Ang kilalang cosmetics brand na L’Oréal ay nagpaabot rin ng kanilang pakikiramay sa pagkasawi ni David. Siya ay tinawag nga nilang visionary founder na ang iniwang legasiya daw ay patutuloy na magiging inspirasyon sa kanila.
“Today, we pay tribute to David Charlton, the visionary founder of David’s Salon. His legacy of creativity, dedication, and unparalleled service will continue to inspire us. He will be deeply missed.”
Ito ang post ng L’Oréal tungkol sa pagkasawi ni David.
Naiwang legasiya ni Charlton
Si David ay isang foreigner na ipinanganak sa England. Nagmula siya sa pamilya ng mga hairdressers na naging dahilan para magtayo siya ng unang David’s Salon dito sa Pilipinas noong 1989. Ang unang branch nito ay itinayo sa New Farmer’s Market sa Cubao, Quezon City.
Ayon sa mga reports, itinayo ni David ang David’s Salon para makapagbigay ng quality ngunit affordable na hairdressing services sa mga Pilipino. Ngayon, ang David’s Salon ay may higit 200 branches na hindi lang sa Pilipinas kung hindi pati narin sa ibang panig pa ng mundo.
Ang labi ni David ay kasalukuyang nakahimlay sa The Chapels Heritage Park sa Taguig. Ito ay open for public viewing. Siya ay ililibing sa November 3.