Ang iyong apple of the eye ay tatlong taon at limang na buwan na ngayon. Kaya na niyang tumakbo mag-isa, pati na din tumalon at umakyat sa hagdan. Ngunit huwag kalimutan ang bawat bata ay magkakaiba. Isang dahilan nito ay ang magkakaibang pagpapalaki at suporta na nakukuha ng bata mula sa kanyang pamilya at paligid. Ating alamin ang development ng 41-buwan na bata sa article na ito.
Development ng 41-buwan na bata: Physical
Sa edad na ito, mas lalong nagiging maliksi na ang iyong anak dahil na din sa pagkahubog ng kanyang fine at gross motor skills. Masaya siya tuwing siya ay naglalaro. Ito ang ilan sa mga pisikal na development ng 41-buwan na bata:
- Umakyat at baba sa hagdan ng salitan ang dalawang paa
- Sipain, ihagis at sambutin ang bola
- Maglakad ng pasulong at paatras
- Magkandirit o kaya ay tumayo gamit ang isang paa sa loob ng limang segundo
- Magbisikleta at tumakbo
- Yumuko ng paunahan nang hindi natutumba
- Pihitin ang mga taklob ng garapon at door knob
Tips:
- Maglakad sa labas ng bahay o kaya ay sa park. Hikayatin din siyang tumakbo at tumalon. Pwede din kayong maglaro ng “I Spy” habang namamasyal.
- Gumawa ng obstacle course sa loob ng bahay gamit ang laruan ng iyo anak. Pwede din kayong maglaro ng tagu-taguan.
- Maari mo siyang bilhan ng maliit na swimming pool o kaya ay gawan ng sandbox.
- Turuan siya ng mga bagong laro tulad ng “Ring Around the Rosy,” “Red Light, Green Light,” pati na din “What Time Is It, Mr. Fox?”
- Bilhan siya ng chalk board at hikayating magsulat o gumuhit araw-araw.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Kung ang iyong anak ay hirap tumakbo, tumalon o gawin ang kahit anong physical activities, mabuting dalhin mo siya sa doctor. Minsan, ang mga ganitong delay ay sintomas ng problema sa nervous system o kaya ay polio.
Development ng 41-buwan na bata: Cognitive
Sa edad na ito, alam na ng iyong anak ang iba’t ibang letra at numero. Bukod dito, ito pa ang ilan sa mga development ng 41-buwan na bata na iyong mapapansin:
- Kakayanang maglipat ng pahina ng libro, bumuo ng puzzles, iguhit ang iba’t ibang hugis
- Maintindihan ang ibig sabihin ng magkaiba at pareho
- Kilalanin ang banggitin ang iba’t ibang kulay
Asahan din ang maraming mga tanong mula sa iyong anak sa edad na ito.
Tips:
- Isingit ang mga letra, numero at puzzles sa laro ng iyong anak para lalo siyang matuto.
- Magbilang ng malakas kasabay ang iyong anak
- Basahan ang iyong anak ng mga kwento. Piliin ang mga libro na may makukulay na larawan upang mapanatili ang kanyang interes.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Bagamat ang bawat bata ay magkakaiba, makakabuti pa ding dalhin sa doctor ang iyong anak kung hirap pa siyang unawain ang mga simpleng utos tulad ng “Halika dito” o kaya ay pagsagot sa mga simpleng tanong tulad ng “Nasaan ang iyong kutsara?”.
Development ng 41-buwan na bata: Social at Emotional
Ang iyong anak ay sanay na sanay nang makihalubilo sa iba sa edad na ito. Hindi na siya masyadong mahiyain. Mas nakikipag-usap at nakikipaglaro na din siya sa ibang bata. Ito pa ang ilang development ng 41-buwan na bata:
- Pagkakaroon ng malikhaing pag-iisip. Mapapansin mo din na siya ang bida minsan sa kanyang mga imaginary story.
- Hindi na din siya masyadong umiiyak tuwing naiiwan, kung kaya mas magiging madali na din ang transition sa kanyang pagpasok sa preschool.
- Mas kaya na din niyang ipahayag ang kanyang nararamdaman
Mapapansin din na ang iyong anak ay clingy sa kanyang laruan. Hindi din maiiwasan ang magliligalig sila lalo na kung may pagbabagong nangyari sa kanyang routine.
Tips:
- Hikayatin ang iyong anak na makipaglaro sa ibang bata.
- Kung ang iyong anak ay hindi pa pumapasok sa preschool, subukang maghanap ng playgroup na pwede niyang salihan.
- Unti-unti siyang kausapin tungkol sa pag-aaral sa preschool. Isama ang iyong anak sa pagbisita sa iba’t ibang preschool para maihanda din siya sa kanyang pagpasok.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Kung ang iyong anak ay ayaw makipaglaro o makihalubilo sa ibang bata, o kaya naman ay sobrang agresibo kapag nakikipaglaro, dalhin siya sa doctor para mapayuhan kayo kung ano ang dapat gawin.
Development ng 41-buwan na bata: Speech at Language
Ang iyong anak ay may malawak ng bokabularyo sa ngayon (humigit-kumulang 900 na salita) at kaya na din niyang bumuo ng mahahabang pangungusap. Ito ang ilan sa mga development ng 41-buwan na bata:
- Mapapansin mo na kaya nang magsalita ng 250 hanggang 500 na salita nang maliwanag
- Kakayanang bumuo ng pangungusap na may tatlo hanggang apat na salita.
- Tamang paggamit ng mga panghalip
- Paggamit ng “ako,” “ikaw,” at “akin” sa mga pangungusap. Gustong gusto din niyang sabihin ang kanyang pangalan at edad.
Bagamat may mga mali pa din sa kanyang subject-verb agreement, mapapansin mo na mas tama na ang kanyang grammar ngayon.
Tips:
- Kung medyo tahimik ang iyong anak, hikayatin mo siya na makipag-usap sa iba o kaya ay kumanta kayong dalawa.
- Basahan siya ng mg tula o kwento at ipaulit sa kanya ang ilan sa mga salita. Makakatulong ito para mas maging confident siya.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Kung ang iyong anak ay hirap sabihin ang kanyang pangalan, naglalaway habang nagsasalita, hirap bumuo ng mga pangungusap o kaya ay hindi maintindihan ang sinasabi, makakabuti na dalhin siya sa speech therapist.
Development ng 41-buwan na bata: Health At Nutrition
Sa edad na ito, ang body structure ng iyong anak ay halos kagaya na ng isang nakatatanda. Ang mga 41-buwan na bata ay may timbang na 11 hanggang 15 kilos at 95cm o 37.4 in na tangkad.
Mahalagang matutukan ang nutrisyon ng iyong anak sa edad na ito lalo na ngayon na nag-iiba din ang kanyang mga hilig kainin.
Makakabuti na kumpleto ang limang food groups sa bawat kain niya. Samahan ang kanyang pagkain ng grains, prutas, gulay, dairy at protein. Hindi man niya maubos ang lahat ng pagkain sa kanyang plato, mas makakuha siya ng madaming nutrients dahil may mga pagkain siya na pwedeng pagpilian.
Ito ang iba ibang food group pati na din ang mga pagkain na pwede mo ihain para sa iyong anak:
- Grain – May dalawang klase nito – whole grains at refined grains. Mainam silang pinagkukunan ng Vitamin B. Kailangan ng iyong anak ng 141g ng grains araw-araw. Kung gusto mong isama ang whole grain sa pagkain ng iyong anak, bigyan siya ng whole wheat flour o tinabay, oatmeal, brown rice, whole cornmeal, o whole wheat pasta. Kung gusto mo naman siyang bigyan ng refined grain, pwede mong isama white flour o tinapay o kaya ay pasta.
- Prutas – Karamihan sa mga prutas ay mainam na pinagkukunan ng potassium, fibre, vitamin B at C. Sa edad na ito, kailangan ng iyong anak ng isa at kalahating tasa ng prutas araw-araw. Pwede mo siyang bigyan ng isang piraso ng prutas bilang panghimagas pagkatapos kumain o kaya ay bilang meryenda. Kung napansin mo na maganang kumain ang iyong anak, maari mo siyang bigyan ng mahigit sa isang tasa ng prutas araw-araw. Halimbawa, pwede mo siyang bigyan ng mansanas bago magtanghalian at saging pagkatapos ng hapunan, pati na din mga berries.
- Gulay – Ang mga ito ang pinagkukunan ng fibre, vitamin B at C pati na din potassium at antioxidants. Kailangan ng iyong anak ng isang tasa ng gulay araw-araw. Unti-unting ipakilala sa kanya ang iba’t ibang makukulay na gulay tulad ng broccoli, beans, kamatis, carrots at capsicum.
- Dairy – Kailangan ng iyong anak ng calcium para sa kanyang ngipin at buto, at ang gatas ang pinakamainam na pagkunan nito. Kaya makakabuti na bigyan ang iyong anak ng dalawa hanggang tatlong baso ng gatas araw-araw. Para hindi naman siya magsawa, pwede mo din siyang bigan ng oatmeal na may gatas at prutas o kaya ay cheese sandwich o yogurt.
- Protein – Kailangan ng iyong anak ng 56g ng protein araw-araw. Isa ito sa pinakaimportanteng parte ng diet ng iyong anak na maari mong makuha sa poultry, itlog, seafood at beans. Makakakuha ka din ng iron, zinc at vitamin B mula sa mga ito. Maari mo siyang bigyan ng isang itlog o kaya ay kalahating tasa ng nuts o 28g ng lutong manok o isda.
Tips:
- Siguraduhin na hindi bababa sa 141g ng grain, isang tasa ng prutas at gulay, tatlong tasa ng gatas at 56g ng protein ang kakainin ng iyong anak araw-araw. Kahit pa medyo pihikan ang iyong anak sa pagkain, mas may chance na makakakuha pa din siya ng kinakailangang nutrisyon kapag kumplento ang limang food groups sa kanyang plato.
- Hikayatin ang buong pamilya na kumain nang sabay-sabay para magkaroon ng bonding time. Gumamit din ng kubyertos dahil makakatulong ito upang matutunan ng iyong anak ang tamang asal sa hapag-kainan.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Normal lamang sa edad na ito ang maging pihikan sa pagkain. Pero kung napapansin mo na ang iyong anak ay underweight para sa kanyang edad (ang average na timbang ay nasa 10 hanggang 15 kilos), dalhin siya sa doctor.
Sabihin din sa doctor kung napapansin mo na mabagal ang development ng kanyang motor skill kaya mabagal o hirap siyang kumain ng mag-isa.
Wala mang compulsory vaccination ngayong buwan, mabuting itanong sa doctor kung kailangan ba ng iyong anak ng flu vaccine.
Huwag kalimutan na maglaan ng oras para sa iyong anak upang turuan siya ng mga bagay-bagay. Maaring tatlong taon at apat na buwan na siya ngayon, pero nangangailangan pa din siya ng iyong suporta at pag-aalaga tulad noong siya ay sanggol pa.
*Tandaan na ang mga development ng 41-buwan na bata na nailahad dito ay patnubay lamang. Hindi pare-pareho ang lahat ng bata. Kung ikaw ay nag-aalala sa kalagayan ng iyong anak, huwag mag-atubiling dalhin ito sa kaniyang pediatrician.
Source: Mayo Clinic
Images courtesy: Shutterstock
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Fei Marasigan
Previous month: 40 months
Next month: 42 months