2-taong gulang namatay sa diphtheria dahil hindi nabakunahan

undefined

Isang 2-taong gulang na bata ang namatay sa sakit na diphtheria dahil hindi napabakunahan ng mga magulang. Alamin kung bakit mahalaga ang diphtheria vaccine

Diphtheria vaccine, Hepatitis vaccines, Anti-measles, 5-in-1 booster shots, at marami pang iba. Ilan lamang ito sa mga bakuna na ibinibigay sa mga tao simula ipinanganak sila.

Hindi nakapagtataka na nang dahil sa dengvaxia controversy ay maraming magulang ang natatakot ngayong pabakunahan sa mga ospital at health centers ang kanilang mga anak.

May naging ganito mang kontrobersya, hindi pa rin maitatanggi ang papel na ginagampanan ng mga bakuna sa kalusugan ng mga tao, partikular ang mga bata.

Isang kaso ng hindi pagpapabakuna ang kumitil sa buhay ng isang bata matapos na dapuan ng sakit na Diphtheria, isang sakit na maaari sanang naiwasan kung napabakunahan ng maaga.

diphtheria vaccine

Namatay dahil hindi nabakunahan ng diphtheria vaccine

Isang 2-taong gulang na bata mula sa Malaysia ang binawian ng buhay sa sakit na diphtheria dahil sa hindi ito nabakunahan simula noong ipinanganak.

Ayon sa Health director-general na si Datuk Dr. Noor Hisham Abdullah, mahinang-mahina na ang bata nang isugod sa pediatric intensive care unit ng ospital. Nilalagnat, inuubo at namamaga ang mga tonsils ng bata.

Sa pagsusuri, lumabas na may sakit na diphtheria ang bata. Matapos lamang ng dalawang araw, binawian ng buhay ang bata.

“The child was given assisted breathing and antitoxin diphtheria treatment. Unfortunately, the child could not be saved and passed away owing to severe diphtheria with multi-organ failure,” saad sa statement ni Dr. Abdullah.

Ito ang unang record ng diphtheria case sa Malaysia sa taong ito. 18 kaso ang naitala ng kanilang Ministry of Health noong nakaraang taon, lima dito ay binawian ng buhay. Apat sa limang namatay ay mga batang edad 10 pababa na hindi nabakunahan.

“The ministry advises the public to always be alert for infectious diseases which are preventable through immunisation, such as diphtheria, measles, whoo­ping cough,” dagdag ni Dr. Abdullah.

diphtheria vaccine

Ano ang diphtheria

Ang diphtheria ay isang seryosong sakit na nakakaapekto sa mucous membranes ng lalamunan at ilong ng isang tao. Ito ay dulot ng bacteria na Corynebacterium diphtheriae na naglalabas ng mga toxins na sumasama sa bloodstream ng tao.

Ang sintomas ng diptheria ay nahahawig sa mga sintomas ng trangkaso at tonsilitis gaya ng lagnat, ubo, namamagang tonsils at sore throat.

Ang natatanging senyales na may diphtheria ang isang tao ay ang pagkakaroon nito ng makapal at kulay gray na coating sa dila, lalamunan, ilong at airway ng tao.

Sa ilang kaso, sinisira din ng toxins ang ilang organs gaya ng puso, utak at bato na nagbubunsod sa mga nakamamatay na komplikasyon gaya ng myocarditis (pamamaga ng puso), paralysis at kidney failure.

Nahahawa ang sakit na ito sa pamamagitan ng pakikisalo sa mga utensils na ginamit ng taong infected ng sakit at sa pagbahing o pag-ubo nila. Maaari itong maiwasan sa pamamagitan ng pagpapabakuna ng diphtheria vaccine.

Paano maiiwasan ang sakit na diphtheria

Naaagapan ang pagkakaroon ng diphtheria sa pamamagitan ng bakuna at antibiotics.

Ang bakuna para sa diphtheria ay tinatawag na DTP o DTaP. Kombinasyon ito ng gamot laban sa diphtheria, tetanus at pertussis. Ito ay ibinibigay sa mga bata sa limang serye ng pagbabakuna:

  • 2 buwang gulang
  • 4 buwang gulang
  • 6 buwang gulang
  • 15-18 buwang gulang
  • 4-6 na taong gulang

Ang bakuna ay tumatagal lamang ng 10 taon kaya kinakailangang pabakunahan muli ang mga bata sa edad na 12.

Sa mga matatanda, inirerekomenda ang isang beses na pagpapabakuna ng DTP booster shots. Kinakailangan din na magpabakuna nito kada 10 taon upang maiwasan ang pagkakaroon at hawahan ng diphtheria sa inyong pamilya sa kalaunan.

 

Source: Asia One, Mayo Clinic, Healthline

Images: Pinterest, Centers for Disease Control and Prevention

BASAHIN: Dapat bang matakot ang mga magulang sa pagpapabakuna?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!