Paano nga ba dapat disiplinahin ang iyong anak?

Share this article with other moms

Narito ang ilang mga solusyon para sa mga sumpong ng iyong toddler

Kapag 2 hanggang 3 taong gulang ang kausap, hindi pwedeng puro “Hindi pwede” o “Huwag!” lang. May paraan para mahuli ang kiliti at madisiplina ng walang away, at hindi ka pa kailangang magalit na lang palagi.

Ang toddler years ang edad na talaga namang susubukin ang pasensiya mo bilang isang magulang. Dito kasi sila nagsisimulang matutong maging independent, at ito ang idad na nakikilala na nila ang kanilang sarili at kung ano ang kaya nilang gawin. Ang mahirap nga lang ay hindi pa sila tuluyang nakakapagsabi ng kanilang nararamdaman at gusto, kaya’t madalas, nauuwi sa sigaw, iyak, at sumpong, o tantrums.

Ayon kay Teacher Deng Buluran, Child development specialist at direktor ng GaRTENS Learning Center sa Malolos, Bulacan, ang mga batang 2 hanggang 3 taong gulang ay nakakaintindi na, at isa sa mahalagang naiintindihan na nila ay ang bawat galaw nila at mahalaga, at may epekto sa iba.

“Nagiging assertive na sila, at kapag naisip nilang kaya nilang gawin, gagawin nila. Yun nga lang, hindi pa buo ang development ng self-control nila. Hindi pa sila rational thinkers,” paliwanag ni Teacher Deng.

Pero ang challenge sa mga magulang, ay kung paano matuturuan ang mga batang paslit ng tamang disiplina, nang hindi kailangang maubos ang pasensiya o tuluyang uminit ang ulo.

1. Ilagay mo ang sarili sa lugar ng iyong toddler

Bata ang kausap mo, kaya’t kailangang mag-isip ka na parang 2 taong gulang din. Hindi pa kasi niya naiintindihan ang maraming bagay na simple lang para sa ating mga matatanda na, tulad ng ano nga ba ang ibig sabihin ng “well-behaved”, o tamang pagsunod sa utos ni Nanay at Tatay. Kung ilalagay mo ang sarili mo sa lugar ng iyong anak, at mag-iisip ka kung paano siya mag-isip, mas matutulungan mo siya kung paano iwasan ang frustration at tantrum.

Kung sa tuwing pakakainin mo ng gulay ang iyong anak, at lagi siyang umiiyak o sumisigaw sa hapag kainan, pwede mong sabihing “Alam ko hindi mo gusto ang lasa nitong broccoli, kaya lang kailangan mong kainin para may sustansiya ang pagkain mo.”

Bigyan mo siya ng alternatibo o incentive: “Kung gusto mo, dadagdagan ko ng paborito mong sausage, pro kailangan mong isabay sa gulay.” Pinapahalagahan mo ang nararamdaman niya at ang iniisip niya, pero tinuturuan mo siya sa mga bagay na kailangang gawin o kailangan ng katawan.

May ibang magsasabi na “suhol” ito, pero para sa akin, hangga’t hindi naman nakakasama ang idadagdag o ibibigay mong alternatibo (sausage ay protina, imbis na candy o chocolate), walang masama dito.

Sa madaling salita, pinapakita mong nirerespeto mo ang pakiramdam ng iyong anak kahit maliit pa siya. Pero tinuturuan mo pa rin siya nang tamang pagkain at kung paano mabibigyan ng solusyon ang problema at sama ng loob niya.

2. Kalma lang

Minsan, nauunahan na tayo ng init ng ulo kapag nagsimula nang magsisigaw at mag-iiyak ang anak. Ang init ng ulo na ito ang kadalasang nakakapagpalala sa sitwasyon. Kalma lang, sabi nga. Huminga ng malalim at huwag kaagad-agad mag-react. Ang unang reaksiyon mo kasi ay ang paglabas ng iyong sama ng loob o galit, at maaaring walang kinalaman sa pagtatantrum ng iyong anak. Kaya’t wala itong maidudulot na mabuti.

Huwag mong ipakita ang iyong galit o inis, o frustration sa anak. Kapag kasi nakita niyang nagagalit ka na rin, nakikita niyang nakakakuha siya ng matinding reaksiyon mula sa ‘yo. At kung nangyari na dati na pinagbigyan mo siya dahil pagod ka na rin, gagawin at gagawin niya ulit [ang pag-iyak].

Minsan, kailangan mo ding huwag pansinin. Kahit na naglulupasay na siya sa sahig, huwag magpakita ng reaksiyon, galit man o ngiti. Kapag nakita ng bata na wala siyang makukuhang reaksiyon mula sa magulang, mapapagod at titigil din ito.

Ang siste kasi, kapag umiiyak at nagwawala siya kapag may gustong makuha, at ibinigay mo ito dahil nga ayaw mo siyang makitang umiiyak ng ganon, paulit-ulit na niyang gagamitin ang pagwawala para makuha ang gusto.

Sa mga estudyante kong toddler, hinahayaan ko munang ilabas nila ang iyak [kapag tantrum lang], pagkatapos ay kakalmahin ko. Hinahagod ko ang likod o niyayakap, at saka ko sinasabing, “Nailabas mo na ba ang galit mo? Tapos na ba ang pag-iyak? Pwede na ba tayong mag-usap para masabi mo sa akin kung ano ang gusto mo?” o kaya’y ipaliwanag ng simple at maikli lamang kung bakit nga ba hindi pwedeng makuha sa ngayon ang gusto niya.

Bigyan mo ng salita ang nararamdaman niya—isang bagay na hindi niya kasi kayang gawin pa: “Oo anak, naiintindihan kong gusto mo talaga ng laruan na iyon. Kaya nagagalit ka na hindi ito binili ni Nanay. Pero hindi tayo pumunta ng mall para bumili ng laruan, di ba? Nandito tayo kasi kailangan mo ng sapatos sa eskwelahan.”

3. Bigyan ng alternatibo

Kapag toddler ang kausap, ang tinatawag na redirection ang epektibong pamamaraan. Tanungin siya kung ano ang nararamdaman, bakit siya umiiyak (kahit alam mo na kung bakit), at ano ang pwedeng gawin para maibsan ang sama ng loob niya.

Maaari ding ibaling ang atensiyon sa ibang bagay, tulad ng isang laruan niya na paborito niya, o kaya’y isang bagay sa paligid na alam mong magiging interesado siya: “Oh, anak, nakita mo ba ‘yon? May palaruan pala duon, o. Gusto mo bang tingnan?” “Alam mo ba, pupunta mamaya sina Tita Angie dito para dalawin ka. Kasama niya si Danisse. Di ba gusto mong kalaro si Danisse?”

Maikli lang ang attention span ng mga toddlers, kaya’t gamitin itong estratehiya. Kapag ayaw niyang tumigil sa pagbato ng bola sa loob ng bahay kahit paulit ulit mo nang binabawalan, bigyan siya ng ibang laruan na alam mong magugustuhan niya at mapapaupo siya sa isang tabi: “Halika anak, kunin nating yung play dough mo. Igawa mo ko ng pizza o kaya donut” o kaya nama’y “Gusto mo bang magbasa ng libro? Halika, magbasa tayo.”

Hindi mo kailangang parusahan dahil may ginagawang hindi mo gusto o hindi tama. Bigyan ang anak ng alternatibo o ibaling sa mas produktibong gawain ang kaniyang atensiyon. Ito ang paraan ng paggabay sa kaniya para matutunan niya ang mas nakakatulong o mas positibong gawain.

4. Maging consistent

Sa Nursery o Preschool, nagiging posible ang pag-aalaga ng 1 adult sa bawat 4 o 5 bata, o 4 na adults sa 20 bata dahil may routine na naituturo at nasusunod ng mga bata. Kapag nagulo ang schedule o nakasanayan nang gawain ng mga bata, nagiging magulo sila at hindi na mapakali. Ang routine at kaayusan ang susi sa kooperasyon o pagsunod ng mga toddler.

Sabi ni Teacher Deng, nararamdaman ng mga bata na ligtas sila kapag alam nila kung ano ang susunod na gagawin o mangyayari.

Sa bahay, pwede pa ring gawin ang ganitong kaayusan. Gumawa ng schedule ng bata at sundin ito. Pareho ang oras ng paggising, pagkain, paglalaro, pagtulog sa hapon at sa gabi, pagpunta sa parke, at iba pa.

Ugaliin ang pagsasabi sa anak na oras na para kumain, o oras na para maglaro sa labas. Kung may maiiba sa araw araw na gawain, sabihin ito agad bago pa man ito mangyari: “Hindi tayo pupunta sa park mamayang hapon kasi dadating sina Lola at Lolo. Gusto mo kong tulungan maghanda ng meryenda?”

Kahit batang paslit pa lang siya, ipakita sa kaniya na mahalaga siya at nirerespeto mo ang oras niya. Dagdag pa dun, isinasama mo siya sa mga plano at desisyon.

Isang mahalagang isama sa usapang consistency ay ang pagpapatupad ng mga isinaad na rules sa bahay. Kapag sinabi mong “Hindi pwedeng manakit ng kapwa” o “Hindi ginagamit ang kamay sa panununtok o pananakit”, kailangan mo itong ulitin sa tuwing mananakit siya ng kapwa bata, o matanda. Kapag sinabi mo ding bawal ang laruan sa hapag kainan, sisiguraduhin mong hindi ka papayag kahit anong pagkakataon na magdala siya ng laruan sa mesa. Hindi pwedeng paiba-iba ng pamantayan o rules.

5. Iwasan ang mga sitwasyong nakaka-stress

Sa 2 o 3 taon na kilala mo na ang iyong toddler, alam mo na kung ano ang makakapagsimula ng tantrums niya. Alam mo na ang iyak niya kapag gutom, kapag nasaktan, kapag inaantok. May iba-iba kasing lebel at tono yan e. Kaya hangga’t maaari, yung mga alam mo na na dahilan ng pagwawala niya, ay iwasan nang mangyari.

Kung alam mong wala pang tulog ang bata, huwag mo nang ipasyal pa. O di kaya, maghanda ka na ng baong pagkain kung aalis kayo ng bahay. Kung wala kang planong ibili siya ng laruan sa pagpunta niyo ng mall, huwag mo nang idaan sa toy store o toy section.

Hindi mo din maaaring ipilit ang gusto mo. Kailangang bigyan ang anak ng kalayaang makapag-desisyon para sa sarili tungkol sa mga simpleng bagay, tulad ng gustong isuot papunta sa eskwelahan, o gustong baon na pagkain papunta sa parke.

photo: fotolia

6. Time-out muna

Epektibo ang time-out kung naipapaliwanag sa bata kung bakit nga ba siya pinaupo sa isang tabi at hindi muna pwedeng maglaro o makihalubilo sa iba. Ito ang ginagamit ng karamihan, pari sa mga ekswelahan dahil subok nang nakakatulong ito. Pero tandaan na para sa mga toddler, hindi pwedeng tatagal sa 2 minuto ang time-out. Kailangan ding kausapin bago tapusin ang time-out.

Pwede mo ring ibahin ang tawag: break muna o pumunta sa “thinking chair”. Maglagay ng isang lamesa at silya sa isang lugar sa bahay o kuwarto, at ipaliwanag na kung hindi pa siya handang makipag-usap o makipaglaro ng hindi nananakit, pwede muna siyang maupo sa “thinking chair” para mag-isip at kumalma. Kung mahilig siyang magwala o maglupasay, bean bag ang pwede, o maliit na kutson kung san pwede siyang maupo o mahiga muna, hanggang tumigil umiyak.

Gawing positibo ang pagpapapunta dito. “Time-out ka muna, dahil hindi ka pa handa. Umiiyak ka pa e. Mamaya na tayo mag-usap kapag hindi ka na umiiyak.” Madalas, bigla na lang titigil ng pag-iyak lalo na kung tantrum lang talaga. Napapaisip din kasi siya.

Ipaalam sa anak kung kailan hindi tama ang ginagawa, at ipadama din na masaya ka kapag may ginagawa siyang mabuti o nakakatulong. Gaganahan kasi ang bata na magpakitang gilas at magpakita ng magandang asal kapag nakikita at nararamdaman niyang natutuwa ang kaniyang mga magulang at iba pang nakatatanda.

7. Minsan, hindi naman masamang bumigay, o magbigay

Bilang magulang, may mga pamantayan kayo sa bahay na hindi pwedeng hindi tuparin, tulad ng oras ng pagtulog, pagkain, pagsisipilyo, paliligo. Hindi pwede kailanman ang manakit o mangagat. Pero minsan, may mga bagay na pwede mo nang palampasin, o pagbigyan. Ano nga ba ito?

Ikaw ang makakapagsabi kung kailangan pa bang pag-awayan ito, o pwede mo na munang palampasin. Pero huwag itong palampasin nang walang sapat na paalala o paliwanag. Kung ayaw niya talagang hubaring ang Superman costume niya, kahit saan kayo papunta, maaari mo namang pagbigyan. Pero kailangan mong ipaliwanag na lalabhan mo muna ito (lalo’t 2 araw na niyang suot o amoy pawis na), o di kaya’y hindi ito pwedeng isuot sa eskwelahan kasi may uniform. Subukan ding makipag-kompromiso.

Walang perpektong magulang, at walang perpektong anak. Yan ang kasiyahan ng pamilya, ng pagiging magulang. May mga araw na sadyang di mo malilimutan sa saya, o di mo malilimutan kahit may sumpong ang anak o wala ka rin sa mood, at may mga araw din na nakakapagod kahit iniisip mo pa lang.

Tandaan na sinusubok din talaga ng iyong anak ang lahat ng bagay, lalo na ang pasensiya ni Nanay at Tatay. Araw araw, habang lumalaki, marami silang natututunan at sinusubukang gawin, kaya’t nasu-sorpresa ang mga magulang.

Basta’t may gabay at kaagapay, mas mapapadali kahit papaano at maiibsan ang pagod at stress. Magbasa at makipag-usap palagi sa mga kapwa magulang at sa guro ng iyong anak kung pumapasok na siya sa Nursery.

Habang lumalaki, nade-develop na ang kakayahan ng mga batang makipag-usap at gumamit ng mga salita na makakatulong sa pagsasabi ng kanilang nararamdaman. ‘Di magtatagal ay mas makakaya na nilang maipaliwanag ang nararamdaman at magpapaalam na din sila sa mga tantrums.

sources: Taking Charge of Your Child ni Murray Kappelman, MD, The Whole-Brain Child nina Daniel Siegel, MD at Tina Payne Bryson, PhD

BASAHIN: Magandang asal: Dapat ba talagang ituro ito?

Discipline Discipline tips