Mga senyales na ikaw ay toxic parent sa iyong anak
Dahil ba strikto ka ay matatawag ka ng isang toxic parent?
Sa tingin mo ba ay masyado kang nagiging strikto sa iyong anak? Hindi naman kaya nagiging toxic parent ka na?
Effects of toxic parents
Ayon sa isang TED talk, limang bata sa USA ang namamatay araw-araw dahil hindi sila nakaranas ng pagmamahal mula sa kanilang magulang. Posible ba na hindi mo napaparamdam sa iyong anak na mahal mo siya? Mas concerned ka bang lumaki siyang tuwid ang mga prinsipyo? Kahit na ang kapalit nito ay maramdaman niyang wala kang pagkalinga sa kanya?
Ang childhood ng isang tao ay may malaking impact sa kanyang buhay. Kadalasan, ang mga taong malungkot ay may hindi magandang childhood experience. Dito rin kasi nahuhubog ang ugali at pagkatao ng isang tao.
1. Magiging overachiever ang bata
Dahil sa tingin niya ay matutuwa ka lamang sa kanya tuwing siya ay may nagagawang mabuti. Hindi niya maiiwasan na maging masyadong goal-driven. Wala namang masama na magkaroon ng malalaking goals pero kung ito na lang ang kanyang pagtutuonan ng pansin buong buhay niya, hindi rin ito makabubuti para sa kanya. Madali din siyang madi-discourage sa tuwing hindi niya ito maabot.
2. Mataas ang risk na magkaroon siya ng mental health problem
Dahil nga maaaring nasasaktan mo sila sa iyong pananalita, magiging at risk ang iyong anak sa mga mental health problems. Puwede siyang makaranas ng depression, anxiety at iba pa dahil sa hindi niya nararamdaman na siya ay mahal mo.
3. Hirap silang i-express ang kanilang nararamdaman
Dahil hindi narespeto ang kanilang boundaries, hirap silang sabihin kung ano ang kanilang nararamdaman. Iniisip kasi nila na baka mali ang kanilang masabi o may magalit sa kanila sa tuwing sila ay maglalabas ng saloobin. Dahil ang mga magulang na toxic ay hindi ine-encourage ang kanilang mga anak na magsalita. Hindi sila sanay na napapakinggan dahil para sa kanila, mas importante lang na sumunod at makinig palagi.
Signs that you’re a toxic parent
‘Wag mo nang hintayin na umabot pa sa ganito ang sitwasyon. Ikaw na bilang magulang ang magbago at mag-ayos ng sarili para sa kapakanan ng iyong anak. Paano mo nga ba matutukoy kung ikaw ay nagiging toxic parent na? Narito ang ilang signs at kung paano mo maiiwasan na magawa ito.
1. Mas iniisip mo ang iyong nararamdaman
Kung napapansin mo na mas mahalaga pa para sa iyo ang feelings mo kaysa sa iyong anak, dapat mo na itong itama. May mga panahon na mas importanteng intindihin mo sila kaysa maging tama ka. Kailangan mo bang palaging mapakinggan o gusto mo lang na umayos ang iyong anak? Palagi namang may tamang paraan para sa mga ito. Kaya dapat ay hanapin mo iyon.
2. Lahat ng bagay sa kanilang buhay ay kinokontrol mo
Bilang magulang, akala natin ay dapat lahat ng desisyon ng ating anak ay magmula sa atin. Pero mali ito. Bukod sa lalaki silang masyadong naka-depende sa iyo, hindi rin sila matututo dahil iisipin nilang may palagi silang matatakbuhan. Bukod dito, maaaring maramdaman din nila na sinasakal mo sila. Hayaan mong paminsan-minsan ay magdesisyon din sila para sa kanilang sarili.
3. Ginagamit mo ang pananakot para mapasunod sila
Madalas sa mga magulang na gumagawa nito ay iyong mga hindi mapasunod ang kanilang anak. Pero hindi rin naman sagot na palakihin mong takot na takot sa’yo ang iyong anak.
4. Umaabot ka na sa pananakit
Ito ang isa sa mga klarong senyales na toxic parent ka. Bukod kasi sa madalas mong takutin ang iyong anak at pagsabihan ng masasakit na salita, nananakit ka na rin. Mayroong mga magulang na talagang naniniwala na kasama sa pagdidisiplina ang pagpalo sa kanilang anak. Pero ang kailangan mong isipin ay naiintindihan ba nila kung bakit mo ito ginagawa? Naipapaliwanag mo ba kung bakit dapat silang mapagalitan? Dahil kung hindi ay balewala lang ito dahil hindi rin naman sila matututo sa kanilang nagawang mali.
Bilang magulang, responsibilidad mong iparamdam ang pagkalinga sa iyong anak. ‘Wag mo silang pabayaang lumaki na malayo sa iyo dahil mahihirapan ka ng kuhanin ang loob nila kapag sila ay lumaki.
SOURCE: Bustle, Ted Talk, Psychology Today
BASAHIN: 11 gawain ng mga toxic parent na dapat iwasan ng mga magulang