Bata nagkaka-seizure dahil diumano sa sobrang pag-gamit ng gadgets

lead image

Isang bata ang nagkaroon ng focal seizure. Ang dahilan? Diumano epekto ng cellphone at iba pang gadgets. Ano nga ba ang focal seizure? Alamin dito.

Isang bata ang diumano nagkaroon ng focal seizure dahil sa labis na pag-gamit ng gadgets. Ano nga ba ang nagiging epekto ng cellphone at iba pang devices sa ating mga chikiting?

Seizures

Lubos na nakakabahala ang video post ni Edgar Lising na pinapakita ang kaniyang 6-taon gulang na anak na si John Nathan na nagkakaroon ng seizure o ang biglaang pangingisay na tila parang may epilepsy. Makikita na matapos kumurap-kurap at tumirik ang mata ng bata ay aksidenteng naka-ihi ito sa kama.

Agad na dinala ng pamilya ang bata sa Nueva Ecija Doctors Hospital upang mapatignan. Sumailalim ang bata sa CT scan at electroencephalogram (EEG). Kahit naging normal ang resulta ng mga tests na ito, patuloy pa rin ang pagkakaroon ng seizures ng bata.

Nang tanungin nila Daddy Edgar ang duktor kung posible bang epekto ng seizures ang labis na pag-gamit ng gadgets, sinabihan daw sila na mainam na huwag munang bigyan ng screen time si John Nathan. Maaari raw kasing ang ilaw mula sa gadgets ang nagiging sanhi ng seizures.

Dalawang araw inobserbahan si John Nathan bago ito naiuwi ng kaniyang mga magulang. Pag-uwi sa kanilang bahay, patuloy pa rin ang pagkakaroon ng seizures ni John Nathan every 15-20 na minuto.

Hindi ito ang unang kaso ng pagkakaroon ng seizure ng bata dahil sa epekto ng cellphone at iba pang gadgets. Noong nakaraang taon, may isang nanay rin ang nagsabing nagkaroon ng focal seizure ang anak dahil sa sobrang screen time. Basahin ang kaniyang storya rito.

Ano nga ba ang focal seizure?

Ang focal seizure ay ang biglaan at hindi mapigilan na "electrical disturbance" sa utak. Nagiging sanhi ito ng pagbabago sa ugali, pag-galaw, pakiramdam o malay. Ang karaniwang nagiging dahilan nito ay ang mataas na lagnat, kulang sa tulog, low blood sodium, reaksiyon sa mga gamot, head trauma, stroke, brain tumor, ilegal na droga, at pagkalulong sa alkohol.

May dalawang klase ng focal seizure—ang focal seizures with impaired awareness (walang malay habang may seizure) at ang focal seizures without loss of consciousness (gising pero hindi kontrolado ang pag-galaw habang may seizure).

Ang sintomas na kailangang tignan sa inyong anak:

  • temporary na pagkalito
  • pagkatulala
  • hindi mapigilang pag galaw ng kamay at paa
  • pagkawala ng malay
  • labis na pagbabago sa ugali o pag-intindi

Kailan dapat pumunta sa duktor:

  • kapag tumagal ng mahigit sa limang minuto ang seizure
  • kapag hindi bumalik sa normal ang paghinga o ang malay
  • kapag nasundan agad ng isa pang seizure
  • kapag may mataas na lagnat
  • kapag nakakaranas ng pagkabalisa dahil sa init
  • kapag buntis
  • kapag may diabetes
  • kapag nagkaroon ng injury habang nag-seizure

SOURCE: Mayo Clinic