Pag-inom ng kape, hindi mabuti para sa mga nagbubuntis

lead image

Ayon sa isang pag-aaral, masama daw ang epekto ng kape sa buntis dahil ito raw ay posibleng pigilan ang paglaki ng mga sanggol.

Para sa maraming Pilipino, bahagi na ng kanilang umaga ang pag-inom ng kape. At kahit ang mga nagbubuntis na ina ay mahilig rin uminom ng kape na pampagising sa umaga. Ngunit, ano ba talaga ang epekto ng kape sa buntis?

Epekto ng kape sa buntis, ano nga ba?

Dati ay inirekomenda ng mga doktor na okay lang uminom ng kape ang mga ina basta't konti lang. Ngunit ayon sa isang bagong pag-aaral, mas mainam daw na hindi na lang uminom ng kape ang mga nagdadalang-tao.

Ito ay dahil mas mataas daw ang posibilidad na magkaroon ng maliliit na sanggol ang mga inang umiinom ng caffeine habang nagbubuntis. 

Natagpuan ng mga researchers mula sa Dublin, Ireland na napipigilan daw ng caffeine ang pagdaloy ng dugo sa placenta. Mahalaga ang mabuting blood flow mula sa placenta dahil ito ay nakakatulong sa paglaki ng sanggol. 

Sa bawat 100mg ng caffeine na naiinom ng ina sa unang 3 buwan ng pagbubuntis, bumababa ng 0.5 lbs (72g) ang timbang ng sanggol. Dagdag pa nila, ang mga inang madalas raw uminom ng caffeine ay mayroong pinakamaliliit na sanggol kumpara sa mga inang hindi umiinom ng caffeine.

Hindi mabuti ang caffeine sa nagbubuntis

Bukod sa epekto ng kape sa buntis tulad ng mababang birth weight, marami pang masamang epekto ang caffeine sa mga nagbubuntis.

Noong 2008, may isinagawang pag-aaral sa 1,063 na babaeng nagbubuntis at natagpuan ng mga researcher na ang mga inang umiinom ng 200g ng caffeine kada araw ay mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng miscarriage. 

May isa pang pag-aaral na nagsabi na ang pag-inom ng caffeine sa pagbubuntis ay nagiging sanhi ng childhood obesity sa mga sanggol. 

Inirerekomenda ng mga doktor na hangga't maaari ay huwag uminom o kumain ng mga inumin at pagkain na may caffeine ang mga ina. Kabilang na dito ang kape, tsaa, pati na ang mga chocolate.

Ano ang mas magandang alternatibo?

Hindi madali sa ibang mga ina ang tumigil sa pag-inom ng kape. Lalo na kung nasanay na silang inumin ito araw-araw. Pero dahil mahalaga ang kalusugan ng kanilang sanggol, mahalagang umiwas sa kape at sa caffeine habang nagbubuntis.

Kaya't heto ang ilang mga alternatibo sa kape na walang kahit anong caffeine:

  • Herbal tea. Ang regular na green tea ay mayroon pa ring kaunting caffeine. Kaya't sa halip na uminom ng green tea or black tea, mas mabuting uminom ng herbal tea na kadalasan ay walang caffeine.
  • Mainit na tubig. Puwede ring dagdagan ng kaunting fruit juice ang mainit na tubig at puwede na itong gamitin na substitute sa kape tuwing umaga.
  • Salabat. Maganda ring uminom ng salabat sa halip na kape dahil bukod sa ito ay refreshing, nakakatulong din ito para palakasin ang katawan at umiwas sa impeksyon.
  • Dried fruit. Kung kailangan mo ng energy boost na madalas nakukuha sa caffeine, puwedeng gamitin na substitute dito ang dried fruit. Siguraduhin na kaunti lang ang kakaining prutas dahil hindi rin mabuti ang sobrang sugar sa katawan.
  • Ibang snacks. Ang mga pagkain tulad ng granola, trail mix, at fresh fruits ay maganda ring kainin para pampagising at maging sanhi ng energy boost.

 

Source: Daily Mail

Basahin: Breastfeeding and coffee: Is caffeine intake safe for nursing moms?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!