Ano ang epekto ng ubo at sipon sa buntis at sa dinadalang sanggol?
Ano ang epekto ng ubo at sipon sa buntis at sa dinadala nitong sanggol? Alamin ang epekto ng mga sakit na ito at kung paano ito malulunasan.
Isa laging pangamba ng mga moms-to-be: Ano ang epekto ng ubo at sipon sa buntis at sa baby?
Kapag nagbubuntis, lahat ng ng nangyayari kay mommy, ay nangyayari sa kaniyang baby. Lahat ng nararamdaman ni mommy, ay nararamdaman din ni baby. Kaya naman ang pag-gamot ng mga sakit na ito ay kailangang pag-ingatan at pag-isipang mabuti.
Humihina ang immune system kapag buntis, kaya naman madaling mahawa sa mga virus na naglipana, paliwanag ni Dr. Jerry Villarante, MD, pathologist mula sa University of Santo Tomas College of Medicine, at doktor sa Pasig City General Hospital at Marikina Doctors Hospital.
Ang ubo at sipon ay mga viral conditions na madalas ay dumadapo sa mga nagbubuntis, lalo kapag panahon ng tag-ulan o taglamig.
Masama ba ang epekto ng ubo at sipon sa buntis at para sa baby?
Ang ordinaryong sipon at ubo, at mga sintomas nito, ay walang masamang epekto ng ubo at sipon sa buntis at sa sanggol sa sinapupunan. Ang pinakamalubha na sigurong mararamdaman ay ang pagod at sakit ng nagbubuntis na ina.
Hindi nakakaapekto sa bata ang pag-ubo basta’t siya ay napoprotektahan ng amniotic fluid. Hangga’t hindi umabot sa komplikasyon ay malubhang impeksiyon, walang panganib sa bata.
Kaya naman mahalagang maagapan ang pag-alala at komplikasyon hangga’t maaga, payo ni Dr. Villarante.
Epekto ng ubo at sipon sa buntis at sa dinadalang sanggol
Tandaan na ang ubo at sipon, ay makakapagpahina sa katawan at sistema ng isang nagdadalan-tao. Kailangan lang maiwasang maapektuhan ang nutrisyon niya, o ang gana sa pagkain dahil ito ang makakaapekto sa batang dinadala.
Kaya’t ang susi ay ang masinsing pag-aalaga sa pakiramdam ng ina, para hindi siya ma-distress at huwag hayaang tumagal ang anumang sintomas ng hindi binibigyan ng atensiyon at pag-gamot.
Ang katawan ni mommy ay natural na handang protektahan ang baby sa sinapupunan.
Ang simpleng pagbahing ay hindi makakasama kay baby. Pero ang pagbahing na ito ay maaaring sintomas ng ibang sakit o kondsiyon, tulad ng hika at flu o trangkaso, na dapat magamot kaagad.
Kapag may trangkaso si mommy, mayro’n ding trangkaso si baby. Kapag hirap huminga si mommy, hirap ding huminga si baby at hindi rin siya nakakalanghap ng oxygen. Ito ang makakaapekto ng masama sa bata. Ikunsulta kaagad ito sa iyong doktor.
Kapag bumabahing, maaaring makaramdam ng matinding sakit sa tiyan si mommy. Masakit ito, pero hindi mapanganib. Dahil ito sa mga litid na nababatak habang lumalaki ang uterus at tiyan ni mommy.
Kapag bumahing o umubo, may mararamdamang pressure si mommy, pero wala itong masamang epekto sa baby.
Bagamat hindi naman nakakasama ang epekto ng ubo at sipon sa buntis at sa sanggol na dinadala, mas mabuti pa ring mag-ingat at alamin kung ano ang puwedeng gawin para hindi lumala at para mabawasan ang perwisyong dulot ng sakit.
Ang mataas na lagnat at malalang impeksiyon ay makakaapekto ng masama sa sanggol, kaya’t ito ang mga sintomas na dapat bigyan kaagad ng pansin.
Mga kailangan tandaan tungkol sa epekto ng ubo at sipon sa buntis
Kumunsulta sa doktor o OB GYN kung ikaw ay buntis at nakakaramdam ng hindi mabuti sa katawan dahil sila ang makakaalam ng nararapat na gamot sa ubo at sipon ng buntis. Kailangan kasi ng physical check-up para siguradong ligtas ang mag-ina.
Mahalagang sabihin sa doktor ang mga sintomas tulad ng pagkawalang gana kumain, o hindi makatulog, o ang hindi paggaling lagpas sa isang linggo, pati na ang animoy paglala pa ng nararamdamang sakit. Pumunta kaagad sa doktor kapag umabot ng 38.8°C o higit pa ang lagnat.
Kung may nakitang dilaw o berdeng mucus o plema sa pag-ubo, o may kasamang pananakit ng dibidib at “wheezing” ang pag-ubo (na parang hinihika), ikunsulta din kaagad sa doktor.
SOURCES:
Jerry Villarante, MD, Department of Health, Mayo Clinic, WebMD
Basahin:
Mga ligtas na gamot sa ubo at sipon ng buntis
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.