Feeding Schedule para kay baby

Narito ang buwanang gabay para sa tamang pagpapakain sa iyong sanggol

Masaya si Nanay, kung masaya si baby; at masaya si baby kung busog at masustansiya ang kinakain nito sa kaniyang paglaki, lalo na sa unang taon nito. Alam natin na ang gatas ng ina ang pinaka-importanteng pagkain ng isang sanggol sa unang 12 buwan. Pero hindi alam ng lahat kung kailan dapat magsimulang pakainin si baby ng solids o iba pang pagkain.

Makakatulong kung mayroong feeding schedule at menu si baby sa bawat buwan patungo sa kaniyang unang kaarawan.

Unang buwan

Gatas ng ina ang pinakamahalagang pagkain ng iyong bagong panganak. Hindi kailangan ng tubig o kahit anong pagkain. Ang colostrum na lumalabas na kasama ng gatas ni nanay ay ang kailangan para sa pagiging maayos ng digestive tract ni baby. Ito ang nagbibigay proteksiyon laban sa mga impeksiyon at sakit. Planuhing mabuti ang pagpapasuso at ang mga alternatibong gatas (formula o mula sa milk bank) kung sakaling hirap magka-gatas si Nanay. Ang pagpapasuso sa gabi, lalo na ay sadyang mahalaga din.

Ikalawang buwan

Katulad din ng sa unang buwan, gatas pa din ang tanging pagkain ng sanggol. Hindi pa handa ang tiyan ng bata para sa kahit anong pagkain. Si Nanay ang kailangang kumain ng sapat at masustansiya, lalo na ang mga pagkain na nakakatulong sa pagpapadami ng gatas para sa breastfeeding.

Ikatlong buwan

Kung babalik na si Nanay sa trabaho, dapat nang magsimulang mag-express o gumamit ng breast pump para may sapat na gatas pa rin kahit wala si Nanay sa bahay o sa piling ng sanggol. Sa panahong ito, may regular intervals na ang pagkain ni baby.

photo: dreamstime

Ika-apat na buwan

Kunsultahin ang inyong doktor kung maaaring subukan ang mixed feeding o pagsasalitan ng gatas ng ina at alternatibong gatas. Obserbahan ang gusto o ayaw ng anak. Iwasan ang pagsusubok ng bagong pagkain (liquid) kung bagong bakuna o kung may napapansing allergic reaction si baby.

Ika-limang buwan

Ang gatas ng ina pa rin ang pangunahing pagkain ni baby. Magtanong sa pediatrician tungkol sa mga mapapayong pagkain para sa anak. Maaaring subukang magpatikim ng puree o iba’t-ibang flavor ng juice, ngunit siguraduhing may payo ng doktor.

Ika-anim na buwan

Handa na ang gastrointestinal tract ni baby, kaya’t kaya na nitong makatunaw ng ibang pagkain, hindi lang gatas ni Nanay. Ayon sa mga doktor, ang isang hudyat na handa na ang sanggol sa pagkain ng solids ay kapag dumoble na ang timbang mula sa kaniyang timbang pagkapanganak, nakakaupo na siya mag-isa nang walang suporta, binubuka ang bibig kapag may nakikitang kutsara o pagkain na papalapit, at hindi na tinutulak ng dila ang pagkain na isinusubo sa kaniya.

Patuloy pa din ang pagpapasuso, pero puwede nang magpasubok ng mga malambot na masustansiyang pagkain tulad ng pureed na saging, mansanas, o peaches, at patatas, squash, sweet potatoes (mashed). Bawat bagong pagkain ay dapat ipasubok ng paunti-unti, 10 araw pagkatapos ng huling pagkaing pinasubok. Ihanda na ang sariling feeding bowl at kubyertos ni baby, pati na ang bib para sa masayang pagpapakain. Paupuin siya sa upuang pang-sanggol o Bumbo seat habang pinapakain.

Paano ipapakain at gaano kadami?

Simulan sa 1 teaspoon na pureed food o cereal. Ihalo ang 4 hanggang 5 teaspoon ng gatas ng ina sa cereal. Unti-unting dagdagan ng 1 tablespoon ng pureed food, o 1 tablespoon ng cereal na may gatas ng ina o formula milk.

Ika-pitong buwan

Patuloy na magpasubok ng mga bagong pagkain, tulad ng porridge o lugaw at oarmeal na may gatas. Maaari na ring magbigay ng kaunting giniling na karne na pinakuluan. Subukang pakainin ng semi-liquid, iron-fortified cereal, at kaunting unsweetened yogurt. Huwag papainumin ng gatas ng baka o kalabaw. Huwag iwawaksi ang breastfeeding, kahit 2 hanggang 3 beses lamang sa isang araw. Handa na si baby sa sippy cup o basong pambata na may hawakan at maaari niyang sipsipin.

Ika-walong buwan

Bigyan si baby ng sopas at lugaw, at ilang prutas at gulay na malambot at maaaring i-mash, tulad ng saging, pears, applesauce, peaches, at avocado, at pureed (lutong) carrots, squash, at sweet potato, pati pureed na karne ng manok, baka at baboy. Unti-unting dagdagan ang karneng ibinibigay. Maaari ding pakainin ng tofu, at unsweetened yogurt. Bigyan din si baby ng Iron-fortified cereal tulad ng oats at barley.

Handa na si baby sa pag-upo sa high chair? Magpasuso sa umaga at gabi lamang, upang hindi tuluyang mawalan ng gatas. Handa na rin si baby sa finger foods o pagkain napupulot niya ng gamit ang daliri at naisusubo ng mag-isa.

Simulan sa 1 teaspoon hanggang 2 o 3 tablespoons sa bawat apat na pagpapakain. kapag cereal, bigyan ng 3 hanggang 9 tablespoons sa bawat 2 o 3 pagpapakain.

photo: Pixabay

Ika-siyam na buwan

Subukan nang magpakilala ng isda (pinakuluan o niluto sa oven). Siguraduhin lang na nahimay nang mabuti ang isda at wala na itong tinik. Bigyan si baby ng sariling kutsara o tinidor, at hayaan siyang kumain mag-isa, kahit pa makalat. Hindi na gatas ng ina ang pangunahing pagkain ni baby, ngunit hindi pa rin dapat itigil ang pagpapasuso. Sanayin na rin siyang uminom nang mag-isa mula sa basong pambata, nang may paggabay.

Ika-sampung buwan

Maaari nang magbigay ng mga noodles, cottage cheese, at pudding. Patuloy na hayaan siyang kumain mag-isa gamit ang kutsara. Marunong na siyang magturo o umabot ng pagkain kapag siya ay gutom, kaya’t obserbahan siyang mabuti lalo na kapag malapit na ang oras ng pagkain.

Kaya na ni baby ang:

  • 1/4 hanggang 1/3 cup ng dairy (o 1/2 ounce cheese)
  • 1/4 hanggang 1/2 cup ng iron-fortified cereal
  • 3/4 hanggang 1 cup na prutas
  • 3/4 hanggang 1 cup gulay
  • 3 hanggang 4 tablespoons ng pagkaing sagana sa protina

Ika-11 buwan

Dito na ipakilala si baby sa mga iba’t ibang prutas at gulay, grains, gatas, at tinapay. Hindi pa rin niya kayang kainin lahat ng kinakain ni Nanay at Tatay, kaya’t huwag muna itong pag-eksperimentuhan.

Ang mga pwedeng ipakain ay:

  • Soft pasteurized cheese, yogurt, cottage cheese
  • Prutas na mashed o hiniwa ng cubes o strips
  • Maliliit na hiwa ng gulay na pinakuluan at malambot na (peas, carrots)
  • Combo food tulad ng macaroni at cheese, casseroles
  • Pagkaing mayaman sa protina (karne, poultry, boneless fish, tofu, at well-cooked beans)
  • Finger foods (cereal, maliliit na hiwa ng scrambled eggs, patatas, pasta (fusili o elbow macaroni) biskwit, tinapay (malambot)
  • Iron-fortified cereals (barley, wheat, oats, mixed cereals)

Kaya na ni baby ang:

  • 1/3 cup dairy (o 1/2 ounce cheese)
  • 1/4 hanggang 1/2 cup iron-fortified cereal
  • 3/4 hanggang 1 cup prutas
  • 3/4 hanggang 1 cup gulay
  • 1/8 hanggang 1/4 cup combo food
  • 3 hanggang 4 tablespoons pagkaing mayaman sa protina

Ika-12 buwan

Kaarawan na ng iyong anak, at iba’t ibang pagkain na rin ang kaya niyang tunawin o kainin. Hindi pa rin siya tuluyang katulad ng mga nakatatanda pagdating sa pagkain, pero patuloy lang na magpakilala ng iba’t ibang masustansiyang pagkain tulad na rin ng couscous, oatmeal, mashed squash at patatas.

Full, balanced at masustansiya ang dapat na kinakain, kaya’t siguraduhing may maibibigay na pagkain na hitik sa bitamina. Mapapahiwatig na ni baby na busog na siya sa pamamagitan ng pag-iling, pagsara ng bibig o pagtulak ng pinggan niya o bowl.

Ayon sa American Academy of Pediatrics, kailangan ng isang bata ng 40 calories bawat araw, sa bawat inch o pulgada ng kaniyang tangkad.

Ano ang pwedeng ipakain?

  • Whole milk
  • Iba pang produktong dairy (soft pasteurized cheese, full-fat yogurt at cottage cheese)
  • Iron-fortified cereals (oats, barley, wheat, mixed cereals)
  • Iba pang grains (whole wheat bread, pasta, kanin)
  • Prutas (melon, papaya, apricot, grapefruit)
  • Gulay (broccoli at cauliflower "trees," pinakuluan o blanched)
  • Protina (itlog, beans, kaunting peanut butter, maliit na piraso ng karne, manok o poultry, isdang inalisan ng tinik, tofu
  • Juice (100 percent juice, citrus at non-citrus)
  • Honey

Kaya na ni baby ang:

  • 1 hanggang 1 1/2 cups ng gatas, o 1 cup yogurt, o 1 to 1 1/2 ounces cheese
  • 3 ounces grains (1 ounce = 1 cup cold cereal, 1/2 cup pasta or rice, one slice of bread)
  • 1 cup prutas (sariwa, frozen, o delata. Hiwain ang mga pritas ng malilit na piraso.)
  • 100 pporsiyentong fruit juice (4 hanggang 6 ounces bawat araw)
  • 1 cup gulay (maliliit na piraso at lutong luto)
  • 2 ounces protina (1 ounce = isang hiwa ng sandwich meat, 1/3 ng chicken breast, 1/4 lata ng tuna, 1/4 cup ng lutong dry beans, at isang itlog)

Siguraduhing ipapaalam at magtanong sa pediatrician tungkol sa food allergies at sa mga pagkaing sagana sa mga bitamina.

sources: The Pediatrician's Guide to Feeding Babies and Toddlers: Practical Answers To Your Questions on Nutrition, Starting Solids, Allergies, Picky Eating, and More (For Parents, By Parents), Switching to solid foods. American Academy of PediatricsWorking together: breastfeeding and solid foods. American Academy of Pediatrics.

BASAHIN: Tips and tricks para mapahaba ang buhay ng gatas ni Nanay