Fetal distress at oxygen deprivation sa baby, ano ang pwedeng gawin upang ito ay maiwasan?
Baby na nasawi dahil sa fetal distress
Isang ina ang nagbahagi ng kaniyang karanasan sa theAsianparent community. Ito ay upang magbigay payo at paalaala sa mga ina na sa ngayon ay nagdadalang-tao.
Ayon sa 42-anyos na inang si Mechille Ebilane na mula Zambales, hindi niya akalain na sa pangalawang pagkakataon ay mawawalan ulit siya ng anak. Ang nakakalungkot maaga itong binawi sa kanila dahil sa komplikasyong dala ng kaniyang pagbubuntis.
Kuwento ni Mommy Mechille, December 28 sana ngayong taon ang expected due date ng pang-apat niyang anak na si Baby James Andrew. Ngunit nitong December 10 ay kinailangan niyang maagang ipanganak ito via emergency cesarean delivery. Ang rason? Nakaranas ito ng fetal distress at oxygen deprivation sa baby habang nasa kaniyang sinapupunan
”Fetal distress sabi ng ob ko nasisikipan na daw c baby sa tyan ko, un pla sobrang laki nia 8.8 pounds. Kaya pla bago kami mag 37 weeks hirap na hirap na ko humiga umupo.dahil halos hindi na ko makahinga sa sobrang sikip ng tyan ko.”
“May time na halos nakaliyad n ako pag nakaupo kc nga po pag kakain ako konti lng nakakain ko dahil feeling ko busog ako. Yun pla wala na mapaglagyan sa mga kinakain ko dahil sikip na ang aking tyan.”
Ito ang pagkukuwento ni Mommy Mechille sa kaniyang pinagdaanan.
Dahilan ng sobrang paglaki ng baby
Ayon pa kay Mommy Mechille, hindi niya rin alam kung bakit lumaki ng 8.8 pounds ang kaniyang baby. Lalo pa’t pinag-diet na siya ng doctor noong siya ay 4 months palang na buntis.
“Hndi ko alam bakit naging malaki si baby. Actually pinag-diet ako nung 4mos pa lang ako kc na-detect na mataas ang sugar ko.”
“Lahat ng bawal ginawa ko rice sweets foods juices kahit fruits na matatamis pinagbawal. Hindi ko alam what pa nagpalaki sa kanya kasi ang rice ko halos 5subo lang ako ok na ako.”
Palatandaan na nakakakaranas na ng fetal distress si baby
Hindi nga din daw napansin noon ni Mommy Mechille na nakakaranas na ng fetal distress at oxygen deprivation sa baby ang sanggol sa kaniyang tiyan. Dahil monthly naman daw siyang nagpapa-ultrasound at regular na nagpapacheckup.
“Nagpa ultrasound ako halos buwan-buwan pero wala naman nakita kung malaki siya.laging sakto lang ang laki niya at tubig sa tiyan ko.”
Hanggang sa isang araw sa loob ng kaniyang ika-37th week ng pagbubuntis ay naramdaman niyang hindi na gumagalaw ang kaniyang baby.
“Eto po kc sa akin 4hours di siya gumalaw akala ko lang natutulog siya. Punta ako hospital 136 ang heart beat, tapos ok naman pla siya. Pagka-umaga nag check ulit ako bumaba ng 123. Hanggang sa naging 120-110.”
Ito pala ay palatandaan na nakakaranas na ng fetal distress at oxygen deprivation sa baby ang sanggol niyang dinadala.
Dahil sa nangyari ay may payo si Mommy Mechille sa ibang mga babaeng nagbubuntis.
“Sa mga mommy na nasa age 40 above, ingatan si baby dahil very risky na ang ating pagbubuntis. Ako ingat na ingat na ako pero di pa din siya nailigtas kahit na complete vitamins pa yan or kahit na araw araw ka pa magpa check-up. Ang importante ikaw na nanay alam na alm mo kung ano ang nangyayari sa tiyan mo. Pakiramdaman mo ang baby bawat galaw nia bilangin mo. Dapat alam mo din what oras ang routine ng galaw niya.”
Ano ang fetal distress at oxygen deprivation sa baby?
Ang fetal distress ay tinatawag din ng mga doktor na “nonreassuring fetal status”. Ito ang kondisyon sa pagbubuntis na kung saan nagkakaroon ng problema sa supply ng oxygen ang sanggol na nasa loob ng sinapupunan. Madalas itong nangyayari habang naglelabor ang isang babae. Ngunit maari rin itong mangyari sa 3rd trimester ng pagbubuntis.
Ang fetal distress at oxygen deprivation sa baby ay isang seryosong kondisyon, Dahil ito ay maaring magdulot ng decrease fetal heartrate sa sanggol na lubhang mapanganib.
Mas tumataas ang tiyansa ng isang sanggol na makaranas nito kapag nakakaranas ng sumusunod na kondisyon ang kaniyang ina:
- Intrauterine growth restriction
- Hydramnios o oligohydramnios
- Preeclampsia o eclampsia
- Gestational diabetes
- Multiple pregnancy
Samantala, ang fetal distress at oxygen deprivation sa baby ay maaring dulot rin ng mga sumusunod na factors:
- Maternal illness o sakit sa pagbubuntis
- Placental abruption o paghihiwalay ng inunan sa matris
- Umbilical cord compression o pagkakapulupot ng pusod ni baby
- Fetal infection
- Meconium staining o pagkakalunok ng sanggol ng meconium mula sa kaniyang unang dumi.
Maari namang nakakaranas na ng fetal distress o oxygen deprivation ang isang sanggol kung mapapansin o mararamdaman mo ang mga sumusunod na palatandaan:
- Decreased heart rate
- Pagbabago o mas madalang na paggalaw ni baby
- Mababa sa sampu ang pagsipa ni baby sa loob ng dalawang oras.
Mabuting sa oras na makaramdam ng pagbabago sa paggalaw ng iyong sanggol ay agad ng magtanong at komunsulta sa iyong doktor. Ito ay para masiguro niyang maayos ang kalagayan ng iyong sanggol. At upang mabigyan ka rin ng karapatang payo para maiwasang mauwi ito sa seryoso at nakakalungkot na sitwasyon.
Sources:
TheAsianparent Community, What To Expect
Photo: Pexels
Basahin: 8 Possible C-section injuries you should consult your OB-Gyne about
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!