#AskDok: May gamot ba para sa nakamamatay na dengue?
Alamin kung mayroon nga bang gamot sa dengue at ang mga paraan kung paano ito maiiwasan para makaiwas rin sa nakakatakot na komplikasyon nito.
Mayroon nga bang gamot sa dengue? Narito ang kasagutan at iba pang mahalagang impormasyon tungkol sa nakamamatay na sakit na ito.
Ang Dengue bilang nakamamatay na sakit
Isa sa mga kinatatakutang sakit ng mga magulang ay ang dengue. Ito ay dahil lubhang delikado ang sakit na ito lalo na sa mga bata. Nakakapagpahina ito ng kanilang katawan at kung hindi agad maagapan ay nakamamatay.
Kaya naman tanong ng maraming magulang – mayroon bang gamot sa dengue? Kumonsulta kami kay Dr. Janette Calzada, isang pediatric neurologist para malaman ang kasagutan sa tanong na ito at iba pang bagay na dapat malaman tungkol sa sakit na ito, sa isang webinar na ginawa namin sa theAsianparent Philippines Facebook page.
Ano ang dengue?
Ayon sa Center for Disease Control and Prevention (CDC), ang dengue fever ay isang sakit na nakukuha sa kagat ng lamok na Aedes species (Ae. aegypti or Ae. albopictus) na may taglay na virus.
Nagdudulot ito ng sakit na may pagkakatulad sa sintomas ng trangkaso o flu. Nagdadala ito ng mataas na lagnat at panghihina sa taong may sakit. Pwedeng banayad lang ang sintomas pero kapag hindi naagapan ay mabilis itong nagiging seryoso.
Sinisira ng virus na ito ang iyong blood vessels na nagiging dahilan para bumaba ang iyong platelet (ito ang isang bagay na karaniwang binabantayan sa dengue). Maaari itong magdulot ng shock, internal bleeding at pagkasira ng mga organ na siyang nakamamatay.
Ayon kay Dr. Calzada, ang dengue ay isang vector-borne disease o sakit na napapasa sa tao mula sa mga gumagalaw na carrier tulad ng lamok. At mas laganap ang mga ganitong sakit sa isang tropical na bansa gaya ng Pilipinas.
Sanhi ng dengue
Ang pangunahing sanhi ng sakit na dengue ay kapag nakagat ng lamot na Aedes species. Ito rin ang lamok na nagdudulot ng Zika virus at chikungunya.
Kadalasan, ang mga lamok na ito ay nangingitlog sa mga lugar kung saan mayroong marumi o nakaimbak na tubig gaya ng mga timba, paso o maging swimming pool. Mas gusto rin nilang kagatin ang tao at maaaring manirahan sa loob o labas ng bahay.
Wala ring pinipiling oras ang pangangagat ng mga lamok na ito. Umaga o gabi ay maaari kang mabiktima ng lamok na may dengue.
Nagkakaroon ng dengue virus ang isang lamok kapag nakakagat siya ng isang taong mayroon ring dengue, at maaari niyang ikalat ang virus sa ibang tao.
May ilang kaso rin na ang dengue virus ay naipapasa ng isang buntis sa sanggol sa kaniyang sinapupunan. Posible ring ang pagkalat ng dengue sa pamamagitan ng blood transfusion o transplant gamit ang maruruming karayom na mayroong dengue virus.
Sintomas ng dengue
Ayon kay Dr. Calzada, ang pangunahing senyales ng dengue lalo na sa mga bata ay ang pagkakaroon ng lagnat. Pagbabahagi niya,
“Fever talaga ‘yan 2 to 7 days. Kapag ang pasyente tatlong araw na naglalagnat, kailangan na magpatingin sa doctor. Hindi naman rin lahat ng lagnat is dengue.”
Ang mga sintomas ng dengue ay nagsisimula apat hanggang anim na araw matapos ang infection at tumatagal ng hanggang sampung araw. Ito ay ang sumusunod:
- Biglaang mataas na lagnat
- Sobrang sakit ng ulo
- Pananakit ng mga mata
- Matinding pananakit ng katawan
- Matinding pagod o pananamlay
- Pagsusuka o pagduduwal
- Skin rash na lumalabas dalawa hanggang limang araw matapos lagnatin
- Pagdurugo sa ilong o sa gums
- Pananakit ng tiyan
Paalala rin ni Dr. Calzada, dahil magkakaiba ang mga sintomas na lumalabas sa bawat tao, ang tanging paraan para makumpirma kung may dengue nga ang bata ay sa pamamagitan ng blood test. Pahayag niya,
“The only way to confirm it’s dengue or not is to get a blood test , to see if there is really a virus there in your body.”
Kaya naman kapag napansin na ang ganitong mga sintomas sa iyong anak, huwag nang magdalawang-isip at kumonsulta na agad sa kaniyang pediatrician.
Mayroon bang gamot sa dengue?
Ayon kay Dr. Calzada, wala talagang eksaktong gamot para sa dengue.
Ang kailangang gawin ay gamutin ang mga sintomas at bantayan nang maigi ang vital signs at ang katawan ng bata.
“So ang important talaga sa dengue, is stable talaga ‘yong vitals niya, well-hydrated siya kasi nga wala siyang gamot.” aniya.
Dagdag pa niya, maaari namang gamutin ang dengue sa loob ng bahay kung hindi naman matindi ang mga sintomas na ipinapakita ng bata. Subalit kung nahihirapan itong kumain at sumasakit ang tiyan, dapat ay dalhin agad siya sa doktor.
“Kaya naman natin ang dengue sa bahay lang ‘pag kumakain pero ‘pag nagc-ocomplain ayaw kumain, masakit tiyan importanteng dalhin sa hospital kasi kailangan nating bantayan ang bata baka lumala.” aniya.
Pagdidiin ng doktora, kailangang bantayan nang maigi ang lagnat ng bata lalo na kung dahil ito sa dengue. Dagdag pa ni doktora,
“Sinisigurado natin na naglalagnat ba siya, normal ang vital sign supportive talaga. Wala ka kasing maibibigay na cure sa dengue.
Kapag nawala kasi ‘yong lagnat, diyan bumababa ang platelet. Diyan na nagle-leak ng 3 to 4 days ‘yan tapos babalik na ulit ‘yong fluid sa mga ugat mo. So ‘pag mild lang ang dengue mo, makaka recover ka na niyan.”
Kung mayroong lagnat ang pasyente, pwede siyang painumin ng acetaminophen o mas kilala sa atin na paracetamol, para makontrol ang lagnat at mabawasan ang pananakit ng katawan. Tandaan, huwag na huwag iinom ng aspirin o ibuprofen.
Makakatulong din kung iinom siya ng maraming tubig o fluids para hindi ma-dehydrate.
Minsan, maliban sa gamot sa dengue, kinakailangan ang supportive care mula sa ospital lalo na ang blood transfusion sa oras na lumala na ito.
Vanilla ice cream, gamot sa dengue?
Isa rin sa nauusong pagkain na ibinibigay sa mga batang posibleng infected ng dengue ay ang vanilla ice cream. Ito ay pinaniniwalaang nakakapagpataas ng platelet count ng sinumang maaring infected ng sakit. Dahil ang vanilla ice cream mayaman sa vitamin K at calcium na nakakatulong umano sa blood generation.
Subalit, wala pang scientific evidence na susuporta sa ideya na ang vanilla ice cream ano mang type ng ice cream, ay gamot sa dengue.
Ang dengue fever ay viral infection at ang pinakamabisang paraan para makaligtas sa sakit na ito ay maibsan ang mga sintomas at maiwasan ang komplikasyon sa pamamagitan ng supportive care.
Kabilang sa mga supportive care na dapat gawin ay ang mga sumusunod:
- Hydration – Tiyakin na sapat ang iniinom na tubig upang maiwasan ang dehydration.
- Pain relief – makatutulong ang paracetamol para maibsan ang lagnat at pananakit ng katawan. Iwasan ang paggamit ng nonsteroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs) tulad ng ibuprofen at aspirin. Maaari kasi nitong pataasin ang risk ng bleeding.
- Sapat na pahinga – kailangan ito para maka-recover ang katawan ng pasyente mula sa panghihina.
- Monitoring – importante na regular na matingnan ang vital signs at platelet counts ng pasyente, lalo na kung malala ang kondisyon nito.
Maaari mang makatulong ang pagkain ng vanilla ice cream sa pagpapababa ng temperatura ng nilalagnat na pasyente, hindi pa rin ito dapat na ikonsidera bilang gamot sa dengue. Maituturing itong comfort food na makatutulong para ma-improve ang mood ng taong may sakit pero hindi nito magagamot ang underlying viral infection. Tandaan na makabubuting makinig at sumunod sa medical advice ng doktor para sa angkop na management ng dengue fever.
BASAHIN:
4 na sakit na nakukuha mula sa kagat ng lamok—bukod sa dengue
Pagkakaiba ng sintomas ng Dengue at COVID-19: Paraan upang maiiwasan ang mga sakit na ito
Parent’s Guide: 11 things you need to know about Chikungunya, a mosquito-borne disease
Paano makakaiwas sa dengue?
Salungat sa paniniwala ng iba, maari pa ring magkaroon ng dengue ang isang tao kahit nagkaroon na siya nito dati. At dahil sa wala pa ngang gamot sa dengue, mahalaga na protektahan natin ang ating sarili mula sa sakit na ito.
Kaya naman ayon kay Dr. Calzada, ang pinakamainam na paraan upang makaiwas sa sakit na ito ay ang umiwas na makagat ng lamok na maaring nagdadala ng virus nito.
“The best protection against mosquito borne diseases is to prevent bites by infected mosquitoes. We follow the four strategies as advised by DOH – Search and Destroy, seek early consultation, self protection and say yes to fogging.
Vaccination can prevent some mosquito borne diseases and talk to your doctor if you live or travel to places where mosquitoes borne diseases are found.” ani ng doktora.
Sa kasalukuyan, hindi pa available ang Dengue vaccine sa ating bansa. Subalit mayroon namang ibang paraan para maprotektahan ang buong pamilya laban sa nakamamatay na sakit na ito:
- Para masigurong walang lamok sa paligid, panatiliing malinis ang loob at labas ng iyong tahanan. Linisin ang mga lugar na maaring pamahayan ng lamok, at siguruhing walang nakaimbak na tubig sa labas.
- Gumamit ng mosquito repellents na may DEET. Para sa mga bata, may mga mosquito repellents na safe na safe gamitin sa kanilang balat.
- Lalo na kung maulan, magsuot ng damit na magbibigay ng proteksyon mula sa lamok gaya ng long-sleeves at pantalon.
- Siguraduhing walang butas ang mga screen ng bintana at pinto. Kung walang screens o hindi naka-air conditioned, gumamit ng kulambo.
- Regular ding palitan ang tubig sa inuman o paliguan ng mga alagang hayop.
Kung mayroong isang kapamilya ang nagkaroon ng dengue, mas maging vigilant sa pagprotekta sa iyong sarili. Dahil ang isang mosquito bite mula sa may sakit ng dengue ay maaring makakalat ng infection sa loob ng inyong bahay.
Bagamat may inirerekumendang gamot sa dengue, mas mabuting magpa-konsulta agad sa doktor sa oras na makaramdam ng sintomas ng dengue. Huwag basta maliitin ang mga sintomas na mararanasan lalo na ng mga bata. Dahil ang dengue kung hindi maagapan, ay maaring magdulot ng mga komplikasyon na nakakamatay. Kaya mag-doble ingat, lalo na tuwing tag-ulan kung kailan mas dumarami ang lamok. Ang insektong ito maaring magdala ng dengue at ikalat ang impeksyon sa inyong pamilya.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
- #AskDok: Nakakahawa ba ang sakit na dengue?
- 8 unang sintomas ng Dengue na dapat bantayan at paano makakaiwas sa sakit na ito
- Vic Sotto sa kahilingan ni Tali na magkaroon ng kapatid: "Ang problema parati namin siyang katabi matulog"
- Sylvia Sanchez nangangamba sa paglipat ni Ria Atayde: "Pag bahay mo, hindi dapat maging tambayan."