Gamot para sa kabag ni baby

lead image

Ang kabag ay isang kondisyon na hindi naman delikado, pero kailangang malaman kung paano mapapahupa ang anumang sakit na nararamdaman ng bata.

Ang kabag o colic ay madalas na nararamdaman ng mga babies hanggang 4 buwang gulang, pero nawawala din ito ng kusa paglagpas ng edad na ito. May gamot nga ba para sa kabag ng baby?

Makakatulong nang malaki kung maalam ang mga magulang at nag-aalaga sa bata sa mga iba’t ibang paraan ng pagpapatahan at tips para maibsan ang sakit.

Ano ang kabag?

Kung ang sanggol ay walang tigil ang pag-iyak, nang umaabot ng 3 oras, ng hanggang 3 beses sa isang linggo, nakasarado ang kamay, at parang nanggigigil, pulang pula at kumakawag, kabag o colic ang maaaring dahilan.

Bakit ba kinakabag ang bata? Dahil ba sa gatas o breastmilk? May mga nag-aalala na dahil ito sa kinakain ni mommy habang nagpapasuso. Ano nga ba ang totoo?

Sanhi ng kabag

Ang kabag o gastrointestinal colic ay walang definite cause, pero ito ay may kaugnayan sa labis na pagpasok ng hangin sa tiyan (aerophagia) o air accumulation sa tiyan sanhi ng imbalance sa gastrointestinal flora ng isang sanggol, paliwanag ni Dr. Regent Andre Piedad, MD. Ang gastrointestinal flora ay mga natural microorganisms sa tiyan ng sanggol sa mga unang buwan ng buhay nito.

“May mga pagsasaliksik na nagsasabing ito ay may kinalaman sa gatas, lalo na ang cow’s milk o lactose intolerance, kung saan ang cow's milk protein o lactose ay hindi kaagad natutunaw ng sanggol,” dagdag na paliwanag ni Dr. Piedad, “kaya nagkakaroon ng production ng excessive gas sa bituka.”

Ayon pa kay Dr. Piedad, maaaring sanhi din ito ng gastroesophageal reflux disease, kung saan ang mga natural mechanisms ng esophagus ng sanggol ay kulang sa kapasidad na harangin ang pagkain o fluids na bumalik pataas sa esophagus imbis na  manatili sa loob ng tiyan ng bata. Kaya nga pumapasok ang hangin sa tiyan kapag dumedede ito.

Hindi lahat ng baby ay kabagin o madalas nakakaranas ng kabag, at walang nakakaalam kung bakit ang iba ay mas prone sa kabag, at ang iba ay hindi naman kinakabag. May pag-aaral na nagsasabing ang mga nanay na nagsigarilyo habang buntis o pagkapanganak ay nakakaapekto sa pagiging colicky ng isang bata, ngunit nakakatulong ang pagpapasuso para mabawasan ang dalas ng kabag.

Ilang “soothing tips” kapag kinakabag si baby

Narito ang ilang epektibong puwedeng gawin kapag kinakabag si bunso.

1. Gumamit ng sound at motion para mapatahan si baby.

Lumakad-lakad habang karga ang bata, o kaya ay iduyan ito o ihele. Tandaan na ang anumang mahinang paggalaw ay nakakapagpatahan sa sanggol. Pwede ring ilagay siya sa stroller o duyan, at saka siya igalaw ng marahan. Ito at ang init ng yakap ni Mommy o Daddy ay makakapagpakalma sa kinakabag na bata hanggang makatulog siya.

May mga magulang na isinasakay ang bata sa kotse (sa car seat) at saka nagmamaneho kahit sa maikling distansiya lang. Ang tunog ng makina ng kotse at paggalaw nito ay milagrong nakakakapagpatulog sa bata.

May mga gumagamit din ng iba pang gamit sa bahay na may rhythm at tunog, tulad ng washing machine, electric fan, vacuum cleaner, at iba pang kagamitan na may “white noise” ay mahinang ingay.

Ang nasubukan kong pampakalma ay classical music na pambata.

2. Mag-isip ng mga paraan para hindi gaanong makapasok ang hangin sa bibig at tiyan ng sanggol.
May mga boteng dinesenyo para mabawasan ang hangin na pumapasok kabag dumedede ang bata, at mayron ding mga nipple o tsupon na may maliit na butas. Kargahin din siya ng paupo habang dumedede para hindi masyadong pumasok ang hangin. Huwag kalimutang padighayin ang bata pagkatapos dumede.

3. Kalmahin ang senses ni baby.

Sinasabing ang maliliwanag na ilaw o bright lights at upbeat na musika ay nakakapagpalala ng pag-iyak ng isang colicky baby. Subukang ihiga siya sa isang tahimik, malimlim na kuwarto, at ibalot siya sa kumot. Tapikin o hagudin ang likod ng marahan.

May mga pwedeng pag-aralan na baby massage, at gamit ang baby oil, epektibo itong pampakalma ng umiiyak na sanggol.

Makakatulong din ang warm compress o boteng may maligamgam na tubig, na ilalagay sa tiyan ng sanggol.

Subukang paliguan ang bata gamit ang maligamgam na tubig, o warm bath.

4. Magpahinga.

Ang totoo ay kasinghirap ng nararamdaman ng sanggol, ang hirap na dinadanas ng mga magulang na nag-aalaga sa isang sanggol na may kabag. Nakakapagod para sa  bata at sa mga magulang, kaya’t kailangan din ni Mommy at Daddy ng pahinga. Kung nakakaramdam na ng sobrang pagod, ipaalaga muna sa babysitter, o napapagkatiwalaang kapamilya ang bata, para makabawi muna ng lakas (at sanity).

Kumain ng paboritong pagkain, maglakad-lakad, umidlip, maghanap ng maaaring magpakalma sa sarili, bago harapin ulit ang umiiyak na sanggol. Kung walang ibang mag-aalaga sa sanggol, ibaba muna ito sa crib kahit sandaling sandali lang at huminga ng malalim, uminom ng tubig, o kumain ng kaunti, saka balikan ang bata. Siguraduhing ligtas ang bata at huwag mawala ng matagal.

5. May mga probiotics (tuald ng Lactobacillus reuteri) ang makakatulong sa mga sintomas ng kabag sa ibang sanggol, ayon kay Dr. Piedad. Itanong sa pedia kung ano ang mabuting probiotic na makakatulong bilang gamot sa kabag ng baby.

Mas mabuting ipatingin sa doktor ang sanggol lalo kung madalas ang kabag at pag-iyak nito, para makita kung may iba pang kondisyon na dapat gamutin, at para malaman kung ano ang dapat na paggamot sa sanggol.

Dalhin agad sa doktor kung ang sanggol ay:

  • May diarrhea, o kung may napansin na dugo sa dumi niya
  • Nagsusuka
  • Walang ganang kumain o hindi bumibigat ang timbang
  • May lagnat na 100.4 F pataas
  • Inaantok palagi o matamlay.

Anuman ang mangyari, huwag aalugin ang bata, at huwag na huwag sasaktan ito. Kung nakakaramdam na gusto nang manakit, tumawag sa asawa o kamag-anak, o tumawag ng ibang tao sa bahay. Kumunsulta sa doktor kung nakakaramdam ng stress at depresyon.

 

Basahin:

Tummy massage for colic and constipation

May Colic si baby: Mga dapat malaman ni mommy at daddy

Does your baby have colic? Here are 7 things to look out for