Lagnat ng buntis: Sanhi, sintomas, at gamot
Lagnat ang normal na pang-depensa ng katawan laban sa mga impeksiyon at pinsala sa sistema. Pero kapag nagdadalang-tao, hindi puwedeng uminom ng kung anong gamot lamang, dahil maaaring may panganib na dala ito para sa baby.
Alamin ang sanhi, sintomas, at gamot sa lagnat ng buntis.
Lagnat ang normal na pang-depensa ng katawan laban sa mga impeksiyon at pinsala sa sistema. Karaniwang walang dalang panganib, maliban na lang kung buntis, at tumagal na ang lagnat at di pa gumagaling.
Nakakabahala ito para sa mga sanggol, at sa mga nagbubuntis, dahil maaaring may dalang panganib sa batang nasa sinapupunan. Mataas kasi ang posibilidad na magkasakit kapag nagbubuntis dahil may hormonal imbalance at mahina ang immune system.
Talaan ng Nilalaman
May lagnat at buntis, dapat nga bang mag-alala?
Image by bearfotos on Freepik
Bago mag-panic, kumalma at kumonsulta sa doktor para malaman kung anong gamot sa lagnat ng buntis ang puwedeng inumin para hindi na tumaas pa ang lagnat.
Dapat ding malaman kung ano ang sanhi ng lagnat. Posible kasing sintomas ito ng mas malalang kondisyon o impeksiyon, paliwanag ni Nornelie Paniza, RN, na delikado para sa batang dinadala.
Kung may impeksyon o sakit, nagiging aktibo ang hypothalamus at sadyang pinatataas nito ang temperatura ng katawan, na siyang hudyat na may problema sa sistema.
“Pinaka-common na sanhi ay UTI o urinary tract infections at respiratory viruses,” dagdag ni nurse Nornelie.
Posible ring food poisoning ang sanhi, na dala ng virus o bacteria.
Ilang pang sanhi ng lagnat kapag buntis ay influenza, pneumonia, tonsillitis, viral gastroenteritis (stomach virus), at pyelonephritis (kidney infection), ayon kay nurse Nornelie.
Kasama ng lagnat, dapat obserbahan ang iba pang sintomas para masabi kaagad sa doktor:
- ‘di makahinga
- pananakit ng likod
- kombulsiyon
- abdominal pain
- pananakit ng leeg
Pwede bang uminom ng gamot sa lagnat ang buntis?
Dahil sa ang lagnat ay isa sa madalas na sakit na nararanasan ng marami, kasama na ang mga buntis, ay isang malaking tanong kung safe bang uminom ng gamot sa lagnat ang isang babaeng nagdadalang-tao. Ayon sa mga eksperto ay oo, pero nakadepende ito sa gamot na iinumin at sa dami ng iintake ng buntis.
Anong gamot sa lagnat ng buntis?
Ayon sa mga eksperto, pagdating sa gamot o medikasyon na safe inumin ng buntis para sa lagnat ay ang paracetamol. Bagamat paalala pa nila ang pag-inom nito ay dapat ikonsulta sa doktor. Ito ay upang mapaliwanagan ang buntis sa tamang dami o intake nito na kapag sumobra ay makakasama sa pagdadalang-tao.
Ilan sa sinasabing negatibong epekto ng paracetamol sa pagdadalang-tao ay ang sumusunod:
- Base sa isang pag-aaral, nakakaapekto sa balanse ng hormones sa uterus ang paracetamol. Ang pagkakaroon ng imbalance na ito ay nakakaapekto sa development ng mga sanggol habang nasa sinapupunan.
- Nakakaapekto rin ang pag-inom ng paracetamol sa fetal development ng ipinagbubuntis na sanggol.
- Ang paracetamol ay may long-lasting effects sa kalusugan ng isang bata.
- Maaari ring magdulot ng urogenital at reproductive effects sa sanggol ang paracetamol. Gaya halimbawa ng increased risk ng sanggol na ipinagbubuntis na makaranas ng genital malformations. Tulad ng maliit o makitid na pagitan sa butas ng puwet at ari ng sanggol.
- Ang paracetamol ay maaaring mag-cross o pumasok sa placenta at blood-brain barrier. Kaya naman maaaring makaapekto ang gamot sa brain development ng sanggol.
Image by gpointstudio on Freepik
Paracetamol lang ang ligtas na gamot sa lagnat ng buntis ayon sa mga eksperto
Pero kahit may nakaangbang panganib sa sanggol ang paracetamol parin ang most recommended na gamot para sa lagnat ng buntis. Dahil sa ito lang daw ang may mas less side effects sa pagdadalang-tao.
Ito ay kung ikukumpara sa ibang gamot sa lagnat tulad ng ibuprofen na may analgesic properties at isang anti-inflammatory drug na lubhang hindi makakabuti sa unang tatlong buwan ng pagdadalang-tao.
Ang paracetamol naman na may halong phenylephrine ay hindi rin inirerekumenda sa buntis. Dahil sa ang phenylephrine iniibsan ang nasal congestion sa pamamagitan ng pagpapakitid ng blood vessel sa nasal passages.
Ganoon din sa blood vessels sa uterus ng buntis na maaaring makakaapekto sa blood flow papunta sa fetus at mapigilan itong makakuha ng sapat na oxygen na kailangan ng baby.
Masamang epekto ng lagnat sa buntis
Panigurado ay may mga buntis na sasabihing hahayaan nalang na kusang bumaba ang lagnat nila para makaiwas sa panganib na mga nabanggit. Pero ayon sa mga eksperto, hindi raw dapat isawalang bahala ang lagnat ng buntis.
Ito ay dahil maaaring magdulot ito ng masamang epekto sa pagdadalang-tao. Ang mataas na lagnat ng buntis ay maaaring mauwi sa neonatal at childhood disorders kabilang na ang pagkakaroon ng birth defects at posibilidad ng miscarriage.
Habang ang untreated pain ng buntis ay maaaring mauwi rin sa depression, anxiety at hypertension na masama rin sa kaniyang sanggol.
Ligtas na gamot para sa lagnat ng buntis
Kung may lagnat, o suspetsang trangkaso na ito, kailangang kumunsulta kaagad sa doktor. Huwag mag-self medicate—kailangang malaman kung ano ang partikular na sanhi ng lagnat.
Kung nilalagnat, may mga ligtas na pag-gamot at paraan para mapababa ito, at para hindi na maging malubha.
- Uminom ng maraming tubig at magpahinga. Kung mabigat na ang pakiramdam, humiga muna kahit ilang minuto lang, pero iwasan ang magkumot ng makapal. Hindi mabuti ang masyadong mainitan ang katawan kapag buntis, ayon sa librong Pregnancy, Childbirth, and the Newborn: The Complete Guide nina Janet Walley, Penny Simkin, Ann Keppler, Janelle Durham, at April Bolding.
- Ayon pa sa Pregnancy, Childbirth, and the Newborn: The Complete Guide, makakatulong din ang non-carbonated at electrolyte-infused na inumin para mare-hydrate, bumaba ang lagnat, at mabawi ang lakas ng katawan.
- Kapag viral ang sanhi ng lagnat, kailangan lang ng hydration. Paracetamol o acetaminophen ang karaniwang gamot na ligtas para sa buntis, paliwanag ni Abby Sison-Ramos, MD. Uminom ng mga gamot na ito nang ‘di lalagpas sa isa o dalawang araw, at kung labis lang ang sakit at hindi pa makapunta sa doktor. Kailangan pa ring magpatingin sa doktor para malaman kung ano ang dapat na paggamot. Karaniwang mapasailalim sa blood tests at urine tests, para madetermina kung may impeksiyon o komplikasyon.
- Kung bacterial ang sanhi, antibiotic ang karaniwang nirereseta ng duktor.
- BAWAL ang aspirin at ibuprofen sa mga nagbubuntis.
- Magmumog ng tubig na may kaunting asin. Makakatulong ito sa viral o bacterial infections dahil may anti-inflammatory ingredient ito para sa lagnat.
Kapag sinabi na ng doktor na walang dapat ikabahala at walang komplikasyon, ang dapat na lang intindihin ay ang mapababa ang lagnat at maging maingat para hindi ma-stress ang bata.
- Humiga at maglagay ng basang bimpo sa noo, leeg, braso, mga singit tulad ng kili kili.
- Makakatulong ang tepid sponge bath, payo ni Dr. Sison-Ramos. Kung magpupunas man o maliligo, gumamit ng maligamgam (hindi mainit) na tubig. Iwasan ang masyadong malamig at masyadong mainit na tubig.
Huwag gumamit ng rubbing alcohol, ayon kay Suzanne Merrill-Nach, MD, OB GYN, sa kaniyang web article sa Baby Center, dahil ang biglaang paglamig dala nito ay mas makakasama sa katawan. Pagkatapos kasi ng biglang pagbaba ay mabilis ding iinit ulit ang temperature. - Buksan ang bentilador o air-conditioning, pero huwag itutok sa buntis. Huwag ding masyadong malamig. Kailangan lang ito para ma-preskuhan ang buong katawan.
- Magsuot ng preskong damit din. Kung giniginaw, magkumot pero huwag makapal.
Larawan mula sa Pexels
Delikado ba para kay baby kapag may lagnat habang buntis?
Kung mas mataas sa 38.8 degrees C ang lagnat, at hindi bumaba sa ikatlong araw, posibleng may nilalabanan na impeksiyon ang katawan. Kailangang kumunsulta sa doktor. May panganib na dala ng mataas na lagnat ng ina sa Central Nervous System ng bata, lalo sa unang 6 na linggo ng pagbubuntis.
Kung may diarrhea at pagsusuka na kasama ang lagnat, may panganib na ma-dehydrate at maging sanhi ng contractions, at preterm labor. Kapag na-dehydrate din, maaaring maapektuhan ang presyon ni mommy, at kailanganing magpa-ospital.
Paano maiiwasan ang lagnat?
Para makaiwas sa lagnat at iba pang sakit kapag nagbubuntis, ugaliin ang paghuhugas ng kamay para hindi mahawa sa lagnat, ubo at sipon.
Umiwas na makihalubilo sa mga may sakit na, kahit simpleng sipon lang ito.
Magsuot ng face mask kung pupunta sa mataong lugar tulad ng supermarket, palengke o mall, lalo kung alam nang mahina ang resistensiya.
Uminom ng sapat na vitamin C para mapalakas ang immune system. May bakuna para labanan ang influenza, na ligtas para sa mga nagbubuntis, kaya’t mabuting itanong ito sa iyong doktor.
Karagdagang ulat mula kay Irish Manlapaz
Abby Sison-Ramos, MD Healthline, Baby Center Pregnancy, Childbirth, and the Newborn: The Complete Guide nina Janet Walley, Penny Simkin, Ann Keppler, Janelle Durham, at April Bolding
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.