Sore throat: Sanhi, sintomas at gamot sa makating lalamunan

lead image

Nananakit ba ang iyong lalamunan? Baka sore throat na yan! Alamin ang sanhi, sintomas at gamot sa makating lalamunan dulot ng sore throat.

Karamihan sa atin ay naranasan na ang magkaroon ng sore throat at kadalasan, mga home remedies o alternatibong gamot sa makating lalamunan ang ating ginagamit upang maibsan ito.

Bagaman hindi nangangailangan ng seryosong medikal na pag-gamot, ano nga ba ang sanhi at sintomas ng pagkakaroon ng sore throat at ano ang angkop na gamot para rito?

Ano ang sore throat?

Ang pharingitis o sore throat ay isang kondisyon kung saan ang lalamunan ng isang tao ay nakararanas ng pananakit na may kaakibat na pangangati. Nahihirapan ding lumunok ang taong mayroon nito at kung minsan ay nahihirapan din sa pagsasalita dulot ng iritasyon.

Sanhi ng sore throat

Ang sore throat ay may dalawang sanhi: viral infection at bacterial infection. Ang pinaka-karaniwang sanhi ay ang viral infection. Kadalasang mas mabilis gumaling ang sore throat na mula sa viral infection dahil kusa itong nawawala.

Ilan sa mga pinagmumulan ng viral infection ay ang:

  1. Sipon (common cold)
  2. Trangkaso (influenza)
  3. Mononucleosis (mono)
  4. Tigdas (measles)
  5. Bulutong (chickenpox)
  6. Whooping o Barking cough (croup)

Iba naman ang bacterial infection. Maraming uri ng bacterial infection ngunit ang pinaka-karaniwan ay ang streptococcus pyogenes o Group A streptococcus na siyang dahilan ng strep throat. Kinakailangan itong gamutin sa pamamagitan ng pag-inom ng antibiotics upang maiwasan ang kumplikasyon.

gamot sa makating lalamunan

Image source: Shutterstock

Iba pang sanhi ng sore throat

Bukod sa viral at bacterial infection, may ilang dahilan din kung bakit nagkakaroon ng sore throat ang isang tao. Ang sore throat ay maaaring maging sintomas ng isang malalang sakit o dulot ng stress sa tao.

Ilan sa mga ito ay ang:

  1. Allergies – Ang pagkakaroon ng allergy sa alikabok, balahibo ng hayop, pollen ng bulaklak o amoy ng amag ay maaaring maging sanhi ng sore throat. Magiging kumplikado ito sa postnasal drip o biglaang pagkakaroon ng uhog na siyang dahilan ng iritasyon at pamamaga ng lalamunan.
  2. Dryness o pagkatuyo ng hangin – Ang tuyong hangin mula sa loob ng isang kwarto, lalo na kung ito ay nainitan, ay nagiging sanhi ng pagkatuyo ng lalamunan. Partikular itong nangyayari pagkagising ng tao sa umaga.
  3. Irritants – Ang polusyon sa hangin dulot ng usok mula sa mga sasakyan, mga kemikal o usok mula sa sigarilyo ay nagdudulot ng sore throat sa tao. Maging ang pag-inom ng alak o pagkain ng maaanghang na pagkain ay maaari ring magdulot nito.
  4. Pagkapuwersa ng kalamnan – Ang pagsigaw o pagsasalita ng matagal ay nagdudulot rin ng soar throat dahil napupuwersa nito ang lalamunan ng isang tao.
  5. Gastroesophageal Reflux Disease (GERD) – Ang GERD ay isang digestive system disorder kung saan ang asido mula sa tiyan ay umaakyat sa esophagus ng tao. Ilan sa senyales nito ay ang pagkakaroon ng maasim na panlasa, heartburn, pagkalam ng sikmura, pagkapaos ng boses at ang pakiramdam ng may nakabara sa lalamunan.
  6. HIV Infection – Ang pagkakaroon ng sore throat o ng mga kahalintulad na sintomas ng trangkaso ay maaaring lumabas ng maaga sa mga taong nagkaroon ng HIV. Ang taong HIV positive ay maaari ring magkaroon ng pabalik-balik na sore throat dulot ng secondary infection gaya ng oral thrush o cytomegalovirus (CMV) infection. Nangyayari ito dahil sa humihinang immune system ng taong may HIV.
  7. Tumor – ang mga cancerous na tumor sa lalamunan, dila, o voice box (larynx) ay nakapagdudulot din ng soar throat. Isa sa mga senyales nito ay ang pagkapaos ng lalamunan, hirap sa paglagok, maingay na paghinga, bukol sa leeg at pagkakaroon ng dugo sa laway o plema.

Mga sintomas ng sore throat

Magkakaiba ang mga sintomas ng sore throat depende sa sanhi nito. Ang ilan sa mga karaniwang senyales ay ang:

  1. Pananakit ng lalamunan
  2. Matinding paghapdi ng lalamunan kapag lumulunok o nagsasalita
  3. Hirap sa paglunok
  4. Namamagang kulani o glands sa leeg o panga
  5. Namamagang mga tonsils
  6. Pamumuti o pagkakaroon ng nana sa mga tonsil
  7. Pagkapaos ng boses

Mga tips upang maiwasan ang pagkakaroon ng sore throat

Ang pinakamainam na paraan upang maiwasan ang sore throat ay ang pagkakaroon ng proper hygiene. Narito ang ilang tips na maaari mo ring ituro sa iyong anak:

  1. Hugasan ng maigi ang mga kamay nang madalas, lalo na bago kumain, pagkatapos gumamit ng palikuran, o matapos bumahing o umubo.
  2. Iwasan ang pakikisalo ng pagkain, utensils o mga baso.
  3. Bumahing o umubo sa tissue at itapon ito agad sa basurahan. Gumamit rin ng panyo upang takpan ang bibig.
  4. Maaaring gumamit ng surgical face mask kung ikaw ay nasa mataong lugar.
  5. Gumamit ng alcohol-based sanitizers bilang alternatibo kung walang paghuhugasan ng iyong mga kamay.
  6. Iwasan ang paglapit sa mga taong may sakit.
gamot sa makating lalamunan

Image source: Shutterstock

Lunas o gamot sa makating lalamunan

1. Kumpletong pahinga at pag-inom ng maraming tubig

Ito ang pinakamainam na paraan upang makabawi ang iyong katawan sa anumang impeksyon o sakit tulad ng sore throat. Ipahinga rin ang lalamunan sa pamamagitan ng pagbawas sa pagsasalita.

Makatutulong rin ang pag-inom ng maraming tubig upang mapanatiling hydrated ang taong may masakit na lalamunan.

2. Pag-inom ng over-the-counter medicines gaya ng lozenges

Malaking tulong din ang pag-inom ng mga lozenges bilang gamot sa makating lalamunan gaya ng Difflam at iba pang sore throat sprays. Ngunit iwasang bigyan nito ang mga batang may edad lima pababa upang hindi mabulunan.

3. Pag-inom ng alternative herbal medicines gaya ng salabat

Matagal nang subok ang pag-inom ng salabat o ginger tea bilang gamot sa makating lalamunan. Puwede itong haluan ng pulot o honey dahil sa natural na antibiotic properties nito. Ngunit dapat tandaan na ang honey ay hindi dapat ipainom o ipakain sa mga batang isang taong gulang pababa.

4. Pagmumog ng maligamgam na tubig na may asin

Ang saline o tubig na may halong asin ay isa rin sa mga home remedies na maaring gawing gamot sa makating lalamunan.

Maghalo ng kalahating kutsarita ng asin sa isang baso ng maligamgam na tubig at mumugin ng ilang minuto. Maaari itong gawin kada 3-4 na oras o hanggang sa mawala ang sore throat. Ipinapayo na huwag itong gawin sa mga bata.

5. Iwasan ang mga makakapagpalala sa sore throat

Iwasan ang paninigarilyo, pagkain ng maaanghang na pagkain o pag-inom ng alak kung mayroong sore throat dahil pinalalala nito ang kondisyon ng lalamunan.

6. Pagkain ng masusustansiyang pagkain at pagpapanatili ng healthy lifestyle

Palakasin ang iyong resistensiya sa pamamagitan ng pagkain ng mga masusustansiyang pagkain at pagpapanatili ng healthy lifestyle. Matutulungan nito ang katawan na maiwasan ang anumang sakit.

7. Komunsulta sa Doktor

Agad na komunsulta sa doktor kung hindi pa rin gumagaling ang sore throat sa loob ng isang linggo. Huwag uminom ng mga antibiotics na hindi inireseta ng doktor upang maiwasan ang anumang bacterial immunity.

 

Source: Mayo Clinic, The Guardian, HealthLine, Doc Willie Ong Facebook page

BASAHIN: 7 natural na lunas at gamot sa sore throat

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner