10 Natural na Gamot sa Singaw

Narito ang ilang mabisang gamot sa singaw na hindi lang natural, ngunit siguradong makakatulong maibsan ang masakit at nakakairitang singaw sa bibig.

Apthous stomatitis ang scientific name ng tinatawag na singaw ng mga Pinoy. Lahat ng tao ay nagkakaron nito. Minsan, ito ay resulta ng pagkagat sa loob ng labi o balat sa tabi ng bibig (loob ng pisngi), nakikiskis ng braces, at minsan ay genetics lang talaga. Ngunit, ano nga ba ang magandang gamot sa singaw?

Karaniwang nawawala ng kusa ang singaw, kahit walang paggamot. Pero kung malalaki ang singaw, at lumipas na ang ilang araw at di pa nawawala, may mga maaaring remedyo para dito. Karaniwang nagbibigay ng prescription ang mga dentista para sa mga antimicrobial mouthwash o corticosteroid ointment, para sa sakit. Kung ayaw naman ng mga gamot, may iba pang alternatibo.

Alam niyo bang may mga natural ingredients ang pwedeng panggamot sa pesteng singaw?

Mga natural at epektibong gamot sa singaw

Pampamanhid, gamit ang natural herbs at oils

Ang peppermint at langis ng eucalyptus ay may anti-inflammatory properties o nakakatulong sa pagpigil ng pamamaga ng anumang sugat sa katawan, kasama na ang singaw. Ang mga astringent naman ay nakakatulong sa pagsasara ng mga tissue sa paligid ng isang sugat. Dagdag pa dito ang cooling properties o pampaginhawang dulot ng mga langis na ito.

Paghaluin lang ang mga sumusunod: 2 tablespoons ng olive o grapeseed oil, 10 patak ng peppermint essential oil, 8 patak ng eucalyptus essential oil, at ilagay ito sa isang atomizer o mist-spraying na bote, saka i-spray sa singaw.

Baking soda

Ang baking soda o sodium bicarbonate ay isang antibacterial, antimicrobial at antiseptic na nakakamatay ng bacteria na sanhi ng singaw. Mabisa ito na panlaban sa impeksyon sa bibig na dulot ng singaw, nagbubuo din ng proteksyon sa bibig, para hindi maulit ang singaw. Mayron itong anti-inflammatory property na nagpapahupa sa pamamaga at nakakaalis ng sakit. Gumawa lang ng paste gamit ang baking soda at kaunting tubig at ipahid sa singaw. Iwanan duon ng mga 10 minuto, saka magmumog ng malamig na tubig.

Chamomile Tea Bag

Ginagamit ang chamomile para pampatulog o pamparelax, pati na pampatunaw dahil mahusay daw ito para sa digestion. Mayron din itong antiseptic properties na nakakatulong magpahumpayn ng pamamaga. Dahil dito, mabisang panggamot ng singaw ang chamomile tea. Isang bag lang ng chamomile tea at tubig, o isang kutsara ng tinuyong bulaklak ng chamomile na binalot sa basang katsa o cheesecloth, ang idadampi sa singaw ng 5 hanggang 10 minuto, 2 beses sa isang araw, at magiginhawaan na ito, at gagaling din.

Sage

Ginagamit ang sage ng mga chef at tagaluto, pero kilala din itong medicinal herb, para panlinis ng bibig at paggamot ng mga sakit sa bibig tulad ng singaw. Isang dakot lang ng sariwang sage o 2 kutsara ng tuyong sage sa pinakuluang tubig, at imumog ng isang minuto. Pagkatapos ay anlawan ng malamig na tubig ang bibig, magiginhawaan na. Ang iba ay iniinom ito na parang tsaa.

Coconut Oil

Isa sa napakaraming gamit ng coconut at langis nito ay ang paggamot ng singaw. Ito ay anti-inflammatory, antimicrobial, at malinamnam pa. Mabisa itong antibiotic at panlaban sa pamamaga. Dampian lang ng cotton buds na may coconut oil, o kahit daliri ang singaw.

Honey

Isa pa ang honey na kilalang “miracle remedy” dahil ito ay antibacterial, at may anti-inflammatory properties, kaya’t mabisa sa singaw. Magmumog o uminom ng maligamgam na tubig at saka ipahid ang honey sa singaw. Gawin ito 2 hanggang 3 beses sa kada araw, karaniwan bago matulog para manatili ng mas matagal ang honey sa singaw.

Cayenne

Pati ang spice na cayenne ay may taglay na substance na nakakatanggal o nakakapagpaginhawa ng sakit o pain na nararamdaman ng katawan. Maanghang ito, kaya’t hindi alam ng marami na mabisa ito para sa sakit tulad ng singaw. Ihalo lang ang cayenne pepper sa maligamgam na tubig para makagawa ng parang paste o cream, at gumamit ng cotton buds para ipahid ito sa singaw. Gawin ito 2 hanggang 3 beses sa isang araw.

Aloe vera

Hindi lang ito para sa buhok, kundi ginagamit din ang katas nito para sa singaw. Isang kutsara lang ng katas ng aloe vera na hinalo sa isang kutsarang tubig ay maaari nang ipahid sa masakit na singaw, 3 beses sa isang araw.

Yogurt

Ang pagkain ng yogurt kahit isang beses lang sa isang araw ay makakaginhawa sa hapdi ng singaw. May taglay itong bacteria galing sa pag-ferment nito, na nakakatulong sa pag-balanse ng bacteria sa bibig, dahil ang kakulangan sa balanseng ito ang karaniwang sanhi ng singaw. Ang yogurt na may live cultures ang mabisa, kaya’t tingnan ang uri ng yogurt na kakainin. Pwede pang haluan ng honey para mas masarap—at mas epektibo din.

Salt Water

Ito ang kinaugalian nang remedyo sa singaw—pagmumumog ng tubig na may asin. Ang iba ay ngumunguya ng asin para daw mas mabisa. Gumagana ito dahil ang asin ay nakapagpapalabas ng fluid sa laman ng tao. Ang pamamaga dahil sa pagkaipon ng fluid sa sugat o singaw ay kayang palabasin ng asin sa pamamagitan ng pagmumumog. Ang asin ay mayroon ding antibiotic property na nagtatanggal ng impeksyon, at nililinis din nito ang sugat para malabanan ang impeksyon. Ihalo ang kalahating kutsarita ng asin sa 1/4 cup ng tubig, at magmumog 3 beses isang araw.

Subukan ang iba’t ibang remedyong ito, para malaman kung alin ang bagay o epektibo para sa sarili.

 

Sources:

www.londondoctorsclinic.uk

Mouth Ulcer Cure (Kindle Edition) ni Thomas P Fitzpatrick

 

Photo: pxhere.com

READ: Mouth Sores, Mouth Ulcers, at iba pang sakit sa bibig ni baby