Paano nga ba gamutin ang pesteng pigsa?

lead image

Tag-init na naman—panahon ng paglabas ng nakakainis, at masakit na kondisyong ito lalo na sa mga bata. Paano nga ba gamutin ang pigsa? Alamin dito!

Ang o pigsa o “boil” ay sanhi ng impeksiyon sa hair root o sweat pore ng balat. Mayrong bumubukol sa balat at sa gitna ay may nagnanana. Ayon sa mga pagsusuri, wala naman itong kinalaman sa kabuuang kalusugan ng isang bata. Talaga lang lumalabas ito lalo kapag tag-init. Masakit, pero hindi naman ito isang seryosong sakit o problema, maliban nga lamang kung tutubo sa mga maselang bahagi tulad ng puwit at mukha, at kung hindi maaagapan ang impeksiyon na kumalat sa ibang bahagi ng sistema.

10 bagay na dapat malaman tungkol sa pigsa:

  1. Ang boil o pigsa ay tinatawag ding furuncle. Kapag marami o grupo ang tumubo, carbuncle ang tawag dito. Kapag malalaki, it ay tinatawag na abscesses. Nagsisimula ito sa pamumula ng isang bahagi ng katawan, pagkatapos ay nagkakaroon ng malambot na pamamaga. Magkakaron ng kulay puti dahil sa pagkaipon ng nana sa ilalim ng balat, pagkalipas lamang ng apat hanggang pitong araw.
  2. Karaniwan itong tumutubo sa mukha, leeg, kili-kili, balikat, at puwet. Kapag may tumubong isa, malamang ay may tutubo pa sa ibang bahagi ng katawan.
  3. Nagkakaron ng pigsa kapag may mga bacteria na tinatawag na Staphylococcus aureus, ang pumasok sa hair root o follicles, oil glands, o sweat pore, ayon kay Dr. Jerry Villarante, MD, sa pamamagitan ng mga sugat sa balat.
  4. Hindi daw ito karaniwang delikado, dahil may mga natural na pang-depensa ang katawan natin para malabanan ang bacteria.
  5. Walang direktang sanhing panlabas ang pagkakaron nito.
  6. Impeksiyon, at pagkalat nito sa sistema ang dapat maagapan. Ang ilang hudyat ng impeksiyon ay mataas na lagnat, kumakalat na pamumula, at lumalalang sakit.
  7. Lahat ng tao ay maaaring magka-pigsa. Wala ring paraan para mapigilan ang pagkakaron nito.
  8. May mga sakit o kondisyon na maaaring magpalala nito: diabetes, eczema at nakabukang balat, kaya’t nakakapasok ang bacteria, mahinang defence system o immune deficiency, anaemia o iron deficiency. Ang simpleng maling paglinis ng katawan at kakulangan sa tamang nutrisyon ay maaaring maging sanhi din ng pigsa. May mga gamot din na nakakapagpahina ng defence system laban sa bacteria. Kailangang tingnan o suriin ang mga side effects ng mga gamot na ibibigay sa bata.
  9. Kailngang ikunsulta sa doktor, lalo na kapag hindi gumaling sa loob ng 2 hanggang 3 araw at walang gitna o tinatawag ng matatanda na mata, kapag may mataas na lagnat na hudyat ng impeksiyon, at kapag lumalaki na, o dumami na. Higit na dapat dalhin sa doktor kung ang bata ay may diabetes o immune problem. Ayon kay Dr. Villarante, kailangan ng bata ng antibiotic, cloxacillin at kailangang palabasin ang pus o nana.
  10. Gamutin sa bahay sa pamamagitan ng mga sumusunod:
  • Lapatan ng warm compress para bumuka o pumutok ang mata (ng pigsa) at lumabas ang nana. Gumamit lang ng tuwalya o bimpo na binabad sa maligamgam (hindi mainit) na tubig at ilapat sa pigsa nang ilang minuto. Gawin ito ng ilang beses sa isang araw. Siguraduhing malinis ang kamay kapag ginagamot ang pigsa.
  • Panatilihing malinis ang katawan ng may sakit. Mabilis kumakalat ang pigsa lalo na kapag may dumi o germs. Kung bumuka at matanggal ang nana ng pigsa, punasin ito pati ang dugo na lalabas gamit ang malinis na bulak na binasa sa antiseptic solution. Hugasan at tuyuin ang paligid ng pigsa, at takpan ng plaster o gauze upang maiwasan ang pagkalat nito, at para hindi kamutin ng bata. Hugasan ang kamay nang mabuti pagkatapos maglinis ng pigsa.
  • Kapag may pigsa ang bata, makakabuti ang pagpapaligo sa bata araw araw, o dalawang beses sa isang araw kung matindi ang init ng panahon. Gumamit ding ng antiseptic solution sa mismong pigsa, sa isang buong linggo. Bigyan siya ng sariling tuwalya at bimpo, na hindi ipapagamit sa iba. Labhan din ito sa tuwing gagamitin para matanggal ang mga mikrobyo, kasama na ang mga damit na lumalapat sa pigsa araw araw.
  • Huwag titirisin! Mas magiging susceptible sa impeksiyon ang pigsa kapag ginawa ito, bukod pa sa masakit lalo ito para sa bata. HUWAG ding gumamit ng karayom sa pagpisa ng pigsa dahil maaaring magkaron ng tetano mula dito.
  • Tingnan palagi kung may mga bagong pigsang lumalabas sa ibang bahagi ng katawan ng bata. Dalhin agad sa doktor kung lumalaki, dumadami o labis na ang sakit.
  • Itanong sa doktor kung anong pain reliever ang pwedeng ibigay kung umaangal sa pananakit ang bata. Karaniwang paracetamol ang ibinibigay, ayon kay Dr. Villarente. Sundin ang dosage instructions ng doktor, dahil delikado ang pagbibigay ng labis sa prescription. Gayundin kapag may niresetang antibiotic ang doktor.
  • Kung hindi umepekto ang antibiotic, sumasailalim sa blood test ang pasyente at maaaring kailanganin ang minor surgery para matanggal ang nana o pus, para sa tinatawag na incision at drainage. May general anaethesia at surgeon ang gagawa ng procedure. Bibigyan din ang pasyente ng antibiotics sa pamamagitan ng intravenous drip o IV. Ito ay sa mga extreme cases lamang.
  • Sa probinsiya, at sa mga naniniwala sa mga halamang gamot, dahon ng gumamela ang ginagamit para mapahinog ang pigsa. At ay isang sinaunang paniniwala na ginagawa pa rin ng marami dahil nakita nila ang pagpapagaling nito sa pasyente. Ang gumamela ay isa sa mga gamot na herbal na maaaring gamitin para mas mabilis ang paghinog ng nana ng pigsa. Hinuhugasan at pinapatuyo sandali ang bagong pitas na dahon ng gumamela at dinidikdik hanggang sa maging pino at kumatas ito. Saka naman ito inilalagay sa ibabaw at paligid ng pigsa, na siyang magpapahinog dito. Siguraduhin pa ring malinis ang pigsa at ang mga kamay ng gumagamot.

May mga batang paulit-ulit na nagkakaron ng pigsa, sa iba’t ibang edad o panahon, at minsan ay kumakalat pa ito sa mga kasambahay o kapamilya na kasama sa bahay. Ayon sa mga doktor, ito ay dahil sa bacteria na nasa sistema na ng bata, kaya’t palaging may impeksiyon, sa tuwing masusugatan o magagasgas man lang. May mga doktor na iniimbestiga kung may underlying medical condition ang bata.

READ: Eczema sa mga bata: 10 bagay na dapat malaman tungkol sa sakit sa balat na ito