Dahil sa garapata, isang bata muntik nang mabingi!

lead image

Ang garapata sa bahay ng batang nabiktima ay galing raw sa alagang aso nito. Buti na lang naagapan agad bago pa ito nakapaminsala.

Ang mga aso ay tinatawag nga “man’s best friend;” at tama lang ito, dahil ang mga aso ay likas na malapit sa tao. Ngunit paano kung ang pinakamamahal mong aso ay magiging sanhi ng panganib para sa anak mo? Ganito na lang ang nangyari sa isang 4 na taong gulang na bata na muntik nang mabingi dahil sa garapata sa bahay.

At saan kamo nanggaling ang garapata? Ito raw ay galing sa kaniyang best friend na aso. Paano kaya ito nangyari, at nasa panganib ba ang mga anak mo kung may alaga kayong aso?

Garapata sa bahay, mapanganib ba ito?

src=https://ph admin.theasianparent.com/wp content/uploads/sites/11/2018/10/garapata body.jpg Dahil sa garapata, isang bata  muntik nang mabingi!

Ang mga garapata ay maraming dalang sakit. | Source: Flickr

Alam niyo ba na hindi insekto ang mga garapata? Ang mga garapata, o tick, ay kapamilya ng mga gagamba.

Madalas silang nakikitang nakadikit sa balat ng mga hayop habang humihigop ng dugo. Ngunit paminsan, posible din silang dumikit sa mga tao, at higupin ang dugo natin!

Ito na lang ang nangyari sa 4 na taong gulang na si AJ, nang pumasok sa tenga niya ang isang garapata mula sa kanilang alagang si Yuki. 

Akala ni AJ ay gagamba ang pumasok sa tenga niya

Nagulat na lang daw ang ama ni AJ nang sinabi sa kaniya na tanggalin daw ang “spider” sa tenga niya. Akala ng nanay ni AJ na nagbibiro lang ang bata, ngunit pagsilip nila sa tenga, nagulat silang mayroong garapata sa tenga ng bata.

Ang garapata daw na napunta sa tenga ng bata ay galing sa alaga nilang aso na si Yuki. Sa tingin ng ina ni AJ, baka raw nakuha ng alaga sa ibang aso ang garapata dahil inilalabas daw nila ito sa bahay kapag dudumi o iihi.

Sa kabutihang palad, natanggal ng tatay ni AJ ang garapata sa tenga ng bata.

Ano ang epekto ng kagat ng garapata?

Kapag ang mga tao ay nakagat ng garapata, posible silang magkaroon ng pangangati, rashes, at minsan allergic reaction na posibleng maging nakamamatay.

Ang mga garapata ay nagiging sanhi rin ng lyme disease na sanhi ng mataas na lagnat, pananakit ng ulo, at matinding pagod. Bukod dito, sanhi rin ito ng babeosis, rocky mountain fever, at ehrlichiosis. Posible din magkaroon ng blood parasites kapag nakagat ng mga garapata.

Hinding-hindi din dapat pinipisa ang mga garapata dahil lalo lang kakalat ang mga itlog ng garapata. Mas mabuti raw na kapag nakuha na ang garapata ay ilagay ito sa fabric conditioner, bleach, o kaya gaas upang mapatay ang mga ito.

Mabuti ring bumili ng anti-tick soap at ng anti-tick medicine na ipinapahid sa balat ng aso upang matanggal ang mga garapata sa iyong alaga. 

Importante ding panatilihing malinis ang paligid upang hindi kumalat ang mga garapata. Bukod dito, nakakatulong din na huwag masyadong ilabas ang iyong alagang aso upang hindi sila mahawa ng garapata mula sa ibang aso at hindi magkaroon ng garapata sa bahay niyo. 

 

Source: GMA News

Basahin: Desiccant pack sumabog at ikinabulag ng isang bata