Gastusin sa bahay sinasabing dahilan kung bakit nagiging “unhappy” ang mag-asawa matapos ang honeymoon stage at kapag nagka-anak na.
Madalas nating maririnig sa matatanda na ang pagkakaroon ng anak ay mas lalong magpapatibay ng isang pagsasama. Dahil ang anak ang nagsisilbing bond sa pagitan ng mag-asawa at nagiging inspirasyon para lagpasan ang kahit anong dadaan na problema.
Pero minsan, hindi lahat ng pagsasama ay nanatiling masaya.
Hindi maiiwasang darating tayo sa punto ng buhay may asawa na mapapatanong ka na bakit hindi na masaya? Bakit hindi na tulad ng dati?
Ang sagot ng isang pag-aaral – gastusin sa bahay at sa pagpapalaki ng anak ang puno’t dulo ng problema.
Gastusin sa bahay, dahilan ng pagiging “unhappy” ng mag-asawa
Ayon kay David Blanchflower, isang economist mula sa Dartmouth College, una ng naging palaisapan sa kaniya kung bakit nagiging less happy ang isang mag-asawa kapag nagkaanak na.
Kung ganoon bakit daw mas nadadagdagan pa ang anak ng iba kung nagbibigay ng misery o kalungkutan para sa kanila ang pagkakaroon ng anak.
Kaya naman para masagot ang kaniyang katanungan ay sinimulan ni Blanchflower ang isang pag-aaral.
Sa tulong ng kaniyang co-author na si Andrew Clark na isang economist din mula sa Paris School of Economics ay natagpuan nila ang sagot sa tila mismatch sa pagitan ng mga research at human behavior pagdating sa pagkakaroon ng anak.
Ang dahilan daw ng pagiging “unhappy” ng isang pagsasama ay hindi ang kanilang mga anak kung hindi ang gastusin sa bahay o financial requirements na kailangang punan ng mga magulang kapag may anak na.
Tulad nalang ng gastusin sa gatas, diapers at iba pang bagay na kakailanganin ng isang bata habang ito ay lumalaki, ayon parin kay Blanchflower.
Ang findings na ito ay kanilang nakuha matapos i-review ang data recordings ng mga karanasan ng mahigit sa isang milyong European sa nakaraang dekada.
Nalaman rin nila na ang mga batang may edad na sampung taong gulang pababa ay mas nagbibigay ng happiness sa isang mag-asawa kaysa sa mga batang edad sampu pataas.
Mas less happy rin daw ang mga single parents kaysa sa mga coupled parents.
Iba pang dahilan ng pagiging unhappy ng mag-asawa
Para naman sa isang journalist na si Jennifer Senior na may akda ng librong All Joy and No Fun: The Paradox of Modern Parenthood, may iba pang dahilan kung bakit hindi na nagiging masaya ang isang pagsasama kapag may anak na maliban sa gastusin o financial aspect.
Ito ay oras na kailangan mong ilaan para maalagaan ang anak na minsan ay stressful at napakatime-consuming.
Sa isang 2004 study na ginawa ni Daniel Kahneman, isang Nobel Prize–winning behavioral economist, napag-alaman niya sa pamamagitan ng isang survey na ang child care o pag-aalaga sa bata ay nasa pang-16th lang sa pinakamasayang bagay na ginagawa para sa mga babae.
Mas pinipili o nakakapagbigay daw ng pleasure ang pagluluto, panonood ng TV, paggawa ng gawaing bahay at pag-shoshopping kaysa pag-aalaga ng anak.
Ayon naman sa isang pag-aaral na nai-feature sa isang 2009 New York Times article, nagbabago nga raw ang quality ng pagsasama ng isang mag-asawa kapag nagkaanak na.
Mas nagiging masaya o nagkakaroon ulit ng marital happiness ang mag-asawa kapag umalis na sa bahay ang mga anak nila.
Sa isang analysis naman ng Journal of Marriage and Family noong 2003, lumabas na ang parenting role conflicts at lifestyle restrictions ang nagiging dahilan ng unhappiness sa isang marriage kapag nagkaanak na.
Mas naapektuhan nga raw nito ang mga new mothers na nasa transition palang ng pagiging nanay mula sa pagiging dalaga.
Sa isang survey naman na ginawa ng Care.com, nalaman nila na 30% ng mga couples ang hindi na nakakalabas o nakakapagdate sa loob ng mahigit na anim na buwan.
Samantalang, 85% naman ang nagsabi na gusto nilang magkaroon ng free time o alone time na silang dalawa lang at wala ang mga anak nila.
Ang isang paliwanag rin daw sa unhappiness na nararamdaman ng mga mag-asawa ngayon ay ang brand of parenting at katotohanan na ang mundo nila ay umiikot lang sa kanilang mga anak.
Isa pang dahilan na pinupunto ni Dr. Walker ay ang conflict sa societal pressures na magkaanak ng wala naman sapat na social resources sa susuporta sa mga magulang gaya ng paid maternity leave at affordable child care.
Para naman sa kay David Ezells, clinical director sa isang counseling and mental wellness group sa Darien, Connecticut, isang dahilan kung bakit nabuburned-out ang mga couples sa pagiging magulang ay dahil ikinukumpara nila ang kanilang sarili sa isang fantasy.
Iniisip nila na kaya nilang maging optimistic sa lahat ng bagay, maging levelheaded na magulang na may successful na career, may masayang pamilya at ang pag-aakalang kaya nilang maging cool sa lahat ng oras.
Ang mga social ideals daw na ito ang maaring makasira ng isang pagsasama.
Kaya naman ini-emphasize ni Dr.Walker ang kahalagahan ng pagkakaroon ng matibay na marital connection ng isang mag-asawa sa unang mga taon ng kanilang parental years.
Ito ay para masiguro nila ang long term happiness bilang mag-asawa at bilang mga magulang.
Kaugnay daw ito ng isang pag-aaral na nagsabing ang mga magulang na nasa under 40 na edad ay mas less happy kumpara sa mga couple na walang anak sa parehong edad.
Mas nagiging masaya nga raw ang isang couple kapag tumungtong na sila sa gulang na 40 years old pataas, regardless kung gaano kalaki ang pamilya nila.
Pero para maging happy older couple kailangan din daw nilang mag-focus at i-solve ang mga conflicts na kinakaharap nila ngayon.
Para naman kay Ezell, ang pagkakaroon ng mag-asawa ng oras ng silang dalawa lang kahit isang beses sa isang linggo ay makakatulong para sa kanilang pagsasama.
Hindi daw dahilan ang pagiging busy sa trabaho o kung ano man, dahil ika nga ng kasabihan, “kung gusto may paraan pero kung ayaw, maraming dahilan.”
Sources: New York Magazine, Psychology Today, Today, The Atlantic
Basahin: 7 payo sa mag-asawa para mas tumagal na pagsasama