Payat ba ang iyong anak at minsan nang niresetahan ng Heraclene? Alamin kung ano ang gamot na ito at kung paano ito nakakatulong sa pagtaas ng timbang ng isang bata.
Mababasa sa artikulong ito:
- Paano nakakatulong ang Heraclene sa pagdagdag ng timbang ng mga bata
- Mga dapat malaman bago painumin ng Heraclene ang iyong anak
- Mga natural na paraan para bumigat ang iyong anak
Naging usap-usapan sa mga mommy chat rooms ang Heraclene (Dibencozide) Capsule, na nirereseta ng ibang mga pediatrician para sa mga bata na mabagal ang pagbigat ng timbang. Pero ano nga ba ito, at totoo nga bang ligtas at epektibo ito?
Ano ang Heraclene?
Ang Heraclene (Dibencozide) ay isang uri ng gamot na ibinibigay sa mga sanggol na maliliit ang timbang nang sila’y ipanganak, o kaya mga premature babies.
Ito ay isang uri ng “appetite enhancer” na tumutulong para maproseso ng katawan ang protein. Tinutulungan nitong lumakas ang gana ng sanggol na magiging dahilan para bumigat ang kanilang timbang.
Bukod sa pagtulong sa mga pagdagdag ng timbang ng mga bata, ginagamit rin ang Heraclene sa bilang gamot sa tuberculosis, at para sa mga pasyenteng nagpapagaling mula sa isang surgery o impeksiyon.
Sa mga ospital, ibinibigay din ang gamot na ito para pampaganang kumain sa mga pasyenteng nakaranas ng kritikal na karamdaman tulad ng stroke at depression.
Dito sa Pilipinas, pinakakilala ang Heraclene bilang gamot na tumutulong para madagdagan ng timbang ang isang sanggol.
Kulang ba sa timbang ang iyong anak?
Karaniwang ibinibigay ang Heraclene sa mga sanggol na low birth weight o kulang sa timbang sa kanilang mga unang buwan.
Pero paano mo ba malalaman kung kulang sa timbang ang isang bata?
Ayon sa Healthline, masasabing underweight ang isang bata sa kaniyang edad kung ang kanyang timbang ay nasa 5th percentile o mas mababa pa sa weight-for-age measurement sa growth chart na inilabas ng World Health Organization.
Bago mo masabing kulang sa timbang ang iyong anak, tandaan na tumataas at bumababa talaga ang timbang ng isang sanggol ilang araw matapos siya ipanganak.
Sa mga babies na umiinom ng formula milk, bumababa ang kanilang timbang ng 3 hanggang 4 na porsyento habang ang mga babies naman na dumedede ng gatas ng kanilang ina ay bumababa ang timbang ng 6 hanggang 7 porsyento ilang araw matapos silang ipanganak, at babalik rin ang kanilang timbang sa loob ng 2 linggo.
Maraming bagay ang maaaring makaapekto sa timbang ng isang sanggol.
Isa na rito ang ating genes. Kung maliit ang magulang ay may posibilidad na maliit rin ang kanyang anak. Subalit totoo rin na kadalasan lumalabas lang ang factor na ito kapag lumaki-laki na ang isang bata.
Sa mga unang buwan ng kaniyang buhay, ang kaniyang magiging timbang ay laging nakabase sa kanyang birth weight.
Kaya naman isa ring dahilan ng mababang timbang ng isang sanggol ay kung siya ay ipinanganak na premature, o kaya mayroon siyang kakambal.
Gayundin, nakaka-apekto rin ang gatas na iniinom ng iyong anak sa kaniyang timbang. Napansin na mas mababa talaga ang timbang ng mga batang dumadede ng breastmilk kaysa sa mga batang umiinom ng formula milk. Magkaiba rin kasi ang komposisyon ng dalawang gatas at mas madaling ma-digest ang gatas ng ina.
Subalit hindi ibig sabihin na dapat uminom din ng formula milk ang isang breastfed baby para tumaas ang kanilang timbang. Magkaiba ang chart na sinusunod ng mga batang umiinom ng formula milk at sa mga dumedede sa kanilang ina.
Normal sa mga sanggol na magtaas-baba ang timbang sa kanilang unang taon. Pero kailangan mo pa ring i-alerto ang iyong doktor kapag napansin mo ito dahil pwede itong senyales na may problema sa kanyang paglaki.
Karaniwang dosage ng Heraclene
Para sa mga matatanda, 2 hanggang 3 capsules kada araw ang karaniwang dosage, habang 1 hanggang 2 capsules naman kada araw ang para sa mga bata.
Pwede itong ihalo sa kanilang pagkain, gatas o tubig. Pero hindi rin nirerekomenda ang tuluy-tuloy na pag-inom ng Heraclene, di gaya ng ibang bitamina.
Ayon sa mga nanay na nasubukan nang magbigay ng Heraclene sa kanilang anak. Karaniwang inirereseta ang pag-inom ng Heraclene sa loob ng 30 araw hanggang 3 buwan. Kapag hindi nakakita ang doktor ng magandang pagbabago sa loob ng tatlong buwan, ipinapatigil na ang paggamit nito.
May mga nagrereseta din ng hanggang 14 na araw lamang, depende sa sitwasyon ng bata at sa kanyang timbang.
Ang Heraclene ay isang gamot para maitama o makatulong sa nutritional deficiency ng bata, kaya kung umabot na siya sa tamang timbang, maaari na ring ipatigil ng doktor ang pagreseta nito sa iyong anak.
Tanging ang doktor lang ang makakapagsabi kung ano ang nararapat na dosage sa bawat pasyente.
BASAHIN:
Timbang ng newborn: Gabay sa pagtaba at pagpayat ni baby
Nasa tamang timbang ba si baby bago ipanganak?
Vitamins na pampagana kumain: Solusyon sa batang mapili
May side effects ba ito?
Ayon sa Web MD, wala pang naiulat na masamang epekto ang paggamit ng Dibencozide (generic name ng Heraclene).
Pero sa isang pag-aaral na isinagawa sa 100 bata na binigyan ng Heraclene, wala namang nakaranas ng mga hindi kaaya-ayang epekto, maliban sa isang bata na nagkaroon ng diarrhea.
Wala ring nabanggit na masamang epekto kapag tinigil ang gamot. Bagama’t ang mga batang hindi na ipinagpatuloy ang pag-inom nito ay hindi na rin nagkaroon ng weight gain sa panahon ng nasabing pag-aaral.
Bagama’t walang masamang epekto na naiulat. Pinapaalala pa rin ng mga doktor na itigil ang pagbibigay ng Heraclene sa iyong anak kapag nakapansin ka ng mga hindi kaaya-ayang pagbabago.
Dapat tandaan na ang Heraclene ay nirereseta lamang sa mga bata kapag labis ang baba ng kanilang timbang, o wala silang ganang kumain.
Natural na paraan para madagdagan ang bigat ni baby
Kung pagpapadagdag lang ng timbang ang problema. Mayroon pang mga natural na paraan na maari mong subukan para sa iyong anak.
-
Alamin kung nakakakain ba ng sapat ang iyong anak
Kung kulang sa timbang ang iyong anak, isa sa mga unang tatanungin ng iyong pediatrician ay kung sapat ba ang nakakain o nadedede niya. Ilang paraan para malaman kung sapat ang nadedede ng isang sanggol ay kung nauubos ba niya ang gatas sa iyong dede, at kung marami ba siyang naiihi.
Kung hindi sapat ang nakakain o nadedede ng iyong anak. Maaaring ipayo ng doktor na palakasin mo ang iyong milk supply (breastfeeding) o kaya naman bigyan na ng formula milk ang iyong anak.
-
Magdagdag ng mga pagkaing mayaman sa fat at calories
Kapag anim na buwan na si baby, pwede na siyang kumain ng solids. Kaya bukod sa kaniyang gatas (breastmilk o formula), madadagdagan na ang mga nakukuha niyang calories dahil sa pagkain.
Bigyan siya ng mga pagkaing may healthy fats tulad ng avocado o olive oil. Kung pwede na siyang kumain ng karne, bigyan siya ng baboy at hita ng manok. Sapagkat mataas ang calories ng mga pagkaing ito.
Piliin rin ang mga prutas na ipapakain kay baby. Mas mataas ang calories ng saging, peras at avocado kaysa sa mga apple at oranges. Bigyan rin siya ng kanin at patatas. Siguruhing na-mash mo ng mabuti ang mga pagkaing ito bago mo ibigay sa iyong anak.
-
Dagdagan din ang dalas ng kain ni baby
Bukod sa dami ng kaniyang pagkain, gawin ring mas madalas ang pagkain ng iyong anak. Para mas marami siyang makuhang calories. Bukod sa kanyang tatlong meals, bigyan rin siya ng masustansyang snacks sa umaga at hapon. Padedehin mo rin siya ng mas madalas.
Agahan lang ang pagbibigay ng hapunan ng iyong anak, huwag kapag malapit na siyang matulog. Para mayroon pa siyang ganang kumain at hindi rin mahirapang matunaw ang pagkain sa kanyang tiyan.
Bago bigyan ng kahit anong bagong gamot, bitamina o pagkain ang iyong anak. Huwag kalimutang humingi ng payo at reseta mula sa iyong doktor.
Tandaan rin na hindi lang timbang ang sukatan para masabing malusog ang iyong anak. Kung hindi siya mataba pero nadadagdagan naman ang kanyang timbang bawat checkup at hindi siya nagkakasakit, walang dahilan para mag-alala.
Source:
MIMS, Healthline, WebMD
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!