Paalala sa mga magulang: Narito ang mga bagay na hindi dapat gawin sa newborn.
Handa ka na ba sa pagdating ni baby?
Marahil ay naayos mo na ang iyong hospital bag at anumang oras ay pwede ka nang pumunta sa ospital pagkapanganak. Pero alam mo na ba ang dapat mong gawin kapag nanganak ka na?
Pagkatapos mong isilang ang iyong sanggol, at pwede na kayong umuwi mula sa ospital, alam mo na ba kung paano mo masisiguro ang kaligtasan ni baby sa mga unang araw niya sa mundo?
Bilang first-time parents, marahil ay nakatanggap ka na ng napakaraming payo tungkol sa pag-aalaga sa isang bagong panganak na sanggol. Sa dami nang narinig mong payo, hindi mo na alam kung alin ang dapat sundin.
Bagamat karamihan sa mga ito ay nakakatulong, dapat mong malaman na ang ilang paniniwala ng matatanda ang hindi na sinusunod ngayon dahil pinabubulaanan na ito ng mga doktor, at sa halip na makabuti ay lalong makasama sa iyong baby.
Kaya naman narito ang isang gabay sa mga bagay na hindi dapat gawin sa isang newborn para masiguro ang kanilang kaligtasan pagkatapos niyang ipanganak:
17 bagay na HINDI dapat gawin sa newborn
1. Hayaan siyang matulog nang nakadapa
Image source: iStock
Ayon sa American Academy of Pediatrics (AAP), ang mga sanggol ay dapat na pinapatulog nang nakatihaya sa lahat ng oras at hindi hayaan na nakadapa upang makaiwas sa Sudden Infant Death Syndrome o SIDS.
Nangyayari ang SIDS kapag paulit-ulit na nahihinga ng iyong baby ang kaniyang carbon dioxide. Nangyayari ito kung ang iyong anak ay nakaharap sa direksyon na hindi maganda ang bentilasyon tulad ng pagkaipit sa kama o unan.
Maaaring mukhang mas komportable si baby sa pagkakadapa, pero mahalaga na tama ang posisyon niya sa pagtulog para sa kaniyang kaligtasan.
2. Hayaan na halikan o kargahin si baby basta-basta ng strangers
Lahat ay mahuhumaling sa iyong munting anghel at magnanais na kargahin siya at halikan ang kaniyang maamong mukha. Subalit sa ngayon, iwasang halikan ang iyong anak sa mga unang linggo ng kaniyang buhay.
Hindi pa kasi gaanong developed ang immune system ng iyong newborn. Madali silang makakakuha ng impeksiyon o sakit mula sa inosenteng paghalik o paghawak ng isang taong may sakit. Sa katunayan, maaari pa siyang makakuha ng herpes!
Kung tatanggap ng bisita, sabihan sila na huwag halikan ang iyong baby, at na maghugas sila ng kamay bago nila hawakan ito. Kung maaari nga’y magsuot sila ng face mask kapag lalapit sila sa sanggol.
Maging matatag ngunit magalang dahil mahalagang maging ligtas kaysa magsisi. Sa panahon ngayon, siguradong maiintindihan naman nila na iniingatan mo lang ang iyong sanggol.
3. Hayaan nang matagal na suot ang maruming diaper
Image source: iStock
Dahil sa mahal ang mga bilihin ngayon, maaaring tila nakakatipid na hayaang suot ang diaper ni baby hanggang pwede pa.
Subalit mas maraming beses na umihi at dumumi ang mga newborn kumpara sa mga mas matandang baby.
Pero kung hahayaan na marumi ang suot na diaper ni baby, maaari siyang magkaroon ng diaper rash o kaya sakit gaya ng urinary tract infection na delikado para sa mga bagong silang na sanggol.
Mas mabuting maging maingat. Regular na palitan ang diaper ng iyong baby. Hindi kailangang antayin na mapuno ito o bumigat.
Kung gusto mo talagang makatipid, pwede namang gumamit ng cloth diaper si baby. Pero kailangan mong bantayan at siguruhing mapapalitan mo agad ito kapag nabasa o marumihan.
4. Sobrahan ang kanyang suot na damit
Minsan, sa kagustuhan nating protektahan sila laban sa lamig, sinusuotan natin si baby ng maraming damit, tapos babalutin pa siya ng swaddle.
Subalit nagbabala rin rito ang AAP, dahil kapag sumobra naman ang damit ni baby, tumataas naman ang posibilidad ng overheating at SIDS.
Bilang general rule, dapat ay isang layer lang ng damit ang suot ni baby. Maaari mo siyang suotan ng long-sleeves o pajama, at kapag naka-aircon, pwede mo pa siyang balutin ng swaddle.
Dahil hindi pa nakakapagsalita si baby, maaaring hindi mo maramdaman na nag-o-overheat na pala o naiinitan siya sa kaniyang damit. Posibleng hindi rin siya umiyak dahil ang mga sanggol na nakakaranas ng overheating ay nagiging lethargic o matamlay.
Kaya naman isang paraan para macheck ang kanilang temperature ay hawakan ang likod ng kanilang leeg. Kung nararamdaman mo na mainit ito at pinagpapawisan si baby, magtanggal ng isang layer ng damit.
5. Hayaan ang iyong newborn na umiyak
Ang iyong newborn ay hindi pa nakakapagsalita at ang tanging paraan nila para mapahayag ang kanilang kailangan ay ang pag-iyak. Iiyak sila kapag gutom, iiyak sila kapag inaantok o kinakabag.
May mga magulang na nag-aakalang kapag hinayaan nilang umiyak ng umiyak ang kanilang newborn, ay matuturuan o sleep train nila ito. Pero hindi ito ang kaso sa newborns at sa katunayan, lubhang delikado ang paraang ito.
Kung hahayaang umiyak ang iyong newborn umiyak nang hindi binibigyan ng atensyon, maaari itong magdulot ng mataas na stress levels, na maaaring makaapekto sa brain development ng iyong baby.
Isa pa, maaaring matutunan ng iyong baby na hindi siya makakatanggap ng atensyon at maramdaman na siya ay pinapabayaan.
Wala pang konsepto ang mga sanggol ng pag-iyak para i-manipulate ang kanilang mga magulang. Bawat iyak niya ay may dahilan, kaya huwag isipin na maii-spoil si baby kung tutugunan mo ang pag-iyak niya.
Pumunta agad sa iyong newborn kapag umiyak siya at alamin ang rason ng kaniyang kawalan ng ginhawa. Maaaring kailangan nang palitan ang kanyang diaper, gutom na siya, o gusto lang ng paglalambing.
6. Iwanan ang iyong baby mag-isa
Image source: iStock
Maraming malalang aksidente na ang napabalita dahil sa pinabayaan ng mga magulang o tagapag-alaga ang sanggol nang mag-isa. Hanggang kaya na nilang alagaan ang kanilang sarili, kailangan ng newborns ng mag-aalaga at magbabantay sa kanila.
Tandaan, bago pa lamang sila sa mundong ito at hindi nila alam kung ano ang nangyayari, kaya naman madali silang makaramdam ng takot kapag naiwang nag-iisa. Kailangan ka ng iyong baby para maging pampakalma at katiyakan na presensya.
Gayundin, malingat ka lang sandali, maaaring mayroon nang masamang mangyari sa kanila. Kaya naman siguruhin na huwag iiwanang mag-isa ang iyong sanggol. Kung kailangan mong lumabas sandali, ipabantay muna siya sa iba. Huwag mahiyang makisuyo sa iyong asawa o kaya naman kapamilya para tignan muna sa baby.
7. Bigkisan ang iyong sanggol
Paniniwala ng mga matatanda, dapat ay binibigkisan ang tiyan ni baby. Para raw maging maganda ang hugis o kurba nito. Pero ayon kay Dr. Jennifer Tiglao, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center, ang paniniwala na ito ay walang basehan at hindi na dapat sundin. Paliwanag niya,
“Tandaan po ninyo na ang bata pinanganak iyan na globular ang tiyan, ibig sabihin malaki ang tiyan kasi ang chest nila maliit pa.
And they breathe through their abdomen ibig sabihin ang paghinga nila is sa diaphragm kaya nakikita ninyo iyang umaalon kapag humihinga sila.
So iyan kapag nilagyan mo ng bigkis mas mahihirapan silang huminga. At the same time kapag dumede siya, iyong tiyan nila ay nasa gilid lang ng kanilang pusod kaya kapag tinalian ninyo mas naglulungad sila lalo na kung mahigpit at kapag busog na busog.”
Dagdag pa ng doktora, sa halip na makatulong ay maari pang makasama ang paglalagay ng bigkis sa tiyan ni baby dahil pwede itong magdulot ng infection.
“Kung may pusod pa si baby o iyong stump, hindi po iyan matutuyo kung may bigkis. At maging source pa po ng infection iyan kung iyan ay namamasa-masa.
Kasi minsan iyang bigkis nalalagyan iyan ng ihi lalo na kapag ang baby ay lalaki ang ihi niyan pataas kaya mapapansin ninyo ang bigkis basang-basa.”
8. Bigyan ang iyong newborn ng cow’s milk
Image source: iStock
Mas madali man, huwag bigyan ng cow’s milk o fresh milk ang iyong newborn. Hindi pa kasi handa ang kaniyang digestive system na i-digest ito. Maaari pa itong magdulot ng mga komplikasyon sa hindi pa developed na kidney ng iyong baby.
Ang breast milk ay may sapat na nutrients at vitamins na kakailanganin ng iyong baby (maliban kung may mga pangyayari na hindi makakapagpa-breastfeed ang ina).
Kung balak mo nang magbigay ng formula milk, bilang pag-iingat, tanungin muna ang pediatrician ni baby kung anong gatas ang pwedeng ibigay sa kaniya.
9. Iwanan si baby kapag pinapaliguan siya.
Kapag papaliguan mo si baby, mahalagang bantayan siya nang maigi. Huwag malilingat kahit saglit dahil ma.aaring malunod ang iyong sanggol sa tubig, makainom ng tubig na magdudulot ng diarrhea, o kaya naman ay mahulog mula sa mesa kung saan mo siya ipinatong.
Siguruhin na abot-kamay mo lahat ng bagay na gagamitin mo sa pagligo sa iyong sanggol upang hindi mo na kailangang lumayo. Gayundin, siguruhing mabilis lang ang pagpaligo kay baby para hindi siya lamigin. Tandaan ang pagiging handa ay napakahalaga.
10. Hayaan ang iba na bumisita nang sabay-sabay
Lahat ay excited na makita ang iyong newborn! Ngunit kapag lahat ay bumisita nang sabay sabay, maaari itong makabagabag sa iyong anak.
Bukod dito, hindi rin makakabuti na maraming hahawak at kakarga kay baby sa dahilan na mahina pa ang immune system ng sanggol, at hindi pa siya nakakatanggap ng mga bakuna na kailangan niya panlaban sa sakit.
Pahayag ni Dr. Tiglao,
“Baka may dalang sakit iyong tao na iyon at mahawa iyong anak mo. Hindi natin kilala so baka mamaya may sakit, may flu o carrier ng measles, tigdas o bulutong edi nahawa si baby.”
Mas makakabuti kung huwag munang tumanggap ng bisita sa ngayon. Sariwain mo muna ang mga araw na makakapag-bonding kayo ng husto ni baby.
11. Bigyan ang iyong newborn ng pacifier
Image source: iStock
Maaaring isang paraan para ma–soothe o mapakalma si baby ay ang pagbibigay ng pacifier, pero maaari itong magdulot ng nipple confusion, kung saan mahihirapan na si baby sa pagdede dahil sa mas gusto na niya ang hugis ng pacifier o baby bottle.
Ayon sa AAP, mas mabuting antayin muna ng magulang na masanay si baby na magdede sa kaniya o magkaroon sila ng feeding routine bago bigyan si baby ng pacifier para makaiwas sa nipple confusion. Kadalasan nangyayari ito 4 na linggo pagkatapos niyang ipanganak.
12. Mag-iwan ng stuffed toys sa tabi ng iyong natutulog na baby
Cute man tignan at magandang larawan sa Instagram, huwag na huwag mag-iiwan ng stuffed toys o anumang laruan sa crib ng iyong newborn.
Pinapataas nito ang posibilidad ng SIDS kung ang iyong baby ay gumulong at matabunan ng mga unan o anumang gamit sa kaniyang crib habang natutulog.
Ilagay lang si baby sa isang flat surface, at siguruhin na hindi rin masyadong malambot ang kutson para hindi siya lumubog at mahirapang huminga.
13. Katabing matulog ang iyong newborn
Image source: iStock
Nirerekomenda ng AAP ang room sharing kung saan matutulog si baby sa isang kwarto kasama ang kaniyang ina. Subalit hindi naman nila ipinapayo ang bed-sharing o co-sleeping sa panahong iyon, lalo na sa mga newborn.
Ito ay dahil hindi natin kontrolado ang nagagawa natin habang tulog. Maaari mong madaganan o magulungan ang iyong newborn nang hindi mo namamalayan.
Isang no-no rin ang paglagay kay baby sa iyong dibdib habang tulog kayo. Maaaring ma-suffocate ang sanggol at maaari mo siyang mabitawan nang hindi sinasadya.
Kapag tulog o inaantok na si baby, ilapag na siya sa kaniyang crib kung saan mababantayan mo siya at maririnig ang kaniyang pag-iyak.
14. Hindi paglinis sa gilagid ng iyong newborn
Wala pa man silang ngipin, mahalaga pa rin na regular na nalilinisan ang gilagid ng iyong newborn.
Gumamit ng malinis at mamasa-masang pamunas o gauze at punasan ang gilagid ng iyong anak pagkatapos niyang dumede o kaya naman pagkatapos mo siyang paliguan.
Ito ay para maiwasan ang oral thrush o pagkakaroon ng infection sa kaniyang dila.
15. Iwanan ang baby mag-isa kasama ang alagang aso o pusa
Ang mga alaga ay bahagi rin ng pamilya. Ngunit ang pag-iwan mag-isa sa ng iyong anak kasama ang family pet ay hindi dapat gawin sa newborn.
Ang mga alaga na sentro ng atensyon hanggang dumating ang newborn mo ay maaaring maging agresibo, kaya’t baka saktan nila ang iyong anak kung pabayaan mo lang. Kung may alaga, siguruhin mong hindi sila abot ng iyong newborn.
16. Pagbibigay ng tubig kapag naglungad ang sanggol
Ayon kay Dr. Tiglao, hindi dapat binibigyan ng tubig o anumang inumin ang baby maliban sa kaniyang gatas kung wala pa siyang 6 na buwan. Narito ang kaniyang paliwanag.
“Actually you don’t give water during the first 6 months of life ng bata. Kasi enough naman iyong water sa breastmilk at kung naka-formula enough rin iyong water doon.
Hindi pa kaya ng kidneys ang maraming water, we call it water intoxication din. And at the same time baka magkaroon tayo ng electrolyte imbalance like more on sodium, or more on electrolytes. Kapag nagwater ka kasi ang tendency mas hihina iyong intake ng milk ng baby.” aniya.
Ano ba ang dapat gawin ng magulang kapag naglungad si baby?
“Kapag naglungad, the moment na nagbigay ka ng water lalo siyang magsusuka. Kasi kapag naglungad iyan active pa iyan sa dibdib to lalamunan niya.
Dapat i-rest, wala ka munang ibibigay. Hayaan mo munang maglungad then rest and feed after 30 minutes.” ani Dr. Tiglao.
17. Pagkamot o pagkiskis sa cradle cap ni baby
Ang cradle cap ay ang langib sa ulo ni baby na parang balakubak. Sanhi ito ng extra sebum production sa hormones ni Mommy. Nakakairita mang tingnan, hindi ito masakit para kay baby at kusa rin itong mawawala.
Pero kung gagalawin mo o pilit na tatanggalin ito, maaari itong mairita ay magdulot ng impeksyon. Kaya dapat ay pigilan mo ang sariling galawin ito.
Alamin mo na lang ang tamang pangangalaga sa ulo ng iyong newborn dito.
Na-republish nang may pahintulot mula theAsianparent Singapore
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio at Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.