Biyayang Anghel habang pandemya - Kuwento ng isang Inang hindi inaasahan ang blessing na natanggap niya
May mga biyayang hindi mo inaasahan, pero kapag dumating, mababago ang iyong pananaw sa buhay. Tulad ng kwento ng TAP VIP mom na ito.
Paano ba mababago ng pagkakaanak ang iyong buhay? Basahin ang makabagdamdaming salaysay ni Mommy April tungkol sa kaniyang hindi inaasahang pagbubuntis.
Mababasa sa artikulong ito:
- Buhay ni Mommy April bago siya maging ina
- Ang hindi inaasahang pagbubuntis habang nagtatrabaho bilang OFW
- Magandang biyayang natanggap niya sa kabila ng pandemya
Lahat tayo ay nagulantang sa taong 2020 kung saan inideklara ang panahon ng pandemya. Buong mundo ay nakaranas ng paghihirap sa sakit, pinansyal, ang pag-adjust sa “new normal” at kung anu-ano pa. Lahat ay sinubok sa panahong ito.
Pero sa kabila nito, masasabi kong nakatanggap pa rin ako ng isang espesyal na biyaya – isang anghel.
Ano nga ba ang kahulugan ng anghel para sa iyo? Isang simpleng salita, ngunit napakaraming kahulugan.
Gusto ko lamang ibahagi ang aking karanasan kung paano ako biniyayaan ng anghel sa loob ng pandemya.
Ako ay isang tipikal na nanay na gagawin ang lahat para sa kaniyang minamahal na anak. Sino ba ang nanay na hindi?
Buhay dalaga sa ibang bansa
Pero bago ako magkaanak, masasabi kong iba ang aking buhay. Malaya at walang inaalala sa buhay. “Happy go lucky” kung tawagin.
Pupuntahan ko ang isang lugar, malayo man o malapit. Luzon, Visayas at Mindanao man ay hindi nakaligtas sa aking pagiging lagalag. Isama na rin natin ang mga ibang bansa. Basta may ginusto, dapat makuha, dapat mapuntahan. Ganiyan ang aking pag-iisip noon.
Sisimulan ko na lang ang aking kuwento sa taong 2015 na kung saan naisipan kong magtrabaho sa ibang bansa.
Pinalad akong makarating sa Dubai. Dito ko naranasan ang hirap ng pagiging isang Overseas Filipino Worker o OFW. Hindi biro ang magtrabaho sa ibang bansa at mangamuhan lalo na sa mga dayuhan. Talagang susubukin ang iyong pagkatao, talino at diskarte sa mga bagay bagay, at higit sa lahat, ang sipag at tiyaga.
Nagsimula ako sa pagiging barista at sales officer paglapag ko sa Dubai. Gaya ng nabanggit, dahil sa wala akong inaalala sa buhay, at “happy go lucky” lamang, hindi ako nakapag-ipon sa unang dalawang taon ko sa bansang iyon.
Hinayaan ko lang ang sarili ko na mag-explore sa bansang napuntahan ko. Gala rito, gala riyan, kain dito, kain diyan, bili rito, bili riyan. Sa ganun lamang umikot ang unang dalawang taon ko bilang OFW.
Makalipas ang dalawang taon, taong 2017, ako ay isang barista pa rin ngunit sa ibang kumpanya na, dito ko naranasan ang hirap at stress dahil medyo malayo sa bahay ko ang aking trabaho.
Hindi inaasahang pagbubuntis
Ito rin ang taon na nalaman kong nagkaroon ako ng munting anghel sa aking sinapupunan. Subalit sa hindi inaadyang pagkakataon, hindi ko man lang siya nakasama o nakapiling.
Nagkaroon ako ng miscarriage na maaaring dulot ng aking Polycystic Ovarian Syndrome (PCOS). Bukod dito, madalas ako makaramdam noon ng stress at pagod sa trabaho. Hindi ko inaasahan ang ganoong kaganapan sa aking buhay.
Akala ko noong mga panahong iyon ay sintomas lamang ng PCOS ang aking nararamdaman na pagbabago sa aking katawan, ngunit iyon na pala ang katapusan ng aking anghel sa aking sinapupunan. Bigla na lamang siya nalaglag nang hindi ko namamalayan na andun pala siya.
Kaya ako ay nagulat na may halong pagkadismaya. Naisip ko na lang na hindi pa rin siguro iyon ang tamang panahon at pagkakataon para dumating siya sa buhay ko.
Pagkatapos ng pangyayaring iyon, ang aking hindi inaasahang pagbubuntis, naisipan kong bumalik na lang sa Pilipinas at tumulong na lamang sa negosyo ng aming pamilya.
Pero matapos na naman ang dalawang taon, nagdesisyon akong bumalik ulit sa Dubai para magtrabaho. Dinalangin ko sa Maykapal na bigyan ako ng magandang karera sa trabaho at humiling din ako uli ng anghel.
BASAHIN:
Zeinab Harake: “Hindi ito mistake (pagbubuntis). Hindi ito karma, blessing ito galing kay God.”
“When I got miscarriage. Gumaling ang PCOS ko and after 6 months.. I got pregnant again.
“
Anghel na babago sa kaniyang buhay
2019 – ito ang taong masasabi kong maayos na ang aking karera sa trabaho. Kuntento ako sa bagong kumpanya at posisyon na aking tinatahak. Nakapasok ako sa isang magandang kumpanya bilang Guest Relations Manager. Pakiramdaman ko, ipinagpala noong taong iyon.
Ngunit, hindi ko rin inaasahan na sa loob lamang ng anim na buwan, ako ay magdadalang-tao. Naisip ko na sobrang bilis naman sagutin ng Diyos ang aking mga dasal – siksik, liglig at nag-uumapaw na biyaya.
Makalipas ang ilang linggong pag-iisip, napagdesisyunan kong bitiwan ang tinatahak na karera at piliing alagaan ang mumunting anghel sa aking sinapupunan.
Dahil ito rin naman ang matagal ko nang dasal sa Poong Maykapal. Hindi ako nagdalawang-isip at agad akong umuwi ng Pilipinas noong Pebrero 2020.
Matapos ang isang buwan, idineklarang lockdown ang Pilipinas. Naisip ko, siguro isa na ring blessing in disguise ang nangyari, ang aking pag-uwi.
Nasabi ko noon na doble suwerte ang taong 2020, ngunit parang kabaliktaran naman ang pangyayari. Nangyari na nga ang pandemya; ang taon kung saan walang katiyakan kung kailan magiging normal ang mundo, kung kailan manunumbalik sa makulay, masigla at masayang paligid. Ang taon na masasabi kong delubyo para sa karamihan.
Subalit ito rin ang taong isilang ko ang aking munting anghel. Pakiramdam ko, ako ay ibang tao na pagmulat ng aking mata matapos ko siyang mailuwal.
Biyaya sa kabila ng pandemya
Masasabi ko pa rin na pinagpala ako ng Maykapal, dahil hindi ako pinabayaang mahirapan sa aking panganganak. Napanatili kong malusog ang aking pangagatawan para sa aking munting anghel. Naging madali ang aking hindi inaasahang pagbubuntis, bagamat ingat na ingat pa rin ako sa takot na maulit ang nakaraan.
Ngayon taon ng 2021, malapit na mag isang taong gulang ang aking munting anghel – ang aking anak na si Amanda Angelair. Lalaki man siyang iba ang kaniyang makakagisnang normal, masaya pa rin ako dahil magkasama kami at kumpleto ang aming pamilya.
Pipilitin ko pa ring iparanas at iparamdam sa kanya ang dating normal na buhay na nakagisnan natin. Kung saan malaya kang makakapaglaro at tumakbo sa kalsada, malaya kang makakapunta kung saan mo man naisin, magagawa mong lumabas nang walang iniisip, ng walang suot na face shield at face mask.
Hindi man masaya ang kapaligiran at kapos man sa salapi, tuloy pa rin ang buhay, at idadalangin na lamang na maging “virus-free” na ang buong mundo.
Dahil sa aking pinagdaanan, natuto akong maging positibo. Kahit dumaraan tayo sa pagsubok ngayong pandemya, ako ay nagpapasalamat pa rin sa Diyos.
Sapagkat binigyan niya ako ng isang malusog, maganda at aktibong batang anghel na babae na naging dahilan para makumpleto ng pagkatao ko at magsisilbing ilaw at gabay para sa akin.
Kayo, ano ang magandang naidulot sa inyo ng pandemya?
TUNGKOL SA MAY-AKDA
Si April Samonte ay nagtapos sa kursong BS Hotel and Restaurant Management, na naging daan para makapagtrabaho siya sa ibang bansa bilang isang barista at manager. Ngayon siya ay isa nang negosyante at maalagang ina sa anghel niyang si Amanda.