Hi po sa lahat ng Mommies.
Unang pagbubuntis ko pa lang po ito. Mag-aanim na buwan na po ngayon ang aking ipinagbubuntis. Share ko lang po itong kakaibang paglilihi ko noong first trimester ko pa lang po.
Isang araw po kasi noon gusto ko bumili ng hinog na saging na saba dahil parang naglalaway ako kasi gusto ko po talaga kumain. Dali-dali naman naghanap ang partner ko para makabili at makain ko talaga kasi nga daw po naglilihi ako, iyon din kasi ang panay sabi ng mama niya na bilhin kung ano daw po ang gusto kung kainin.
Kinabukasan bandang hapon ko na siya naluto pero gabi ko na po siya nasimulang kumain. Pagkagabi po non, gutom na ako kaya sinimulan ko na siyang kainin pero ang pinagkaiba naghanap ako ng pwede kong sawsawan nito.
Buti na lang po pagtingin ko sa kusina namin ay may mantika ng baboy at kumuha ako ng sakto lang tsaka kumuha na rin ako ng asin ng makita ko ito at hinalo doon sa mantika.
Nang magawa ko na po ang sawsawan, sarap na sarap po ako sa pagkain ko ng saging na saba na sinawsaw ko sa mantika ng baboy na may asin. Halos maubos ko po ang lahat ng hinog na saging na nilaga ko po.
Nag-aya ako sa mga kasamahan ko dito sa bahay sa partner ko at sa kanyang mga kapatid na subukan din nilang isawsaw ang hinog na saging na saba para masubukan nila o ‘di kaya matikman nila kung ano man ang lasa pero ayaw naman nila.
Sanay daw kasi sila na walang sawsawan lalo na ‘pag hinog na ang saging kasi nagsasawsaw lang po sila pag hilaw po talaga ang saging at iyon naman talaga ang nakasanayan na natin bilang mga Pilipino na sanay kumain nito.
Iyon lang po at Maraming Salamat po sa pagbabasa ng aking kakaibang paglilihi.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!