5 gamot sa constipation para sa mga buntis

lead image

Narito ang limang paraan at gamot sa constipation na safe para sa mga buntis.

Ang hirap sa pagdumi ay isa sa mga normal na nararanasan ng isang babae habang nagdadalang-tao. Dagdag pa dito ang infrequent bowel movements at pananakit ng tiyan na mga sintomas din ng constipation.

gamot hirap sa pagdumi sa mga buntis

Image from Pexels

Bakit nakakaranas ng hirap sa pagdumi ang mga buntis

Ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa Acta Obstetricia et Gynecologica Scandinavica, ang constipation ay normal at nararanasan ng tatlo sa apat na babaeng nagdadalang-tao.

Ilan sa itinuturong dahilan nito ay ang hormonal changes, minimal physical exercise at low-fiber diet.

Ito ay dulot din ng pressure ng lumalaking uterus ng isang buntis sa kaniyang intestines na nagpapabagal sa paggalaw ng mga pagkain at waste sa loob ng kaniyang tiyan.

Ang constipation ay isa ring side effect ng pag-inom ng iron na makikita sa mga pre-natal vitamins ng mga buntis.

Ganoon pa man, ang hirap sa pagdumi o constipation sa mga buntis ay maari namang maiwasan at masolusyonan.

Ang mga sumusunod ay ilan sa paraan at gamot sa constipation na safe para sa mga babaeng nagdadalang-tao.

5 Gamot sa constipation sa mga buntis

1. High fiber diet.

Ang pagkakaroon ng high fiber diet ay isang paraan para makaiwas sa constipation ang isang babaeng nagdadalang-tao.

Ang pagkain ng mga pagkaing high at rich in fiber din ay nagsusupply ng kinakailangang vitamins at natural antioxidants ng isang buntis.

Sa araw-araw, ang isang buntis ay dapat nagcoconsume ng 25 to 30 grams ng dietary fiber na makikita sa mga prutas, gulay, beans, peas, cereals, prunes at whole-grain bread.

2. Pagpapanatiling hydrated o pag-inom ng maraming tubig.

Ang pag-inom ng maraming tubig ay mahalaga sa isang babaeng nagdadalang-tao lalo na’t tumataas rin ang fiber intake nito.

Ito ay makakatulong para mapanatiling soft ang bowels o dumi ng isang buntis. Sa ganitong paraan ay mas mabilis na makakagalaw ang pagkain sa digestive tract nito at maiiwasan ang constipation.

Ang mga babaeng buntis ay dapat umiinom ng hindi bababa sa walong 12 ounces na baso ng tubig sa isang araw.

3. Pagkain ng smaller meals.

Ang paghahati rin ng pagkain ng buntis sa mas maliliit na meals ay makakatulong na maibsan ang hirap sa pagdumi. Sa pamamagitan nito ay mas mada-digest ng tiyan ng mas mabilis ang pagkain at maililipat sa intestines at colon ng mas madali.

Ang pagkain na malalaki at mabigat na meals kasi ay maaring maka-overload ng tiyan ng isang buntis na nagpapahirap sa digestive system na tunawin at i-process ito.

4. Pag-e-exercise o pagkakaroon ng regular na physical activity.

Ang pagkakaroon ng regular na physical activity ay makakatulong ring maibsan ang constipation sa mga buntis.

Ang mga exercises gaya ng walking, swimming at iba pang moderate exercise ay nakakatulong sa intestines ng isang buntis sa pamamagitan ng pag-iistimulate ng kanilang bowel movements.

Inirerekumenda na ang mga babaeng nagdadalang-tao ay dapat na nag-eexercise ng tatlong beses sa isang linggo sa loob ng 20 to 30 minuto.

Ngunit para makasiguro ay ipinapayong i-check muna sa iyong doktor kung anong mga exercise ang safe kay baby at sayo.

5. Pag-inom ng over-the-counter medicines.

Kung ang mga natural na paraan naman na nabanggit ay hindi naging epektibo sa isang buntis, ang mga doktor ay maari ring magreseta ng mga stool softerners o gamot sa constipation gaya ng Colace. Ngunit ito ay panandaliang lunas lamang dahil ang matagal na paggamit ng Colace ay maaring magdulot ng dehydration at pagbabago sa electrolyte balance na makasasama sa isang babaeng nagdadalang-tao.

Ang stool softeners gaya ng Colace ay makakatulong na basain ang dumi upang ito ay mas madaling lumabas.

Malaking tulong ito sa mga babaeng buntis na hirap sa pagdumi lalo na kung ito ay dulot ng mga iron supplements na kailangan nilang inumin.

Ang mga stool softeners ay medications o mga gamot na kailangang i-intake, kaya naman mas mabuting i-check muna sa doktor kung safe ito para sayo at sa baby na dinadala mo.

Maliban sa iron ay maaring magdulot rin ng constipation ang sobrang calcium intake na makukuha sa mga dairy products. Kaya naman dapat ding maghinay-hinay sa pagkain ng mga pagkaing may mataas na content nito.

Ang constipation ay normal lamang sa mga buntis. Ito nga ay sinasabing isa sa mga side effect ng pagdadalang-tao. Ngunit ito naman ay maaring malunasan at higit sa lahat ay maiwasan. Kailangan lang sundin ang mga nabanggit na paraan at tiyak na ang hirap sa pagdumi sa isang buntis ay hindi na mararanasan.

 

Sources: HealthLine, EverydayHealth, American Pregnancy

Basahin: Constipation in pregnancy: Causes and prevention

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!