9 posibleng dahilan kung bakit nahihirapan sa paghinga

Bakit nga ba nakararanas ng hirap sa paghinga? Ano ang puwedeng gawin para rito?

Hirap bang huminga ang iyong anak? Narito ang ilang posibleng dahilan at anong dapat mong gawin.

Ang paghinga ang pinakanatural na ginagawa ng isang tao. Anuman ang iyong ginagawa ngayon, nagagawa mo ito nang hindi iniinda ang iyong paghinga.

Kaya naman labis na nakakapag-alala kung nahihirapang huminga ang isang tao, lalo na kung bata ito. Kadalasan kasi, posibleng senyales ng isang mas matinding karamdaman kapag hirap sa paghinga. Subalit paano mo nga ba malalaman kung hirap huminga ang isang tao at ano ang mga posibleng dahilan nito?

Paano malalaman kung hirap sa paghinga ang bata?

Isang paraan para malaman kung nahihirapang huminga ang bata ay alamin ang kaniyang breathing rate. Bilangin mo ang kaniyang paghinga sa loob ng isang minuto. Narito ang normal breathing rate ng mga bata ayon sa kanilang edad:

    • 60 breaths per minute para sa mga baby edad 0-5 buwan.
    • 50 breaths per minute para sa mga baby edad 6-12 buwan.
    • 40 breaths per minute para sa mga batang may edad na 1-5.
    • 20-30 breaths para sa mga batang nasa school age.

Ang normal breathing rate ay bumababa habang lumalaki ang bata. Halimbawa, kapag ang breathing rate ng isang 6-taong gulang na bata ay mahigit sa 30, masasabing hindi ito normal at kailangang patingnan sa doktor.

Narito pa ang ilang sintomas ng paninikip ng dibdib o hirap sa paghinga ang tao:

  • Lalo na sa mga sanggol, mapapansin mo kung tumataas ang kanilang dibdib kapag sila ay humihinga
  • Lumalaki ang butas ng ilong kapag humihinga
  • Hinihingal
  • Namumutla o kaya nagiging blue ang kulay ng kanilang balat, labi o kuko
  • Pananamlay
  • Halak o may kasamang tunog ang kanilang paghinga

Mga sanhi ng hirap sa paghinga

Maraming posibleng sanhi ang nararanasang hirap sa paghinga. Karaniwan ay konektado ang mga ito at may posibilidad na maging malubha kung hindi agad maagapan at mabigyan ng tamang lunas.

hirap-sa-paghinga

Paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga | Image from Freepik

  • Viral infections

Karamihan ay nakakaranas ng hirap sa paghinga kapag nagkakaroon ng sipon dahil sa mga nakukuhang virus. Kapag ang sipon ay hindi nailabas at namuo, maaari nitong mabarahan ang ating sinuses o tinatawag na sinusitis, na magdudulot ng hirap sa paghinga na tumatagal ng dalawa hanggang tatlong linggo.

  • Allergies

Posible ring mayroon tayong malanghap sa ating kapaligiran na magiging dahilan kung bakit tayo mahihirapang huminga. Ang mga taong may allergies ay maaaring makaranas ng sipon, pagsara ng lalamunan o pangangati at pagpapantal. Ang sipon at pagsara ng lalamunan ay makakapagpahirap sa paghinga ng taong may allergies.

  • Hika

Kung napapansin ang ubo ng iyong anak ay may kasamang hingal o halak, posible na hika ang sanhi ng hirap sa paghinga.

Ang taong inaatake ng hika ay makakaranas ng pagsasara ng mga airways papunta sa baga. Maaaring makaranas ng pag-ubo at paninikip ng dibdib ang taong may hika. Ang pangunahing dahilan ng pag atake ng asthma ay alerhiya.

  • Emphysema

Ang emphysema ay isang kondisyon kung saan nasisira na ang air sacs sa ating baga. Kapag nasira na ang mga ito, lumuluwag ang espasyo sa iyong baga, bumabagal ang pagdaloy ng oxygen at nagiging mahirap na para sa tao ang huminga.

Isa sa mga pangunahing sanhi ng sakit na ito ay ang paninigarilyo.

BASAHIN:

Sintomas ng pulmonya sa bata na dapat mong bantayan

Hika ng bata: Lahat ng impormasyon na kailangan mong malaman

Ubong hindi mawala-wala? Ito ang dapat gawin mo!

  • Bronchitis

Ang bronchitis naman ay isang sakit kung saan maraming plema ang pasyente, kaya namamaga ang kaniyang airways at nababara ito, sanhi para mahirapan siyang huminga.

  • Pulmonya

Ang pulmonya o pneumonia ay isang bacterial infection na nagiging dahilan ng pamamaga ng airways sa baga. Maaaring mapuno ang mga ito ng tubig o nana.

Ayon kay Dr. Romina Gerolaga, isang pediatrician at eksperto sa pediatric pulmonology sa Makati Medical Center, kapag may pulmonya ang bata, nababarahan ang baga, lumiliit ang daluyan ng hangin kaya nahihirapan siyang huminga.

“Ang lung tissue ay may laman na air sac. Kapag may mikrobyo, lalabanan ng katawan kaya namamaga. Dahil doon, puwedeng magkaroon ng bara at pamamaga (ang baga).

Liliit ito, hindi makakapasok ng maayos ‘yong hangin kaya ‘yong ibang may pulmonya, nahihirapang huminga.” aniya.

  • Kanser sa baga

Posible ring mabarahan ng cancer cells ang baga ng isang taong may lung cancer kaya bukod sa hirap sa paghinga ay makararanas rin siya ng ubo,  sipon na may dugo, paninikip ng dibdib at paghingal, kahit wala naman siyang ginagawang nakakapagod na physical activity.

  • Tuberculosis

Mas kilala sa tawag na TB, ang tuberculosis ay isang nakakahawang impeksiyon na umaatake sa baga ng isang tao. Maaari rin itong kumalat sa utak at galugod. Ito ay nakukuha dahil sa bacteria na tinatawag na mycobacterium tuberculosis.

  • May nakaharang na bagay sa airways

Posible rin naman na kaya nahihirapang huminga ay dahil mayroong nalanghap o nakaing bagay na nakakabara sa daluyan ng hangin sa ating baga. Kaya naman napaka-importante na ilayo sa mga bata ang mga bagay o pagkain na tinatawag na “choking hazards.”

Nahihirapan huminga: Paano ito sinusuri ng mga doktor?

Kadalasan ay  nagsasagawa ng isang physical examination ang doktor para suriin ang problema sa paghinga. Kasama ng pag-aaral ng medical history ng pasyente at iba pang pagsusuri, malalaman ang tunay na pinagmumulan ng hirap sa paghinga.

hirap-sa-paghinga

Nahihirapan huminga | Image from Freepik

Para sa pulmonya, ginagawa ang tinatawag na pulmonary function tests upang makita ang pinsala sa baga. Kasama nito ang spirometry, kung saan tinitignan kung gaano karami ang kayang ibuga na hangin, at methacholine challenge.

Ang ibang doktor ay humihingi ng X-ray ng dibdib o CT scan upang makita kung may kalamnan na nagiging sanhi ng hirap sa paghinga. Kung may sinusitis ang pasyente, may mga doktor na nanghihingi ng CT scan sa sinus.

Kapag nasuri na kung ano ang ugat na pinagmumulan ng hirap sa paghinga, maaari nang matukoy ng eksperto ang tamang gagawin o lunas sa hirap sa paghinga para matulungan ang pasyente.

Paano napapagaan ang hirap sa paghinga?

Kapag napansin ang paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga ang iyong anak o sinumang miyembro ng pamilya mas mabuting dalhin siya agad sa doktor para masuri at mabigyan ng agarang medikal na atensyon.

Subalit kung hindi kaagad makakapunta sa doktor, narito ang ilang home remedy sa hirap huminga na pwede mong subukan.

  • Magpahinga sa kwartong may aircon. Ang air conditioner kasi ay nakatutulong dahil pinapababa nito ang humidity at nafi-filter ang mga alikabok.
  • Huminga nang malalim mula sa diaphragm. Umupo rin ng nakataas ang ulo para mas maging maginhawa ang iyong paghinga.
  • Habaan ang iyong pag-exhale at huminga at bumuga ng hangin na parang umiihip ka sa straw.
  • Magsuot muna ng maluwag na damit.

Para sa mga taong may hika at allergies, kailangan alamin at iwasan kung ano man ang nagiging dahilan ng pag-atake ng kanilang sakit. Maaaring alikabok o balahibo ng hayop ang mga ito kaya imumungkahi ng mga doktor na umiwas o kaya ay magsuot ng mask.

Ang mga antihistamines naman na gamot ay makakatulong sa mga inaatake ng allergies upang mapagaan ang kanilang paghinga. Maaari itong inumin o i-spray sa ilong.

hirap-sa-paghinga

Paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga | Image from Freepik

Mayroong mga klase ng steroids para sa mga may allergies at pabalik-balik na sinusitis. Pinapaluwag nito ang paghinga sa pamamagitan ng pagpapagaling sa namamagang daanan ng hangin.

Ang gamot sa asthma, dinadaan sa pamamagitan ng paggamit ng inhaler. Tinutulungan nitong paluwagin ang daluyan ng hangin pati na rin ang sobrang plema na maaaring bumara.

Home remedies para sa hirap sa paghinga at paninikip ng dibdib

Maaari ring subukan ang ilan sa madalas gawin at epektibong home care o home remedies para sa hirap sa paghinga at paninikip ng dibdib.

Bukod sa mga relaxation techniques o exercises para maibsan ang hirap sa paghinga at paninikip ng dibdib. Mayroon ding ilan sa mga recommended ng doktor na maaaring gawin sa bahay ng indibidwal na nakakaranas nito,

Makatutulong ang steam inhalation upang malinis ang daanan ng hangin sa ating katawan na mas makatutulong din mas maayos na paghinga at pagbalik ng normal na paghinga.

Ang init at moisture  na dala ng steam inhalation ay makapagpapatunaw din ng mga mucus o uhog na di mailabas sa ating mga baga. Kung nais subukan ang steam inhalation maaaring gawin ang mga sumusunod:

  1. Punan ang bowl ng napakainit na tubig.
  2. Maglagay o magdagdag ng ilang patak ng peppermint o eucalyptus essential oil.
  3. 3.Ilagay ang mukha sa ibabaw ng bowl o mangkok.
  4. Lagyan ng towel ang ibabaw ng ulo, at simulan ang paghinga ng malalim.

Iwanan muna ang napakainit na tubig upang bahagyang lumamig upang hindi mapaso ang balat sa mukha.

  • Pag-inom ng kapeng barako o black coffee. 

Ang pag-inom ng kapeng barako ay makapagpapagaan ng iyong paghinga, dahil ang caffeine sa loob nito ay nakababawas ng paninikip ng mga kalamnan o organo sa daanan ng hangin ng isang tao.

Mahalagang tandaan pa rin na ang sobrang pag-inom ng kape ay makapagpapabilis ng tibok ng puso o palpitations. Kaya nararapat bantayan ang limitahan ang pag-inom nito. Siguraduhin na hindi labis ang pag-inom ng kapeng barako.

  •  Pagkain ng sariwang luya.

Ang pagkain ng fresh na luya ay makatutulong para sa maayos na paghinga. Maaari rin ang paghalo at paglagay ng mainit na tubig sa fresh na luya saka inumin.

Maaari rin makatulong ang luya sa anumang respiratory infections na siyang nagpapasikip ng dibdib at pagkahirap sa paghinga.

  • Stay hydrated.

Makatutulong ang pag-inom ng 8 basong tubig sa isang araw upang lumuwag ang pakiramdam at maiwasan ang dehydration o anumang mapanganib na sirkumstansiya. Kabilang din ang pag-inom ng mga fruit juices at lime o lemon water.

Gamot sa paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga

Sa pangangasiwa ng ating kalusugan, lagi’t laging mayroong mga medicinal na gamot na makatutulong sa atin sa mas mabilis na pagpawi ng mga kondisyon sa kalusugan.

Tulad sa paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga, mayroon din mga gamot at lunas para ditto. Ngunit bago ang pag-intake ng mga ito, dapat na bantayan muna ang anumang sintomas upang maiwasan ang mas malubhang kaso.

Nakakaalarma para sa atin kung ang isang tao o miyembro ng pamilya natin ay makararanas ng paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga.

Kadalasang indikasyon kasi ito ng pagka-paralyze o ng atake sa puso. Sa uulitin, ang mga gamot ay dapat nakadepende sa sanhi ng sintomas at mainam na isangguni muna ito sa mga doktor.

Ito ang ilan sa mga dapat tandaan: 

  • Kung ikaw mayroong hika, emphysema, or chronic bronchitis, reresetahan ka ng doktor o nars ng nebulizer at inhaler. Gamit ito upang maayos ang paglanghap ng hangin na kinakailangan ng iyong katawan.
  • Kung ang pagkahirap sa paghinga at pananakip ng dibdib ay nasuri ng doktor at dahilan ito ng pamumuong dugo o mucous sa iyong baga, bibigyan ka ng anticoagulant, gamot na maaaring ipainom o i-inject sa katawang, na siyang makatutulong sa mabilisang pagtunaw nito at upang makahinga ng maayos.
  • Maaari ring mag-prescribe ang iyong doktor ng mga antibiotics para sa paninikip ng dibdib.
  • Mga water pills, kung mayroong tubig sa daanan ng iyong hangin.
  • Bronchodilator na irereseta ng doktor para ma-relax ang baga at mga daanan ng hangin.
  • Kung ang sintomas na nararamadaman ay nasuri na mula sa pagiging anemic ng isang tao, bibigyan ito ng mga iron supplements.
  • Mucolytic. Gamot na nililinis ang baga, daanan ng hangin, bronchi at trachea.
  • Kung ang hirap sa paghinga, ay lumalala at sadyang malubha, gagamitin na ito ng mga doktor ng mechanical ventilation o ang pagkabit ng tubo sa bibig o lalamunan upang maisagawa ang paghinga.

Lahat ng sintomas ay siyang susuriin muna ng doktor bago magreseta ng gamot na mainam na panggamot sa sanhi ng paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga.

Tandaan, huwag magbibigay ng anumang gamot lalo na sa bata ng walang reseta o payo ng doktor.

 

Karagdagang ulat mula Jasmin Polmo

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!