10 home remedies para sa kabag ng baby

10 home remedies para sa kabag ng baby

Subukan ang ilang simpleng solusyon na ito, gamit ang ilang bagay at kagamitan na makikita sa bahay.

Home remedy para sa kabag ng baby

Para sa mga nababahalang Mommies, may mga epektibong paraan para kumalma si baby kapag siya ay kinakabag. Narito ang mga home remedy para sa gamot sa kabag ni baby na puwedeng gawin ng mga magulang para maibsan ang mga sintomas ng kabag.

home-remedy-para-sa-kabag

Mabisang gamot sa kabag | Image from Dreamstime

Bago ang lahat, tingnan muna ang kaibahan ng ordinaryong pag-iyak at ang masakit na kabag.

Umiiyak lang May kabag na
  • Anumang oras sa maghapon
  • Paminsan-minsan lang, at hindi nagtatagal ng ilang minuto; tumatahan din agad
  • Kahit anong edad ay nangyayari ito
  • Sanhi ng gutom, pagod, antok, sobrang basang diaper, at tumatahan din kapag naasikaso na ang problema
  • Kadalasan ay parehong oras, lalo na sa gabi
  • Tumatagal ng ilang oras (minsan hanggang tatlong oras pa)
  • Nagsisimula ng 2 hanggang 3 linggo pagkapanganak, hanggang 4 na buwan lang
  • Kahit anong gawin ay hindi pa rin tumatahan

Ayon kay Dr. Regent Andre Piedad, MD, ang pinaka-epektibong home remedy para sa kabag ay kadalasang “homemade,” o matatagpuan lang sa loob ng bahay. Narito ang 10 home remedy para sa kabag.

1. Kumot o swaddling

Ang pagbalot sa isang sanggol ang siguradong makakatulong sa pagpapatahan. May mga sanggol din na naghahanap ng yakap o init ng katawan ng nag-aalaga.

2. Basang tuwalya

Maglagay ng tuwalya (ibinabad sa maligamgam na tubig) at ilapat sa tiyan ng sanggol, na epektibong nakakaalis ng gas sa tiyan. Puwede ring gumamit ng boteng may laman na mainit-init na tubig bilang home remedy para sa kabag.

3. Rocking chair o duyan

Dahil “gas” ang pangunahing sanhi ng kabag, ang pag-ugoy o pagduyan sa sanggol ay nakakatulong na mailabas niya ang kabag sa tiyan. Kumanta din ng mahina o magpatugtog ng musikang nakakapagpakalma.

4. Iupo ang sanggol kapag dumedede

Nababawasan kasi ang hangin na pumapasok sa tiyan niya kapag paupo siyang umiinom mula sa bote o mula kay Mommy.

5. Subukang gawing mas madalas pero mas kaunti ang pagdede.

Sa ganitong paraan, nababawasan din ang pagpasok ng hangin dahil sa pagdede.

6. Mag-ingat sa mga kinakain

Mommy, iwasan muna ang tea, kape, spicy food at alak kung nagpapasuso kay baby. Ang mga ito ay nakakapagpalala sa sintomas ng kabag. Kapag nawala na ang dalas ng kabag ni baby, pwede namang ibalik ulit ang paginom ng mga ito.

home-remedy-para-sa-kabag

Mabisang gamot sa kabag | Image from Dreamstime

7. Pumili ng tamang bottle teats o tsupon para sa bote

Kapag masyado kasing maliit ang butas, mas maraming hangin ang papasok sa sistema ng sanggol. Magtanong muna sa sales clerk bago bilhin ang mga tsupon.

8. Siguraduhing padidighayin si baby tuwing pagkatapos dumede

Pagkadede, paupuin sa kanlungan, o kargahin ng patayo ang sanggol, habang isinasandal ang ulo ni baby sa balikat at sinusuportahan ang leeg niya. Tapikin nang marahan o hagudin ang likod ng bata, hanggang marinig ang dighay.

9. Isakay sa stroller o sa kotse ang bata

Isang pinakaepektibong paraan ng pagpapakalma ay ang paglakad kay baby sakay ng stroller, lalo sa labas ng bagay. Sariwa ang hangin at iba ang paligid—ito ang kailangan minsan ng mga batang nag-iiiyak. Ang iba pa ay isinasakay sa kotse ang sanggol (may car seat, siyempre) at nagmamaneho kahit sa paligid lang ng subdivision. Ang tunog kasi ng makina ng kotse at ang paggalaw ay nakakapagpakalma sa mga sanggol.

10. Maghanap ng appliances sa bahay na may mahinang tunog, at gamitin ito

Ang anumang “white noise” o background noise ay epektibo sa pagpapatahan ng umiiyak na bata. Maaaring isakay siya sa isang sitter at ilagay ito sa tumatakbong washing machine, o kaya ay buksan ang vacuum cleaner at hayaang marinig ng bata ang mahinang ingay nito.

Ilang maling gamot o home remedy para sa kabag:

Ayon pa rin kay Dr. Piedad, ang mga nakalista sa ibaba ay ilang nakasanayan nang paggamot ng ilang pamilya, na hindi nararapat gawin, at walang kabutihang maidudulot.

home-remedy-para-sa-kabag

Mabisang gamot sa kabag | Image from Dreamstime

  • Rice cereal na inihahalo sa gatas. Isa itong choking hazard, at napatunayan nang walang maidudulot na anumang kabutihan sa kondisyon ng bata.
  • Herbal remedies tulad ng chamomile at gripe water. Wala pang aprubadong herbal remedy para sa mga sanggol, pati mga gamot na nabibili ng over-the-counter o walang reseta ng doktor. Tandaan na ang mga sanggol, lalo ang wala pang isang taon ay sensitibo sa maraming bagay o ingredient na maaaring nakahalo sa mga herbal medicine na ito, tulad mg alcohol at opiates. Maaari ding magkaron ng allergic reactiona ang sanggol.
  • Anumang gamot o drops na ipapainom sa bata nang walang rekumendasyon ng doktor ay delikado. Kapag nababahala sa labis na pag-iyak, ikunsulta agad sa pediatrician.

Ang batang kinakabag ay nakaka-stress din sa mga magulang at tagapag-alaga. Mahalagang magpahinga at humanap na makakahalinhinan sa pag-aalaga, kahit sandali lamang, para hindi din ikaw ang magkasakit.

Ipaalaga muna ang sanggol sa iba, at humiga, kumain, lumabas ng bahay at maglakad-lakad, ang iba ay nagbibisikleta pa nga o kaya naman ay nagmamaneho kahit papunta lang sa supermarket para bumili ng kahit ano—makalabas lang ng bahay at mapahinga ang tenga sa iyak ng bata. Tandaan na kapag pagod at stressed ang nag-aalaga, wala rin itong maitutulong sa umiiyak na sanggol.

Ang mga home remedy para sa kabag na nakalista sa itaas na gamot sa kabag ng baby ay tiyak na makakatulong na maibsan ang nararamdaman ng bata, pati na rin ni Mommy at Daddy. Nawawala din ang kabag o colic lalo na paglagpas ng 4 na buwan. Kaya’t huwag magpaka-stress, at humanap ng solusyon na sakto sa inyo ni baby.

 

Basahin:  Gamot para sa kabag ni baby

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

Article Stories
app info
get app banner