14 gamit sa bahay na mapanganib sa iyong anak

lead image

Sa pamamagitan ng mga home safety tips na ito, mapapanatag ang loob ng mga magulang at masisigurado nilang mas ligtas ang kanilang mga anak.

Maraming mga magulang ang naniniwala na ang kanilang tahanan ang pinakaligtas na lugar para sa sa kanilang mga anak. Ngunit alam niyo ba na kung mayroong kakulangan sa pag-iingat, ay mayroong mga gamit sa bahay na lubhang mapanganib para sa mga bata.

Kaya't mabuting sundin ang mga sumusunod na home safety tips, para makasiguradong magiging ligtas palaga ang iyong anak, lalong-lalo na sa sarili ninyong tahanan.

Home safety tips: 14 gamit sa bahay na mapanganib sa iyong anak

1. Crib

Ang isa sa mga pinakakinakailangang tutukan ng mga magulang ay ang crib ng kanilang mga anak. Ito ay dahil dito madalas nakahiga si baby, at mataas din ang posibilidad ng panganib dito kapag hindi nag-iingat.

Importanteng huwag mag iwan ng kung anu-anong mga gamit sa crib, at hangga't maaari ay maglagay lang dito ng kutson na mayroong masikip na bedsheet. Hindi na kinakailangan maglagay ng mga kumot, unan, o kung anu-ano pang mga bagay dahil posible lang itong maging sanhi ng injury, at mas tumataas ang posibilidad ng SIDS dahil sa mga gamit na ito.

2. Changing table

Sa mga magulang na gumagamit ng changing table, importanteng siguraduhing ligtas ito. Huwag na huwag papabayaan si baby sa taas ng changing table, dahil baka siya gumulong at mahulog dito.

3. Mga pinto

Kapag marunong nang gumapang o maglakad si baby, siguraduhing gumamit ng mga childproof na doorknob para hindi nila aksidenteng mabuksan ang mga pinto. Bukod dito, mahalaga ring palaging bantayan si baby para hindi sila mabangga, o kaya naman ay mauntog sa mga pinto.

4. Blinds at mga bintana

Ang mga tali ng blinds ay hindi dapat hinahayaang nakalaylay lang. Ito ay dahil baka maabot ito ng mga bata, at posible silang masakal nito kapag napaglaruan, kaya mahalagang itali ito upang hindi nila maabot.

Bukod dito, ang mga bintana rin ay mapanganib sa mga bata, dahil posible sila ditong mahulog. Siguraduhing hindi makakaakyat ang iyong anak sa mga bintana, at ilayo ang kanilang mga crib, higaan, at iba pang puwedeng akyatin sa mga bintana. Nakakatulong rin ang paglalagay ng screen sa mga bintana.

5. Mga laruan ni baby

Huwag bigyan si baby ng mga maliliit na laruan, dahil mahilig ang mga bata na sumubo at magpasok sa kanilang mga bibig ng kung anu-anong mga bagay. Importante rin na iligpit ang kanilang mga laruan matapos maglaro upang walang makaapak o kaya madulas sa mga ito.

6. Pagkain

Mahalaga rin na maging maingat sa mga kinakain ni baby. Umiwas muna sa mga maliliit na pagkain tulad ng grapes, dahi posible itong bumara sa kanilang lalamunan at maging sanhi ng choking.

7.  Furniture sa bahay

Ang isa sa mga pinakamahalagang home safety tips na dapat tandaan ay ang paglalagay ng mga protector sa kanto ng mga upuan, lamesa, at iba pang furniture. Ito ay upang hindi ito makasakit kay baby kung sakaling siya ay mauntog o kaya mabunggo sa furniture.

8. Mga appliances

Huwag hayaang nakasaksak ang mga appliances sa bahay, at siguraduhing nakapatay ang mga ito. Mahalaga rin na hindi maabot ng mga bata ang appliances upang hindi nila ito subukang paglaruan o kaya kalikutin.

9. Saksakan ng kuryente

Hangga't-maaari, hindi dapat maabot ng mga bata ang outlet sa bahay. Ngunit kung hindi maiiwasan, siguraduhing lagyan ng mga outlet covers ang mga ito upang hindi nila ito kalikutin o kaya tusukin.

10. Mga lason

Lahat ng mga bagay na nakakalason tulad ng insecticide, panlinis ng banyo, atbp, ay dapat nakalagay sa mataas na cabinet na hindi maaabot ng mga bata. Siguraduhin rin na huwag iwan sa kung saan-saan ang mga ito matapos mong gamitin.

11. Mga gamot

Ang mga gamot ay kadalasang inaakalang candy ng mga bata, at kung kumain sila ng marami nito ay lubhang mapanganib. Siguraduhing nakalagay sa mataas na lugar ang mga gamot, at kung maaari ay gumamit ng mga child-proof na bote ng gamot upang hindi nila ito aksidenteng mabuksan.

12. Sa banyo

Huwag pabayaan mag-isa sa banyo ang iyong anak, kahit na inaakala mong safe sila rito. Ito ay dahil posible silang malunod kung mayroong timba, at baka madulas at masaktan sila kung hindi sila mababantayan. 

Kung maaari, maglagay ng mga non-slip na mat sa banyo upang masiguradong safe at hindi madulas.

13. Swimming pool

Kung mayroon kayong swimming pool sa bahay, siguraduhin na mayroon rin kayong swimming pool cover para hindi aksidenteng mahulog dito ang iyong anak. Kung maaari, maglagay rin ng fence na hindi kayang akyatin ng bata upang masigurado na hindi sila aksidenteng madulas at mahulog rito.

Ugaliin ring bantayan ang iyong anak habang lumalangoy upang masigurado na safe sila at hindi malulunod.

14. Mga balcony

Kung nakatira naman kayo sa condominium, o kaya kung may balcony ang inyong tahanan ay siguraduhin na naka-lock ang pinto papunta rito upang hindi aksidenteng mapuntahan ng iyong anak. Importante rin na mataas ang bakod ng balcony upang hindi maabot ng iyong anak, at sila ay aksidenteng mahulog.

 

Source: Daily Mail

Basahin: Lindol safety: 10 tips na dapat gawin para sa bawat edad ng bata

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!